Masayang-masaya si Angel Locsin sa pagsisimula ng bago niyang teleserye sa ABS-CBN, ang Only You. Nine months din daw kasi siyang walang TV show dahil naging busy sa paggawa ng first movie niya sa Star Cinema, ang Love Me Again.
"Excited na ako kasi this is it," bungad ni Angel sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Trabaho na ulit, di ba? And happy ako dahil iba naman ito. Nasanay ako na fantaserye na full of hayops yung ginagawa ko. Yung sa Lobo, drama naman, or sa Love Me Again.
"Ito [Only You], may bago. Parang nakaka-challenge kasi iba din naman yung approach. Kailangan very light dahil medyo kumi-krisis tayo ngayon, kailangan nating aliwin ang mga tao. Tulungan natin silang ma-forget pansamantala sa mga problema."
May pressure ba sa kanya ngayon ang pangalawang teleserye niya sa ABS-CBN?
"Actually, iniisip namin walang pressure sa aming mga artista. Parang mahal namin ang trabaho namin. Gusto namin ang ginagawa namin. So, parang lahat ng tao... Like, kahapon, may shinoot akong isang TVC, parang lahat sinasabi, 'Uy, yung pressure nasa inyo because mga ratings, ang high. Kailangan i-maintain.'
"So, ako, parang, okay, may pressure kahit wala naman talaga dapat kaming napi-feel na kahit anong pressure. Yun lang, dun lang namin nararamdaman yung pressure. Pero pag ginagawa namin yung project, masaya kami kasi we're very proud, lalo na si Direk Rory [Quintos]. Napakagaling niyang direktor.
"I have to do better this time, kasi yung papalitan naming teleserye [I Love Betty La Fea], sobrang taas ng ratings. Medyo hindi healthy kung yun ang iisipin mo, 'Ay, kailangan tapatan!' Ang sa akin kasi, ang pinaka-competition ko, yung sarili ko. Pag nakita ko yung sarili ko na, 'Naku, 'Gel, medyo sablay ka diyan, a!' Doon ako magpa-panic. Yun ang challenge ko na may maipakita na something new sa mga tao. Basta maganda naman yung show na ginagawa ko at may tiwala ako sa show, okay ako," pahayag ng aktres.
Kahit daw noong Holy Week ay nagtatrabaho si Angel.
"Siguro isa din yun kung bakit kami napre-pressure dahil wala pa kaming masyadong pondo," sabi ni Angel. "Yes, first taping namin yung out of the country. So, imagine mo na lang yung hirap. Buti na lang, fun yung grupo. Tapos si Direk Rory, team leader talaga siya, e. So, mahahatak ka sa energy niya at sa passion niya sa trabaho."
TAPING IN KOREA. Bukod sa leading men ni Angel na sina Diether Ocampo at Sam Milby, nakasama rin nila sa taping ng Only You sa Korea sina Dimples Romana, Iya Villania, at Bing Pimentel. Sobrang lamig daw sa Korea nang magpunta sila doon.
"Oo nga, e. Ayun, so yung mga shorts namin, hindi namin napakinabangan. Medyo sayang sa costumes, medyo kumambiyo kami. Nung nag-start yung shoot namin, wala yung stylist namin, hindi pa nakakaalis. So, alam mo yun, kami-kami na lang talaga. Buti na lang andun yung PD [production designer] namin, yung staff, all around sila. Nagawan na lang namin ng paraan.
"Nakakatuwa talaga yung eksena namin sa tren. Imagine mo yung MRT natin dito, i-times three mo yung mahabang hagdanan dun, 'tsaka very steep at hawak namin yung mga century stand, yung mga sand bag... Si Sam, bitbit yung box ng camera, kable, ganyan. Nakakatuwa! In fairness, ang galing ko mag-kable. Nagawa ko yun siguro, nagbaklas kami mga ten minutes lang," kuwento ni Angel.
Sanay naman daw si Angel dahil na-experience niya ito nung ginawa nila ni Piolo Pascual ang Love Me Again sa Australia.
"Actually, pinagpapasalamat namin ni Dimples na, 'Buti pala, Mare, naranasan natin yung sa [Australian] Outback.' Kasi sa Korea, parang minamani-mani na lang namin. 'Tsaka kapag nagpa-panic na yung mga tao, kami parang naka-smile. Kami yung, 'O, kaya natin ito.' Kasi alam namin magagawan at magagawan namin ng paraan at maaayos namin.
