Isiniwalat ng aktor na si Al Tantay ang tunay na damdamin at relasyon niya sa kanyang ex-wife at dating screen partner na si Rio Locsin. Parehong aktibo ngayon sa telebisyon sina Al at Rio. Si Al ay nasa cast ng Only You nina Angel Locsin, Diether Ocampo, at Sam Milby; samantalang si Rio naman ay napapanood sa TV remake ng Kambal sa Uma nina Shaina Magdayao at Melissa Ricks.
Sa hiwalay na interview ng PEP ay naikuwento ni Rio ang kalagayan ng kanyang tatlong anak na babae. Dalawa rito ay mula sa kanyang unang asawa na si Al, at ang bunso ay sa mister niya ngayon at dating basketbolista na si Padim Israel. (Click here to read related article.)
"Oo, ano, graduate na sila. Gusto ko nga mag-asawa na sila para magka-apo na ako, e," sabi ni Al.
Taliwas naman ito sa pananaw ni Rio, na sa tingin niya ay hindi pa ready ang kanyang mga anak na magkaroon ng sarili nilang pamilya.
"Yun nga ang problema," sabi ni Al. "Gusto ko nang mag-asawa na sila. They're 28 and 26. Ako, gusto ko."
Ano ang pakiramdam na hindi niya kapiling ang kanyang mga anak sa paglaki ng mga ito?
"Siyempre, hindi ako happy. Kaya lang, ganun talaga," matipid niyang sagot.
Paano sila nagba-bond ng mga anak niya kay Rio?
"Every now and then naman nagkikita kami ng mga bata."
RAISING HIS CHILDREN. Gusto ba niya kung paano pinalaki ni Rio ang mga bata?
"Okey naman. Kaya lang, yun nga, huwag lang niyang kalilimutan na hindi bata yung mga bata," nakangiting sabi ni Al, na gaganap bilang ama ni Angel sa Only You.
Istrikto bang magulang si Rio?
"Oo, medyo. Yun lang, medyo istrikto siya."
Hindi kaya mas istrikto ang mister ni Rio na si Padim?
"Hindi ko alam. Pero okey naman yung nangyari sa mga bata. Okey ang studies nila. Mababait sila. Matitino sila. Kaya lang, parang dapat siguro itong panahon na ito, itong nasa stage na sila na kailangan mag-explore sa labas. Para hanapin nila yung mundo nila."
Nararamdaman ba niya na ganito rin ang pakiramdam ng mga anak niya kay Rio?
"Siyempre, nararamdaman ko sa kanila."
Nagsasabi ba yung mga bata sa kanya?
"Oo, nagsasabi ang mga bata."
Napag-uusapan ba nila ni Rio ang mga bagay na ito?
"Actually, hindi kami masyadong nag-uusap ni Ogie [palayaw ni Rio]," pag-amin ni Al. "Although, may sarili kasi kaming... Kanya-kanyang mundo, e. Kanya-kanyang pamilya. Pero alam mo naman, sila Ogie, e, huwag lang din may babangga diyan, makakalaban pa rin ako. I mean, di ba? Ganun lang yun, e.
"Pero yung mga bata, mas yung karapatan siyempre nasa kanya, e. Dahil sa kanya lumaki ang mga yun, e. Mahirap para sa akin. Pero ako, hoping na maintindihan na niya ang mga bata."
Tumatakbo rin daw ang mga anak niya kay Al kapag may problema. Ano ang advice na ibinibigay ng actor-director sa kanila?
"Kasi, magkaiba kami ng pananaw ni Ogie, e," sagot niya. "Ako kasi, namumuhay as an individual. Ganun din ang tingin ko sa kapwa ko. Parang may sariling buhay na dapat hindi komo family, anak ko, is controlled ko na, di ba? Gusto ko naman luwagan, yun lang."
FINANCIAL SUPPORT. Totoo ba na hindi siya nagbigay ng financial support sa mga anak nila ni Rio?
"Akala lang niya yun kasi hindi ko sa kanya ibinibigay!" tawa ni Al. "Siya ang nagpaaral. Pero ang mga bata, since alam mo, siyempre, ano lang, e, timing lang 'yan. May time talaga na wala ako [pera]. Pero nung nagkaroon ng panahon na okey naman ako, may bangko ako sa kanila. May ATM [account] ako sa kanila. Ang karapatan ko lang dun ay mag-deposit. Karapatan ng anak ko is mag-withdraw. Hindi ko alam kung alam niya [Rio] 'yan. Tapos nung nag-18 na sila at nagtrabaho na sila, doon na lang, kumbaga, naasikaso lang sila kapag nagkikita kami."
NO CLOSURE? Parehong may show ngayon sa ABS-CBN sina Al at Rio. Never bang nagkaroon ng chance na magkita sila?
"Hindi, hindi kami nagkikita."
Wala raw bitterness si Al sa kanila ni Rio. Pero aminado si Al na hindi sila nagkaroon ng pagkakataon ni Rio na makapag-usap nang maayos pagkatapos ng masalimuot na paghihiwalay nila noon.
"Mga bata lang yung nagko-connect sa amin, actually," sabi ni Al.
Hindi na talaga sila nagkaayos ni Rio?
"Hindi ko alam. Ako kasi, ang alam ko, ayos na, e. Hindi ko alam na medyo hindi pa siya maka, parang...ewan ko. Ako kasi, since naghiwalay kami, naka-move on na ako, e. Hindi ko alam kung sa kanya hindi, e. Hindi ako sigurado.
"Naririnig ko lang minsan na binabanggit ng mga bata. Kasi mahigpit sa kanila lalo na pagdating sa akin. Yun nga. 'Tsaka yun nga, naririnig ko rin yun, e, na hindi ako nag-support. Siya ang nagpaaral, siya lahat, yung ganun. Wala sa akin, e. Pero tanungin mo ang mga bata. Tanungin mo na lang sila kung wala akong ibinigay na support," sabi ni Al.
So, parang may animosity pa rin sa kanila ni Rio?
"E, kasi hindi naman kami nagkakausap. Hindi naman kami nagkikita. Nagkakasalubong lang kami minsan-minsan. Hi and hello lang."
What about doing a project together?
"Wala, ayaw niya."
Paano niya nalaman na ayaw ni Rio?
"Nagkaroon ako ng isang ano diyan, isyu pero within sa amin lang. May gagawin 'atang show na parang di 'ata niya... Parang uneasy siya, parang ganun. Ayaw niya. Hindi siya relaxed na makatrabaho ako," saad ni Al.