Unti-unti nang umaangat ang career ni Jordan Herrera sa tulong ng kanyang manager na si Ricky Gallardo. Subalit nitong nakaraang linggo, may mga blind item na lumabas at tila nagtangkang pigilan ang pagdapo ng suwerte sa buhay ng dating commercial model.
Ang nailathala sa ilang tabloid, isang aktor daw ang nakakulong ngayon sa isang presinto sa Bulacan dahil suspek ito sa murder ng isang dentista. Hindi pinangalanan ang aktor pero ang bulung-bulungan, si Jordan daw ang tinutukoy sa nasabing blind item.
Inalam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang side ng kampo ng aktor through his manager. Ayon kay Ricky, matagal na ang blind item na iyon and up to now, hindi pa rin naman napapatunayan na may kinalaman nga ang kanyang alaga.
"Napaka-unfair naman," ang banat ni Ricky, na siya ring nagma-manage kina Eugene Domingo at John Lapus. "And stupidity on our part if we're going to release a statement regarding a blind item. Walang kasiguraduhan ang balita, at aware naman ako na noon pa kumakalat ang ganyang tsismis, pero binabalewala na lang ni Jordan dahil wala namang katotohanan. There's nothing like that na nasangkutan ng alaga ko."
Nilinaw pa ni Ricky na ang pangalan diumano ng suspect na nakulong ay Danilo Herrera, not Jordan Herrera, at napaka-unfair daw na idawit ang pangalan ni Jordan sa lumang tsismis na ito.
Ang natatawang paliwanag pa ni Ricky sa pamamagitan ng telepono, "Hindi naman Herrera talaga ang tunay na apelyido ni Jordan kung hindi Hermogenes, so, in that aspect pa lang, obviously, hindi naman si Jordan ang tinutukoy, kaya bakit pa siya magre-react, di ba?"
Nakatutok daw si Jordan sa career niya at sa panayam sa kanya ng PEP, magsisikap daw ito para tuluy-tuloy na ang pagbabalik niya sa showbiz.
"Kasama ako sa Kambal sa Uma, peryante ang role ko," nasabi pa ni Jordan. "Masasangkot ako kay Melissa Ricks, at parang lalabas pang may love angle sa amin. Maganda ang role dahil tagapagtanggol ako riyan ni Melissa, who plays the role of Ella. Magiging bad nga lang ako sa huli."
Hindi maawat itong si Jordan sa pagkuwento tungkol sa kanyang project with ABS-CBN.
Aniya, "May kalaban pa nga akong daga sa istorya. Hindi naman ako takot sa daga, maliban na lang kung gagapangan ako. Hindi ko alam.
"Nag-aalaga pa ako noon ng mga dagang costa. Huwag lang black rats. Noon sa Game Ka Na Ba [format then was similar to Carlos Agassi's Victim], may challenge kami roon na kakainin yung patay na daga. Nagawa ko nga yun," nakakadiring pagpapatuloy ni Jordan.
In short, walang panahon si Jordan sa mga luma at bagong intrigang ibinabato sa kanya ngayong visible na uli siya sa showbiz.