"Actually, mas marami pa nga kaming tao sa Korea kumpara sa Love Me Again. Pero yun nga lang, mas ngarag dahil mas maraming tao, mas marami kang ika-crowd control. Dun sa Australia, puro baka-baka lang naman, hindi naman sila tumitingin sa camera, di ba?
"Saka yung mahirap din yung sa Outback, wala kaming masyadong baklas na location. Kung meron man, wala, kami-kami lang. E, sa Korea, andaming baklas, ang daming set-up, e. Kahit may tao kami, kulang e. Kami bilang artista, tumutulong din kami sa crew namin dahil ang hirap, e. Sila yung nagse-set-up, sila yung nagbabaklas, so tulong-tulong kami," lahad ni Angel.
TOURING KOREA. Nag-tour ba sila sa Korea?
"Halos," ngiti ni Angel. "Nagpunta pa kami sa mga probi-probinsiya. Yung Nami Island, nag-ferry ride pa kami. Ang ganda! Actually, okay din na nakita namin na hindi pa talaga springtime dun. Parang nung medyo pauwi na kami, dun na nag-iiba na, nag-i-spring na talaga. Nag-bloom na yung cherry blossoms. Nakakatuwa. Ibang-iba talaga ang linis. Ang sarap pumorma!
"Maganda rin yung places doon. Yung Itaewon, Fortune Nami, 'tsaka Lake something. Pero mas gusto ko yung Nami kasi medyo outdoorsy ako, e. Ang daming puno, puwede kang mag-bike... So kami ni Sam, habang ginagawa namin yung eksena na nagba-bike kami, yun yung araw na medyo maluwag ako. In fairness naman sa araw na yun, medyo maluwag ako. So, nagba-bike kami. Medyo paikot-ikot lang kami ni Sam. E, yung bike na yun, yun yung dalawahan. Ako yung sa likod, siya sa harap. So, nagba-bike lang kami," kuwento niya.
How true na pang-lovers daw doon?
"Actually, si Diet nagpaplano na siya na dadalhin dun si Rema [Ostwani, Diether's girlfriend]. Bawat lugar, o itong lugar na ito, pinagplaplanuhan na niya. Si Diet kasi mahilig yun sa surprises," sabi ni Angel.
SAM MILBY. Nakatulong naman kaya yung lugar sa chemistry nila ni Sam?
"Sa lahat. Hindi lang yung mga kilig-kilig [scenes]. Lahat, pati yung mga linya ko na, 'Ang ganda-ganda naman dito.' Hindi ko na kailangang i-fake na ang ganda-ganda. Napi-feel ko talaga siya naa-appreciate ko siya."
Kumusta naman ang working relationship niya with her leading men?
"Si Sam, nakatrabaho ko na siya sa MMK [Maalaala Mo Kaya], so kahit papaano alam ko na kung paano siya mag-work, kung paano yung ugali niya. Kasi after nun, nag-uusap-usap kami. Pero dito, napatunayan ko as in genuinely nice siya talaga. As in, walang halong kaplastikan yung pagiging nice niya.
"Kaya ko nga laging nasasabing sa kanya 'little boy,' baka ma-misinterpret ng iba. Kasi si Sam, medyo nagtampo yata sa akin nung sinabihan ko siyang 'little boy.' Pero ang ibig sabihin ko nun, napakatotoo ng mga kilos niya, real. Napaka-fresh ng kilos niya pag mag-aalok siya ng food, pag aalukin niya yung mga gadgets niya, napakatotoo talaga. Ang cute tingnan. Pag sinabi kong 'little boy,' yun ang ibig ko sabihin. Hindi dahil immature siya, hindi gano'n. Wala kong nakitang gano'n. Actually si Sam, very responsible."
Inalagaan ba siya ni Sam habang nasa Korea sila?
"Oo naman," mabilis na sagot ni Angel. "Actually, wala kaming choice kundi mag-alaga sa isa't isa. Yun, kaya nakakatuwa rin na meron kaming shoot sa Korea, kasi bonding talaga kami, e.
"Meron pa ngang isang beses si Iya, lumabas kami naka-wig kami. Buong araw, talagang pinanindigan namin. Naka-wig kami kahit hiyang-hiya na kami. Kasi siyempre, wala namang masyadong Pilipino sa Korea.
"So, 'Tara, Mars, mag-wig tayo. Wala namang makakakilala sa atin.' Sakto nung araw na yun, ang dami-daming Filipinos talaga! Nahiya nga kami ni Iya kasi baka sabihin nag-wig kami para hindi kami makilala. Pero trip-trip lang talaga yun.
