Sa paanyaya na rin ng CamSur Governor at tagapangasiwa ng CamSur Water Sports Complex (CWC) at Lago del Rey na si LRay Villafuerte, ang Lipgloss ang kauna-unahang TV5 show na nag-taping sa world-class wakeboarding destination sa bansa.
Dahil isang linggo lang ang pagitan ng ibinigay na taping days ng CWC sa Lipgloss bago ang World Wakeboarding Competition sa susunod na linggo, nagkaubusan ng flight patungong Camarines Sur at nagkahiwa-hiwalay ang arrival ng cast and production staff. May ibang nag-Air Philippines at Cebu Pacific patungong Naga at may iba namang nag-Philippine Airlines patungong Legaspi. Ang mga late confirmation, pinag-bus na lang.
Halos kumpleto ang cast ng Saturday teen show ng TV5, maliban lang kina Saab Magalona at Daiana Menezes. Kamamatay pa lang ng ama ni Saab na si Francis Magalona kung kaya't nagpaalam muna siya sa show para sa dalawang episodes na kinunan sa CWC. Hindi naman makakaalis si Daiana sa Eat Bulaga!.
First batch na dumating noong Biyernes ng umaga, March 13, sina Direk Aleah Eugenio, Maxine Eigenmann, Fred Payawan, Kevin Lapeña, Louise Perido, Czarina Suzara, Jessa Mendoza, Neil Coleta, at Zyrus Desamparado.
Sabado ng umaga, March 14, nagkasabay-sabay sina Niña Jose, Mikee Lee, at ang bagong addition sa cast na si Nico Abiviosa, ang Star Magic Batch 16 member na gumaganap na kapatid ni Niña. Sabado ng gabi, dumating ang special guest star na si Janina San Miguel, former Bb. Pilipinas-World. Linggo naman ng umaga, March 15, dumating sina Carlo Guevara, Ejay Falcon, at Rodjun Cruz.
Pinagamit ni Governor LRay ang halos lahat ng facilities sa Lipgloss kasama na ang kabubukas pa lang na Lago El Rey, isang man-made lake tabi ng wakeboarding beach at ang mga bagong tayong cabanas sa tapat ng reception.
Malakas ang naging hatak nina Nina at Mikee sa mga dumarayong Bicolano sa CWC kapag gabi. Tinitilian ang dalawang Pinoy Big Brother housemates at kinakailangan ng security ng kung ilang beses.
Pinakamasaya naman sa trip si Maxine Eigenmann nang tinotoo ni Governor LRay ang pangako sa dalaga na kapag bumalik siya sa CWC, bibigyan siya ng sarili niyang wakeboard set. Nang nagbukas ang Lago del Ray tatlong linggo na ang nakararaan, kasama si Maxine sa mga nag-compete sa invitational game ng nasabing bagong facility sa CWC. Dala niya ang wakeboard ng kanyang kapatid na si Sid Lucero. Sabi sa kanya ni Governor LRay, kung babalik si Maxine sa CWC, bibigyan siya ng sarili niyang wakeboard set.
Hindi alam ng dalawa na makababalik nga ang anak ni Mark Gil. Nang nagkita sila tanghali ng Linggo, pinapili agad ng Camsur Governor si Maxine sa mga naka-display na wakeboards. At ang nagustuhan ni Maxine, ibinigay agad sa kanya.
Ngayong araw, March 16, ay nagsibalikan ang lahat sa Manila.
Sa Sabado, March 21, ipalalabas ang first part ng Lipgloss na kinunan sa Lago del Rey.
Ngayon pa lang, iniimbitahan nang muli ng Camsur ang Lipgloss para mag-taping sa Gota Beach sa Caramoan Island sa darating na July kapag nagbukas ulit ang beach publicly. Sarado ang Gota Beach mula Enero ngayong taon na ito hanggang July dahil tatlong Survivor franchises ang sunud-sunod na nagte-taping doon—ang Survivor Israel, Survivor Turkey, at Survivor Bulgaria.