"Welcome to our Universal Studios!" ang bati ni Richard Gutierrez sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press sa set ng Zorro sa Acuzar Compound sa Bagac, Bataan, kahapon, March 26. Naging posible ang pagdalaw na iyon sa location—na may three-hour drive from Quezon City to Bagac, Bataan—sa imbitasyon ng ina ni Richard na si Annabelle Rama.
Wala pa si Richard nang dumating ang grupo sa Acuzar Compound dahil 5 a.m. na raw that day natapos ang taping nila sa second location nila sa San Miguel, Bulacan. Kaya si direktor Dominic Zapata muna ang naging "tour guide" ng mga press reporters.
ACUZAR COMPOUND. Sinabi ni Direk Dom kung anu-ano ang mga bahay na nakatayo sa 400-hectare na Acuzar Compound ang binili—kasama ang bundok sa east side nito at ang ilog sa west side—sa nilulubugan ng araw para masiguro ng may-ari na walang magtatayo ng bahay o building at magkakabit ng mga kawad ng kuryente.
Gusto raw kasi ng developer nito na si Mr. Jimmy Acuzar na ma-preserve ang 1900s look na wala pang kuryente. Generator lang ang ginagamit ng production para magkaroon ng kuryente at tubig habang nagte-taping sila roon. Kahit si Mr. Acuzar at ang pamilya nito ay generator lang daw ang ginagamit nila kapag dumadalaw sila roon kung weekend.
Kuwento ni Direk Dom, "Ang ginagawa ni Mr. Acuzar, kapag may nabalitaan siyang matandang bahay sa iba-ibang lugar ng bansa, na naitayo noong 1900 na puwedeng bilhin, binibili niya. Isa-isa itong dini-dismantle, dadalhin dito at saka bubuuin.
"Kung hindi ako nagkakamali, may 26 houses na ang nakatayo rito at may mga ipinatatayo pa siya. Itong pinaka-plaza na napapanood ninyo sa Zorro, hahanga kayo kung paano ito naitayo at ang bilis ng mga manggagawa nila rito. Kapag naayos na ni Mr. Acuzar lahat ito, magiging isang community na raw ito. Ang huli niyang ipapatayo, isang simbahan na made of corals."
Maya-maya ay dumating na rin si Richard, at naka-costume na bilang Zorro minus the cape nang makausap siya ng PEP.
Paano nila nakuha ang Acuzar Compound, na kapag napanood ang Zorro ay akala mo talagang bumalik ang Spanish era?
"May nakakita na ng lugar kaya lang ayaw pumayag si Mr. Acuzar na ipagamit ito sa taping," banggit ni Richard. "Kaya ako ang personal na nakipag-usap sa kanya. Sabi niya sa akin, 'Richard, yung lugar, ipinatayo ko 'yon hindi for business, it's passion for me.'"
Patuloy niya, "Every weekend, nandito raw siya with his family. At peace siya rito kasi nga tahimik, malakas ang hangin, at ang isang napakaganda rito, ang sunset. At passion nga raw niyang ibalik yung 1900, gusto niyang buhayin ang Pilipinas ng mga taong iyon, ang culture nito. Kaya nang una raw niyang mapanood ang Zorro, proud na proud siya nang makita niya ang kagandahan ng pinagpapaguran niya rito. Kaya ang Zorro pa lang ang unang nakagamit nitong Acuzar Compound.
"Kay Mr. Acuzar ko rin nalaman na may historical significance pala itong Bagac. Noon daw World War II, ito lang yung place dito sa Bataan na hindi napasok ng Japanese forces. Dito nag-ipon-ipon ang mga Filipino at naka-survive sila rito. Kaya 'yon, lalong nagkaroon ng interest si Mr. Acuzar na buhayin muli ang panahong 'yon."
NOT FAR FROM HOME. Totoo bang halos hindi na umuuwi ng Manila si Richard at doon na lang siya sa Bataan namamalagi?