"Pinag-usapan talaga namin gabi pa lang. Binili namin yung wig dun. Siguro as in morning pa lang hanggang gabi. Ako, may bangs. May picture si Diet. Si Iya naman, short hair... Ang cute, parang anime!" natatawang kuwento ni Angel.
Sa Korea rin ba kinunan ang love scene nila ni Sam?
"Awkward, kasi, di ba, nasanay kami na kapag gagawa ng love scene, medyo patapos na yung istorya? E, ito, umpisa pa lang, meron na. So, kami ni Sam, dinadaan na lang namin sa biro. Kasi ang lamig-lamig pa nung time na yun, tapos naka-comforter lang kami.
"Buti na lang ito, alam namin na nagwo-work lang kaming dalawa. So, tinanggal namin yung ilang factor, pero meron pa ring kaunti talaga, e. Hindi mo maaalis. Ako, ha, hindi ako makakapagsalita for Sam, pero ako, tina-try ko magpaka-pro talaga dun."
DIETHER OCAMPO. Nagkasundo rin ba sila agad ni Diet?
"Nung una, siyempre medyo awkward ako kay Diet, kasi medyo senior kong artista, e. Baka hindi ko ito mahirit-hiritan. Kasi si Sam, nabibiro ko kasi isang taon lang naman gap namin 'tsaka nakatrabaho ko na rin naman siya. Pero yun, na-realize ko na ang bait pala nitong tao [Diether]. Puwede siyang magloko, pero napaka-responsible din. Alam mong napakatalinong tao pag kausap mo, alam mong marami kang matututunan sa kanya.
"As in maloko din siya minsan. Kasi one time, may shoot kami sa Myungdong, e, market yun, e. So, andami talagang tao na dumadaan. E, challenge sa amin, kasi kung ito yung camera, nandito kami, punong-puno ng tao sa likod namin. Kailangan makita kami ng camera. So, ginawa namin ni Diet, tumayo kami tapos nagsayaw kami na, as in, nagwawala kami para lumayo sa amin yung tao. Para magkaroon kami ng space.
"E, nagkataon, puro grupo pala ng Pilipino yung dumaan sa harap namin, tapos bigla silang nagpa-picture! So kami ni Diet, hiyang-hiya kami. Sabi namin, 'Ay naku, nakita tayo ng mga tao na nagwawala tayo, baka isipin ganito talaga tayo!' Pero wala, ginagawa lang namin trabaho namin. Wala talagang maarte, so masaya."
Nabanggit ni Diether na habang nasa eroplano raw sila ay nakapag-share siya ng personal stuff kay Angel.
"Kasi, alam na namin na may nami-miss kami dito sa Pilipinas," sabi ni Angel. "Pareho kami ng nararamdaman, so kaming lahat, wala kaming choice kundi i-comfort yung isa't isa. Happy naman kami na, 'Ay, yung taong ito nagtitiwala sa akin. May mga bagay na isini-share sa akin. Ganun din ako, likewise din."
RELAXING WHILE WORKING. Ano ang pinakamagandang lesson na natutunan niya sa paggawa ng Only You?
"Ako kasi, grabe ako magtrabaho. 'Pag trabaho, trabaho. Dito, natutunan ko na puwede rin pala kahit relaxed ka. Puwede rin pala maging maganda yung outcome ng trabaho mo. Kasi ako, puro work, work, work to the point na nakakalimutan ko nang mag-enjoy. Puwede pala yun kasi ang saya dito, ang light. Siguro nadadala din ako ng pinaka-theme namin. Na-realize ko na puwede kang mag-enjoy while working, yung can play and have fun."
Ano ang aabangan sa kanila sa Only You?
"Nahiya naman ako. Hindi ko alam kung ano'ng aabangan. Itong Only You, masasabi ko lang, ang buhay parang pagluluto lang 'yan, e. Iba-ibang sangkap, iba-ibang sahog, iba-ibang panlasa, katulad din ng iba-iba ang nangyayari sa buhay natin. Pero ang ending, makukuha mo rin yung gusto mong taste kapag ikaw ang nagluluto.
"Parang ganon din yung Only You, ibibigay din namin yung tamang timpla na magugustuhan ninyo. Madami ring kilig scenes. Nakita ko nga yung ibang rushes, hindi ko in-expect na gano'n kakilig yung mga nagawa namin," pagtatapos ni Angel.