Manny Pacquiao says "right hook" was his main strategy against Ricky Hatton

"Sabi nila sa akin, walang talo si Hatton sa 140 [pounds weight division]. Yun talaga ang division niya. Siguro napatunayan ko lang na parang malakas pa rin ako sa 140," says Manny Pacquiao.


Ilang sandali pagkatapos pabagsakin ni Manny "Pacman" Pacquiao ang Briton na si Ricky "Hitman" Hatton sa laban nila kanina (gabi ng May 2 sa U.S. at tanghali ng May 3 sa Pilipinas) ay nakausap ng sportscasters na sina Chino Trinidad at Quinito Henson para sa Solar Sports at dzBB ang Pambansang Kamao sa kanyang dugout bago ang kanyang press conference with the international media.

May natitira pang ilang segundo sa second round nang magpakawala si Pacquiao ng isang matinding left hook sa panga ni Hatton na nagpatulog sa British boxer at nagpatapos ng laban. Inaasahan ba ni Manny na ganun lang kabilis ang magiging laban nila ni Hatton?

Ayon kay Manny, nasorpresa siya na naging ganun lang kabilis ang laban nila. Pero pinag-aralang daw nila nang husto ang galaw ni Hatton.

Dagdag niya, "Araw-araw, talagang pinapa-practice ko yung right hook ko, paulit-ulit. Nakakasawa na nga, e. Pero talagang sa fight, nagamit ko yung right hook ko," dagdag ni Pacman tungkol sa nagpapatumba sa kanyang kalaban.

Dahil sa tindi ng left hook na pinakawalan ni Manny sa second round ay pumikit na ang mga mata ni Hatton, hindi pa man siya bumabagsak sa lona. Saan kaya nanggaling ang lakas na ipinakita ng Pinoy boxer?

"Hard work and believe in God. Yun talaga, I'm guided by the Holy Spirit," saad ni Manny.

Sa tingin ba ni Manny ay may bagong diskarte na ginawa si Hatton sa laban nila o ganun pa rin ang style nito?

"A, talagang pinepreparasyon niya yung kaliwang kamay ko, yung left hand ko. Kaya pag nag-jab ako, talagang bumaba siya dito sa kanan ko. Kaya sabi ko, ang depensa ko, sa right hand ko," sabi ng Pinoy boxing champ.

Kinabahan o natakot ba siya nang hindi na gumagalaw si Hatton pagkatapos niya itong pabagsakin?

"Sabi ko, yung pagtama ko sa kanya, feeling ko tapos na kasi solid yung pagkatama. Actually, inaasahan ko na pangtapos ng fight ang kaliwa ko," aniya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero kung ang kaliwang kamay ni Manny ang "nagpatulog" kay Hatton, ang kanang kamao naman niya ang nagpagbagsak sa British boxer ng dalawang beses sa first round pa lang.

"Alam mo, yun talaga ang strategy namin," ani Manny. "Sabi ko nga, yung kanan ko talagang... Kumbaga, noon hindi pa ako masyadong bilib sa kanan ko. Ngayon, talagang bilib na ako sa kanan ko rin, kasi nagamit ko na sa fight."

May gusto ba siyang patunayan sa laban nilang ito ni Hatton?

"Sabi nila sa akin, walang talo si Hatton sa 140 [pounds weight division]. Yun talaga ang division niya. Siguro napatunayan ko lang na parang malakas pa rin ako sa 140," sagot ng best pound-for-pound fighter.

Pagkatapos ng panibagong tagumpay na ito ni Pacman, magkakaroon daw ng kantahan mamaya at thanksgiving mass bukas ng umaga.

"Pasasalamat sa mahal na Panginoon dahil kahit paano natapos ang event na nasiyahan ang mga tao at walang nasaktan," banggit ni Pacman.

Siyempre pa, marami na ang nag-aabang sa susunod na laban ni Manny. Matunog ang pangalan ni Floyd Mayweather Jr. na nagdesisyong bumalik sa pakikipaglaban—kontra kay Juan Manuel Marquez sa July—after his short retirement. Incidentally, si Mayweather Jr. ay anak ng trainer ni Hatton na si Floyd Mayweather, Sr.

"Alam mo, hindi ako humahamon," sabi ni Pacquiao. "Lumalaban lang ako pag ako ang hinahamon. Ako, talagang boxer ako, nothing personal, doing my job in the ring."

Pinag-iisipan niya na rin ba ang pagre-retire?

"Alam mo, hindi lang ako, as a fighter, ang ipinapakita ko sa boxing... Kung talagang isipin mong mabuti, hindi lang boksingero ang ginagampanan ko pagdating sa laban. Gusto kong ipakita sa kanila, lahat ng tao, basta naniniwala ka sa Panginoon, walang imposible.

"Alam ng Panginoon ang laman ng puso ko na hindi lang para sa sarili ko ako nagsisikap, kundi nagsisikap ako para sa ating lahat, sa ating bansa. Talagang bukal sa loob ko ang makapagbigay ng karangalan sa ating bansa, at mapagkaisa ang mga Pilipino. Hindi tayo mahihiya, taas-noo tayo," saad ng Pinoy boxing champ.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

As for Hatton, naka-recover naman siya agad pagkatapos ng ilang minuto niyang pagkahilo dahil sa tindi ng suntok ni Pacquiao.

"It was a hard loss but I'm okay. I really didn't see the punch coming but it was a great shot. I know I'll be okay," sabi ni Hatton sa panayam sa kanya ng Yahoo! Sports.

Dinala rin sa hospital si Hatton para ma-check up kung may natamo siyang injury sa ulo.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN