Malungkot ang Star Magic Batch 16 member na si Kristel Moreno sa nalalapit na pagtatapos ng I Love Betty La Fea. Naging close na rin kasi sila ng mga kasamahan niya sa show, plus the fact na malaki ang exposure na nakukuha niya sa naturang series ng ABS-CBN.
Bungad ng young actress, "Sinasabi nila na may inaayos na [kasunod] na show. So, sana kung meron man, matuloy, kasi mas maganda pa rin yung may regular show kahit paano. Dapat hanggang June pa po yung show kaso aalis si Lloydie [John Lloyd Cruz]. 'Pag wala naman siya, siyempre, yung mga fans nila, sila talaga yung hinahanap. Parang 'pag ni-loveteam si Bea kay Echo [Jericho Rosales], sa Internet, yung comments talaga, mas gusto Bea-John Lloyd."
Dating child star si Kristel at naging member dati ng isang sikat na dance group. Pamangkin din siya ng aktres na si Alma Moreno, kaya kabilang ito sa mga naka-witness mismo ng wedding ng Parañaque councilor sa mayor ng Marawi City na si Fahad Salic sa Cebu noong March 21.
"Okey naman po sa akin, siyempre, di ba madadagdagan ang family? Kasi di ba, buti kung hindi mabait, e, super bait naman talaga," na ang tinutukoy niya ay ang groom ng kanyang Tita Ness.
May nakilala ba siyang mga kaibigan ni Mayor Salic na puwedeng maging kaibigan niya?
"Wala po."
Paano kung may manligaw din sa kanya na isang Muslim, okay lang ba sa kanya?
"Hay, naku po. Pag-iisipan nating mabuti."
Bago naganap ang wedding ng Tita Ness kay Mayor Salic, may tsismis na ito raw ang sumagot sa gastos ng debut niya sa isang hotel.
"Hindi, hindi siya, Si Tita Ness po," ang mariing pagtanggi ng dalaga. "Hindi naman siguro siya yung tipo na, 'Uy, gift kita.' Tapos ipapasagot niya kay Mayor. Hindi naman siya ganun. 'Tsaka ang nangyari, hindi naman siya yung manghihingi. Kung nagbigay man si uncle mayor kay Tita, labas na po ako run, e."
Naikuwento rin ni Kristel na hati ang kanyang tita at lola sa gastos.
"As long as sinabi sa akin ni Tita Ness, 'Gusto mo ba na para matuloy ang party, half tayo? Half kami ng lola mo?' As long as sinabi niyang gift niya yun sa akin, labas na ako kung saan niya kinuha yun. Basta tinanggap ko yung regalo. Hati sila ni Tita ng Lola ko, 'yun ang gift niya sa akin, e.
"Kasi tinanong niya ako, 'Ano gusto mo'ng gift?' Sabi ko, 'Tita, wala.' [Sabi ni Tita Ness], 'O sige, kung hindi mo kaya, walang malaking party gusto mo matuloy lang 'to, ayoko naman na walang nagde-debut sa pamilya natin. Ikaw na nga lang ang magde-debut, wala pa."
Pero may gift ba sa kanya ang kanyang uncle mayor?
"Ay, wala po," ang mabilis niyang sagot.
Naibalita rin noon na si Mayor Salic daw ang tumulong para makalaya ang kanyang ama, na bunsong kapatid ni Alma.
"Hindi ko po alam. Basta nung sinabi niya sa akin na napalaya na si Papa, nagulat din ako. Parang, siyempre...Di ba yung fact na lang na ang tagal kong hindi nakita si Papa, so, ang tagal kong...wala na akong panahon na tanungin na paano ka nakalabas.
"Matagal ko siyang hindi nakita. Pero nung nakulong siya mga two years po 'ata, ganun...Magtu-two years siyang nandun. Pero matagal kaming hindi nagkita kasi, since I was four or five, naghiwalay na sila ni Mama."
Ano naging impression niya kay Mayor Salic noong una silang ipinakilala ng kanyang Tita Ness?
"Okey naman siya. Sabi ko nga kay Tita Ness, inaasar ko pa siya nung makita ko sila, 'Uy, Tita, bagets 'yan, ha.' Kasi ano, saka makikita mo talaga na may pinag-aralan siya kasi yung way ng pagsalita niya. At yun nga, ang sabi niya, kaya rin siguro siya nagustuhan ni Tita. Kasi si Tita Ness hindi naman siya maggo-go nang ganun kung wala rin, di ba? Isa pa, hindi lang yung anak yung mahal niya. Ako po, kapag nakikita niya 'anak' din ang tawag niya sa akin. Sobrang mapagmahal."
Natuwa ba siya nang mabalitaan niya na ikinasal na ang kanyang Tita Ness?
"Oo, kasi siyempre, wala namang masama kasi single naman si Tita Ness. 'Tsaka kumbaga, ang dami rin niyang pinagdaanang hirap. Why not maging masaya naman siya, 'di ba?"
Paano niya ide-describe si Mayor Salic?
"Sabi ko nga nung birthday ko, siya ang pinakaguwapong mayor na nakita ko."
Wish din ba niya na makapangasawa rin ng isang mayor?
"Why not po, kung single? Hahaha!"
How true na ikatlong asawa ang kanyang Tita Ness at may iba pang asawa ang kanyang uncle mayor?
"'Yan po, no comment ako kasi wala akong alam. Mamaya may masabi ako 'tapos mali, di ba? Wala talaga kong kinalaman. 'Tsaka kapag super personal na hindi nagsasabi si Tita Ness...," pagtatapos ni Kristel.