Kahapon, March 30, ang last day ng audition ng Survivor Philippines Season 2 na ginanap sa SM San Lazaro, Manila. Noong March 29, Sunday, ay muling naimbita ang PEP (Philippine Entertainment Portal) at ilan pang entertainment press para sa first day ng audition ng 9th leg sa SM San Lazaro.
Sa mismong GMA Network Center ang meeting place bago kami pumunta ng audition venue. Paglabas namin sa gate ng GMA Network, isang lalaki ang nakita namin na akala namin ay nagpi-picket. Pero nang makita namin ang hawak niyang telang puti, ang nakasulat doon ay: "GMA, make me a castaway in Survivor Philippines 2."
Naikuwento namin ito sa executive producer ng Survivor Philippines na si Donna Medina. Aniya, umagang-umaga pa raw ay nandoon na ang lalaki na napag-alaman nilang dalawang beses na palang nag-o-audition, pero hindi nakapasa sa first level pa lamang.
As early as 11:00 p.m. of Saturday, March 28, habang nagsi-set-up ang production staff, may mga nakapila na raw sa labas at doon na sila inabutan ng umaga. Ang dami raw talagang gustong makasali, kaya lang ay hindi sila nakapasa sa first at second level pa lamang.
Mayroon ngang sumali na naka-costume pa na dahon-dahon lang ang suot at may dala pang torch. Mayroon namang pampitong beses nang nag-audition. Inamin niyang gay siya, pero kaya raw niyang gawin ang gagawin ng mga tunay na lalaki. May isa ring sumali na suot ang napakarami niyang medals, na pinaghirapan daw niyang makuha at dumaan siya sa maraming challenges.
Pero ang mga nabanggit ay hindi nakapasa sa second level pa lang.
NEW TWISTS. During lunch break sa Aristocrat restaurant sa SM San Lazaro ay muling nakausap ng PEP ang host ng Survivor Philippines na si Paolo Bediones. Kasama niya ang dating castaway na si Patani, na nag-i-interview rin sa mga nakapasa na sa first level.
May mababago ba sa procedures and ruling at challenges na gagawin ng mga mapipiling castaways sa Survivor Philippines 2?
"Same procedures pa rin, pero may mga bagong twists," sagot ni Paolo. "Kung sa first Survivor nag-focus kami sa authority na dapat ipakita ng castaway, dito sa second, mas naka-focus kami more on their selves. Kung paano sila makikipag-bonding at makikipag-usap sa mga magiging kasama nila.
"Ang mga challenges last year, ginamit namin yung hiram and tested na sa mga previous Survivor. Kaya kung minsan, sinasabi nila napanood na nila yung challenge. Pero siyempre, iba naman ang pag-execute ng mga castaways natin. This time, kami na ang mag-iisip ng bagong challenges na gagawin nila."
May say ba siya sa mga gagawing bagong challenges?
"Yes, dapat makita ko muna ito dahil ako ang magpapaliwanag sa mga castaways," sabi ni Paolo. "Puwede rin akong magbigay ng suggestion kung ano ang puwedeng ma-improve doon sa mga challenges."
Naging very successful ang first Survivor Philippines. Sa palagay ni Paolo, ano ang nagustuhan ng mga televiewers kaya tinangkilik nila ito?
"Siguro dahil pinanindigan namin ang concept ng show, plus nagustuhan nila ang mga napiling castaways, dahil iba-iba talaga ang characters nila. Like itong si Patani, ang ganda ng sagot niya noong tinanong siya kung bakit siya nag-join ng Survivor Philippines... Ikuwento mo, Patani," susog ni Palo sa dating castaway.
At nagkuwento na nga si Patani: "Nang interbyuhin nila ako, tinanong nila ako kung bakit ako sumali, na karamihan ng sumagot, dahil daw sa P3 million cash prize. Yung iba dahil gusto nilang mabago ang buhay nila, at kung anu-ano pa. Sino ba ang ayaw ng tatlong milyong piso? Pero ako, ang sagot ko, gusto ko lang patunayan na may iba pa akong kayang gawin, hindi lang iyong taguri nilang 'yaya ng bayan'. At nagpapasalamat po ako na malaki talaga ang naitulong sa akin ng Survivor Philippines.