"Hindi na halos ako umuuwi ng Manila," pagkumpirma ni Richard. "Kapag may araw na libre, pero kinabukasan ay babalik ulit kami, hindi na ako umaalis dito. Hinihintay ko na lang ang pagbalik nila rito. Nandoon lang ako sa Montemar Hotel, doon kasi naka-billet ang buong cast.
"Pag nandito kasi ako, parang nalilimutan kong nasa modern times na tayo, dahil very peaceful dito. Sariwa ang isda at gulay dito, malamig ang hangin mula sa dagat. Saka may time din namang nakapaglalaro kami rito. Dinala ko rito ang jet ski ko, ang mga toys ko [miniature cars] at ang portable gym ko.
"Malapit lang kasi ang Montemar Beach dito, kaya pumapasyal ako dito tapos babalik din ako doon. Kapag nasa set naman kami at break sa taping, nangangabayo kami around. Mababait yung mga kabayo naming gamit dito. Si Buhawi ang kabayo ko, si Pleasant Dream naman ang kabayo ni Rhian," kuwento pa ng young actor.
Hindi ba naman sila nagkaroon ng untoward incident na may nasaktan sa kanila dahil sa pangngabayo?
"Wala naman," sabi ni Richard. "Pero nung minsan, sumama sa aking mangabayo sina Antonio [Aquitania] at ang batang si Buboy [Robert Villar]. Kaya lang, biglang nagwala si Buhawi. Sabi ko kina Antonio at Buboy, kumapit silang mabuti para hindi kami mahulog. Mabuti na lang at nandoon ang trainer ni Buhawi at napayapa naman siya agad.
"Minsan naman, si Antonio, muntik nang masipa ni Buhawi. May suot kasing sombrero si Antonio, inilipad ng hangin, hinabol niya, doon pumunta sa likuran ni Buhawi. Pagdampot ni Antonio, natapik niya ang likuran ni Buhawi, bigla itong sumipa patalikod. Mabuti na lang at nakaiwas si Antonio, hindi siya tinamaan."
Hindi na ba siya nakakagimik?
"Hindi na ako mahilig gumimik, sawa na ako, graduate na ako! Mas nae-enjoy ko na rito!" natatawang wika ni Richard.
"'Saka magtutuluy-tuloy ang taping namin," patuloy niya. "Kailangan naming mag-advance dahil aalis kami ni Rhian, guests kami sa show ng Eat Bulaga! sa New Jersey on April 2. Pero hindi rin kami magtatagal. After ng show, mag-e-extend lang kami ni Ritchie Paul [Richard's brother] ng two days pa sa New York, dahil first time naming pupunta ng New Jersery and New York.
"May itinerary na kami ni Ritchie Paul. Manonood kami ng Broadway shows sa New York, magku-cruise kami, at manonood ng NBA game. May mga imi-meet din akong mga classmates ko sa Los Angeles na naka-base na sa New York."
Kasama ba nila si Rhian?
"First time din ni Rhian doon kaya may mga friends din siyang imi-meet doon. Pero sabi niya, kung anong araw daw kami babalik ni Ritchie Paul, sasabay na siya sa amin. Pagbalik kasi namin dito, free day lang namin ang Good Friday. Tapos Saturday, April 11, magte-taping na ulit kami."
THE BLIND ITEM. Bago natapos ang interview kay Richard, may nagtanong sa kanya nang pabulong tungkol sa lumabas na isang blind item na concerned siya.
"Kung sino man ang nag-imbento noon, nakakatawa sila," sabi ni Richard. "Kung maniniwala sa kanila ang mga tao, wala akong magagawa. Pero ako, tinatawanan ko na lang 'yon."
Pero bakit hindi mamatay-matay ang issue tungkol doon?
"Hindi na dapat buhayin at hindi rin dapat patayin. Kung anuman 'yon, iwanan na lang ninyo sa akin," makahulugang sagot ni Richard.