Aminado si Shaina Magdayao na another challenge na naman sa kanyang kakayahan at galing sa pag-arte ang bagong role na ginagampanan niya sa upcoming afternoon soap ng ABS-CBN na malapit nang mapanood, ang Kambal sa Uma. Ang nasabing soap ay TV remake ng movie of the same title na pinagbidahan ni Rio Locsin noong 1979.
"Opo, challenge po ulit ito," pag-amin ni Shaina nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal). "Nagpakuwento nga po ako kay Ms. Rio. Kasi siya gumagalaw yung ilong niya. We'll see kung ano ang kalalabasan kapag nag-taping na po kami. Hindi pa po namin napag-uusapan ni Direk kasi madalian."
KAMBAL SA UMA. Ang Kambal Sa Uma ay tungkol sa kambal na taong-daga na ipinaglihi ng nanay nila sa adobong daga. Kung si Rio Locsin ay kapwa ginampanan ang role ng kambal noon, dito sa TV remake ay sina Shaina at Melissa Ricks ang gumaganap na kambal bilang Vira at Ella.
"Ako si Vira, isa ako sa kambal na anak ni Ms. Rio [Rio now plays their mother in the TV version]. Kakambal ko rito si Melissa Ricks as Ella. Siya ang mas hitsurang daga rito. Well, actually taong-daga rin ako although hindi lang kita sa physical. May nuance din ako ng daga. Pareho kaming taong-daga pero mas detalyado lang yung pagiging daga niya kasi meron siyang malaking tenga at buntot. Wala akong buntot dito pero meron akong malaking parang birthmark na may buhok-buhok sa likod na lalaki habang lumalaki rin ako," paliwanag ni Shaina.
Ano ang difference ng TV version sa movie?
"Ang difference nito sa movie, kasi sa movie identical [twins] si Ms. Rio, e. Kami fraternal kami. Hindi yata kaya na isang artista lang ang gagawa."
So, sinasabi niya bang hindi niya kaya kung halimbawang siya lang ang gaganap sa dalawang roles as Vira and Ella?
"Kasi po madalian po ito, e. Sabi kasi nila afternoon soap. Madalian kaya hindi siguro kakayanin. Kami nga isang unit lang kami, e. Malayo po dun sa primetime unit talaga. Pero given the chance in the future na makaganap ng dual role, why not? Actually, nagawa ko na rin pala yun sa Komiks Presents Agua Bendita."
SCARED OF RATS. Takot ba siya sa daga?
"Ay, opo, sa totoo lang naman."
Paano niya haharapin yung mga eksena na kailangan may daga sa set?
"Siyempre, aarte ako kunwari. Pero siguro pagka-cut dun na ako titili. 'Ay! Ay! Ay!' Pero pipigilan ko muna siguro habang action pa," natatawang sabi ni Shaina.
Paano niya pinaghahandaan yung role niya, especially, kailangang umarte siyang parang isang daga?
"Nagtanong na nga po ako kay Ms. Rio. Pero hindi pa po nila pinapapanood yung movie kasi nga po malayo sa TV version. Like po noon, pagkapanganak sa twins, namatay na po yung nanay. Dito po sa version namin, mabubuhay po yung nanay namin to be played by Ms. Rio."
WORKING WITH RIO AGAIN. Excited ding makatrabaho ulit ni Shaina si Rio Locsin dahil bata pa raw siya noong huli silang magkatrabaho sa Marinella.
"I'm happy na makatrabaho siya ulit. Mga bata pa po kami noon nina Camille [Prats] nang makasama namin si Ms. Rio. Naliligo pa kami sa ulan noon kapag inaabutan ng ulan sa taping. Kaya nga noong makita ko na kasama yung name ni Ms. Rio sa cast, sabi ko ay go na ito. It's an honor for me na makatrabaho siya ulit.
"At saka love ko si Ms. Rio kasi kapag inaapi niya ako sa Marinella noon, siya pa yung unang umiiyak kaysa sa akin."
RIVALRY WITH MELISSA. Posibleng pagmulan ng intriga ang pagiging kambal nila rito ni Melissa. Ready na ba siya sa ganitong intriga ng rivalry?
"Kung ako po yung tatanungin n'yo dati pa parang alam ko na part ito ng trabaho ko. Hindi talaga maiaalis na maku-compare ka. At hindi lahat ng tao mapi-please mo. Pero kung sa amin naman ni Melissa, yung personal at hindi kasama yung trabaho, maa-assure ko na wala talagang magiging problema sa amin ni Melissa kasi Rounin days pa lang kasama ko na siya. Magaan siyang katrabaho, walang ere, wala kami kahit anong problema doon sa Rounin. So, dito wala rin sigurong magiging problema."
Pero masasabi niya naman na magkaibigan sila ni Melissa?
"Oo naman po. At saka magkasama rin kami every Sunday sa ASAP 09."
WORKING WITH JASON. Si Jason Abalos ang magiging love interest ni Shaina sa Kambal Sa Uma. First teamup nila ito ni Jason.
"First time namin, so bagung-bago talaga. Pero mabait naman si Jason. Nakakasama ko na siya before. Pero kung project yung pag-uusapan, hindi pa kami nagkatrabaho talaga. Pero kung araw-araw naman halos kayo magkakasama madali na lang yung maging close kami sa isa't isa. Mababait naman lahat sa set namin."
Since panghapon ang Kambal Sa Uma, hindi ba siya naiinggit sa ibang artista na pang-primetime ang shows nila?
"Hindi po. Malaki nga po ang pasasalamat ko at hindi ako nawawalan ng trabaho. Mag-iinggitan pa ba kami? Dapat nga magpasalamat kami kapag nabibigyan kami ng project ke panghapon o primetime pa yung show. Maski nga ilagay nila ako sa morning show, okay lang. Go, basta trabaho!"
Bukod sa Kambal Sa Uma, aabangan din ng mga fans si Shaina sa upcoming movie under Star Cinema na may working title na Estrella. Kasama niya sa horror movie na ito sina Jake Cuenca, Maja Salvador at Geoff Eigenmann.