Ayon pa rin kay Patani, umuupa na sila ng bahay ng sister niya na malapit lang sa GMA-7 at umuwi raw siya sa Cebu noong Christmas para dalawin ang kanyang family. May regular show na nga siya, ang Ful Haus at madalas din siyang mag-guest sa iba't ibang shows ng GMA-7 at mga out-of-town shows.
THE FIRST BATCH. Naitanong din ng PEP kay Paolo kung nanood ba siya ng Pinoy Fear Factor ng ABS-CBN. Ang kaibigan ni Paolo na si Ryan Agoncillo ang host nito.
"Yes, nanood ako noong kasabay pa namin sila. Pero noong tapos na kami, hindi na ako nanood. Totally different naman ang genre ang shows namin. Siguro nga nagustuhan ng viewers namin ang mga challenge na ginawa ng mga castaway, bukod pa sa bonding nila sa isa't isa nang magkaroon na sila ng kani-kanilang tribo, na I guess wala sa Fear Factor dahil para lang sa sarili nila ang ginawa nila, wala silang concern sa iba pang kasama nila.
"Kung may isa pang nabago sa Survivor Philippines 2, ito'y nabawasan ang production staff na aalis sa first week of May to an undisclosed island pa. Mas alam na kasi namin ang gagawin kaya puwede nang magbawas ng staff. Pero may kasama pa rin kaming isang psychologist at isang medical doctor plus isang nurse doon sa lugar na pupuntahan namin. Tulad noon, bukod sa doctor, may kasama kaming Thai nurse.
"Hindi lang naman para sa mga castaways ang medical team, para na rin sa production staff na mas matagal malalayo sa kani-kanilang pamilya. Ako, tapos ako ng Interdisciplinary Studies major in business management and Psychology, kaya nabibigyan ko rin ng advices noon ang mga castaways na natanggal na, kapag kasama ko na sila sa tinutuluyan ko.
"I'm glad, hanggang ngayon, tumatawag sila sa akin to ask for some advice tungkol sa kanilang career. Ako naman, sabi ko sa kanila, basta open pa ang cell phone ko, anytime sa gabi, pwede silang tumawag sa akin at sasagutin ko sila. Sina JC [Tiuseco, first Pinoy Sole Survivor], si Kiko [Rustia], si John [Lopez], si Rob [Sy], pagdating sa kanilang showbiz career, tumatawag sila sa akin.
"Si Rob kasi hina-handle na ni Manny Valera at nagwu-workshop na rin siya. Si Charisse [Yacapin], nasa Jollibee na ngayon. Si Nikki, nagsimula siya sa Unang Hirit. Ngayon, ang dami niyang guestings kung saan-saan. I'm glad na bukod sa pagge-guest nila sa mga shows, like sina Nina, Cris, at Emerson, may kanya-kanya na rin silang iba pang work. Si Marlon, tatlo na ang shawarma kiosk niya. Si Nanay Zita, mayroon na siyang laundry shop at very successful ito. Si Vern, nagtuturo pa rin ng taekwondo at naggi-guest sa mga shows."
Nilinaw namin kay Paolo kung ilang damit ba talaga dapat ang dala ng isang castaway?
"Nang umalis sila rito, may dala silang baggage na may 15 sets of clothing. Yung 10 sets, nakahanda para kung magiging jury sila dahil 10 days sila doon at dapat disente na ang mga suot nila. Pero yung dinala nila sa island, kung ano lang talaga 'yong suot nila nang papuntahin namin sa pictorial na hindi nila alam, tuluy-tuloy na silang sasakay sa barko, kaya talagang tig-dalawa lang silang set ng damit na suot."
Ngayong tapos na ang audition, haharapin naman ni Paolo ang third level ng audition sa Wednesday, April 1, na magsisimula ng 8 a.m. Ang mapipili nila, around seventy to one hundred contestants, ay siya namang papasok sa fourth level hanggang sa fifth and last level, kung saan pipiliin ang 16 or 18 castaways.
"Kailangan ko na ring ihanda ang sarili ko, kailangan kong mag-gain ng weight bago ako umalis sa second week of May. Sa July ang expected airing namin," huling wika ni Paolo.