Hinatid na sa kanyang huling hantungan ang Master Rapper ng Pilipinas na si Francis "Kiko" Magalona. Kaninang madaling-araw, bandang ala-una, March 11, naganap ang cremation ng kanyang mga labi.
Nagkaroon ng isang espesyal na misa sa Christ The King Church sa Greenmeadows, Quezon City, bago hinatid ang urn na naglalaman ng mga abo ni Kiko sa Loyola Memorial Park sa Marikina City. Naging maayos at tahimik ang naganap na misa dahil puro family members at close friends ng pamilyang Magalona ang present.
Sa misa, sinabi ng pari na kahit nakakalungkot ang biglang pamamaalam ni Kiko, maging masaya pa rin sana ang mga nagmamahal sa kanya dahil nagawa naman daw ni Kiko ang dapat niyang gawin sa mundong ibabaw. "Mission accomplished!" at "Rap in peace!" ang mga salitang binitawan ng pari para sa Master Rapper.
Kapansin-pansin din ang suot na t-shirts na may nakasulat na "One Love" ng pamilya at mga kaibigan ni Kiko. Ito raw ang shirt design na naisipang gawin ni Kiko bago siya namaalam.
Noong huling gabi ng burol ni Kiko, bumaha na naman ng luha sa necrological service dahil sa Eulogy na bigay ng mga taong malapit sa puso ni Kiko. Naging punong-abala ang malapit na kaibigan ni Francis na si Michael V sa naganap na huling misa para sa yumaong Master Rapper.
Bago natapos ang public viewing para kay Kiko ay dumating ang iba pang mga kaibigan at katrabaho ni Kiko. Kabilang na rito ang ang King of Comedy na si Dolphy, na sinabing malaki ang utang na loob niya sa yumaong ama ni Kiko na si Pancho Magalona dahil ito ang nagbigay ng unang break niya sa pagiging artista.
Dumating din si former President Joseph Estrada na nag-abot ng kanyang abuloy mula sa Mowelfund; former First Lady Imelda Romualdez-Marcos; Batangas Governor Vilma Santos-Recto; Senator Jinggoy Estrada; Senator Kiko Pangilinan; Susan Roces at ang anak nitong si Grace Poe-Llamanzares; Rosa Rosal ng Red Cross; GMA-7 SVP Wilma Galvante; Richard Gomez and wife Lucy Torres; Aga Muhlach and wife Charlene Gonzalez; Ely Buendia; Janno Gibbs; Judy Ann Santos and Ryan Agoncillo; Richard and Raymond Gutierrez; Jet Pangan; Rica Peralejo; Sarah Geronimo; Boots Anson-Roa; Vice Mayor Teri Onor; Geleen Eugenio; Sexbomb Girls; EB Babes; Gladys Guevarra; Alicia Mayer; ang buong Eat Bulaga! family; at marami pang iba.
Pinarangalan din si Kiko ng posthumous Medal of Merit mula sa Malacañang Palace dahil sa kanyang contribution sa larangan ng musika at sining. Dahil na rin ito sa pagsama ng kanyang nationalism sa bawat awitin niyang isinulat sa loob ng maraming taon.
Kasabay ng pagbibigay ng award na ito kay Francis ay ang pagbigay ng medalya para sa tatlo niyang mga anak na sina Elmo, Arkin, at Clara Magalona. Nagtapos kasi with honors ang tatlo niyang anak at pinuntahan pa sila ng teachers at school administrators nila sa burol para isabit ang mga medalya nila.
Hindi kasi naka-attend ang mga anak ni Kiko ng awarding ceremonies sa kanilang school dahil sa burol ng kanilang ama. Sinabi ng mga bata na tuwing may school activities sila ay parating present si Kiko kahit na may trabaho ito. Sinabi rin ng maybahay ni Kiko na si Pia Arroyo-Magalona na pinakaimportante ang kanilang mga anak para sa kanyang yumaong asawa.
Sa Loyola Memorial Park sa Marikina City, hindi rin pumayag ang mga tagahanga ni Kiko na hindi nila masaksihan ang paghahatid sa kanilang idolo sa kanyang huling hantungan.
Gustong magpasalamat ng Magalona Family sa lahat ng suporta na ibinigay ng kanilang mga kamag-anak, kaibigan, at mga tagahanga ni Kiko na walang-sawa na bumisita at nakiramay sa kanila for the past five days and nights.
"Overwhelmed kaming lahat sa ipinakitang suporta ng lahat ng mga taong na-touch ni Kiko ang buhay," sabi ni Pia. "This is proof that Kiko has accomplished a lot of things in his lifetime. Kami ng mga anak ko, nagpapasalamat kami sa lahat ng mga taong nakiramay, nakipagpuyatan, nakiiyak, at nakingiti sa amin through those many days and nights. Hindi namin ito malilimutan. Kiko is happy because naging maayos ang lahat. Just like the way he wants it to be.
"Kung ano ang plano namin after this? Wala pa naman. We will continue praying for Kiko. Sabi nga niya, the show must go on. Hindi pa naman nagtatapos dito, e. This is only the beginning of a new life for us without him physically present. Nandiyan lang siya and still guiding us sa lahat ng gagawin namin.
"Kiko would like us to continue his work as an artist and as a lover of our country. We will not fail him sa mga naging trabaho niya. Magtutulung-tulong kaming lahat because this is what he wanted. So his legacy will live on and on. Makakasiguro si Kiko that everybody will know him and the wonderful work that he has done for our country," saad ni Pia.
Click HERE to view PEP's tribute to the the Master Rapper Francis Magalona.
