Regine Velasquez sleeps through her birthday

As far as my relationship with him is concerned, sigurado ako doon. As far as the wedding is concerned, hindi pa talaga natin alam kung ano ang kahihinatnan. Siyempre, nagpe-pray kami pareho, hopefully. But I don't want to plan anything yet," says Regine Velasquez about her relationship with boyfriend Ogie Alcasid.


Very happy si Regine Velasquez na hanggang ngayon ay maganda pa rin ang takbo ng career niya at patuloy siyang binibigyan ng magagandang projects ng GMA-7. Gaya na lang ng bago niyang talent show na Are You The Next Big Star?, na mapapanood simula sa Sabado (May 16). First time din siyang magkakaroon ng ibang co-host other than her boyfriend Ogie Alcasid, sa katauhan ni Keempee de Leon.

"It's exciting to host this kind of talent show," simula niya. "Hindi ko maiwasan na maging close sa mga contenders kasi nakikita mo yung struggles nila. Yung kagustuhan nilang mag-succeed. Nararamdaman ko yun kasi pinagdaanan ko yun e. Kung puwede mo nga lang silang lahat panalunin, e, pero isa lang talaga ang puwedeng manalo.

"Ang maganda dito sa Are You The Next Big Star?, dalawa ang mananalo—isang babae at isang lalaki," pahayag ni Regine nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press sa presscon ng Are You The Next Big Star? last Saturday, May 9, sa Technowave Bar & Restaurant, Il Terrazo Bldg., Tomas Morato Extension, Quezon City.

Bukod sa Are You The Next Big Star?, napapanood din si Regine sa SOP every Sunday at gabi-gabi sa GMA Telebabad via Totoy Bato bilang leading lady ni Robin Padilla. Kaya simula next week ay araw-araw nang mapapanood ang Asia's Songbird sa telebisyon.

"I'm really very thankful na after three decades ay bisi-busy-han pa rin ang lola n'yo, di ba? Natutuwa naman ako na nandiyan pa rin ang tiwala ng network sa akin, giving me good projects. And I'm still able to... yun na nga, magampanan ang dapat kong magampanan as a host, as Robin's leading lady, yung mga ganun ba. Pero itong lahat ng ito, trabaho ito," saad niya.

RELATIONSHIP WITH OGIE. Pero sa kabila ng kanyang pagiging busy sa kanyang showbiz career, pinipilit naman ni Regine na mabigyan ng oras at atensyon ang kanyang mahal na boyfriend na si Ogie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siyempre, inaalala ko pa rin yung relationship ko with Ogie. Kasi nga busy-bisihan ako, I'm not able to cook for him. So, kagabi [May 8], late na late na akong natapos ng special na ginawa ng GMA for me, I went to his taping kasi naglambing siya. So, nagpunta ako sa Hole In The Wall kahit three o'clock na ng madaling-araw. Nanood ako ng isang episode, happy na siya doon. Ganun lang kasi yun maglambing, e," kuwento ni Regine.

Kung siya ay pumupunta sa taping ni Ogie, ano naman ang ginagawa ni Ogie bilang pambawi naman sa kanya?

"Ganundin, dinadalaw din ako nun kapag magte-taping ako. Kasi minsan-minsan lang 'yan naglalambing na dalawin ko siya. At saka pupunta 'yan sa bahay, paggising ko, may breakfast na."

Sweet na sweet daw si Ogie sa kanya. At alam nito ang kanyang mga gusto kaya naman tuwang-tuwa siya sa regalong Chanel bag ni Ogie para sa kanyang birthday last April 22.

"Binigay niya yung bag bago pa ako mag-birthday. Kasi may sumpong ako nang araw na yun, e. Sabi niya, 'Sige na nga, para hindi ka sumpungin,'" nakangiting sabi ni Regine.

Nagtatalon nga raw siya, ayon kay Ogie, noong matanggap niya yung Chanel bag?

"Oo, siyempre mahal yun, e!" bulalas ni Regine.

SLEEPY BIRTHDAY. Ano naman ang ginawa niya during her birthday mismo?

"Natulog ako!" tawa ni Regine. "Galit na galit sa akin si Ogie kasi nagpunta kami sa La Union, kina Joy Ortega [kaibigan nina Regine at Ogie]. They were so nice. Kasi nga, nagpunta kami ng La Union with my family, kasama si Ogie noong mismong week ng birthday ko. We were there for four days.

"Yung birthday ko mismo, pinaghanda ako ng family ni Joy Ortega. Nandun kami sa house nina Joy mismo, with the father, the mother, the family... Governor yung father niya [Joy]. It was so nice, talagang pinaghandaan niya yung buong pamilya namin. Fiesta ito. Ang bait-bait nila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tapos, nagagalit sila sa akin kasi nakapag-golf na si Ogie, nakapag-basketball na, nakapag-swimming na yung mga bata... Ako, tulog pa rin ako! Kasi antok na antok ako. So, sa birthday ko talaga, tulog ako!" natatawang kuwento ni Regine.

Paano naman siya bumawi kay Ogie after niyang matulog?

"Natulog pa rin ako!" sabay tawa nang malakas ni Regine.

Biro namin, mabuti at hindi nag-tantrums si Angelina (ang spoiled brat character na ginagampanan ni Ogie sa Bubble Gang at Hole In The Wall)?

"Hindi naman. Naintindihan naman niya. Tapos niloloko niya ako, 'Hoy, mag-sleeping pills ka para makatulog ka. Baka kulang ka pa sa tulog.' Sabi ko, 'Salbahe ka, nakakainis ka!' Sabi niya, 'O sige na nga, matulog ka na ulit.'

"Actually, yung pamilya ko, sanay sa ganun. Nung nag-Boracay kami, lahat sila nagsu-swimming and all. Ako, tulog ako! Actually, nung Holy Week sa Batangas with Ogie, tulog din ako! Kasi parang nung galing ako ng States, parang pagod na pagod talaga ako. Ito rin nung last birthday ko, actually last minute yun, e, na nagpunta kami sa La Union. I feel so tired, kaya tulog ako.

"E, nakalimutan ko na first time na kasama namin si Ogie sa out of town. E, yung family ko, they already knew me, na pag nag-vacation ako matutulog lang talaga. Pero may dalawang araw naman akong nasa ulirat! Mga lunch time, nakikipaglaro ako sa mga pamangkin ko, tapos picture-picture, chika-chika, poker, whatever. Pero yung most of the time sa buong araw, wala ako sa conciousness ko, tulog ako!" salaysay ni Regine na hindi mapigil na matawa habang nagsasalita.

Bukod kay Ogie, sino pa from showbiz ang unang bumati sa kanya sa birthday niya?

"Ang dami, e. Kasi nga, since out of town kami, hindi nila alam kung saan ako hahagilapin. Kung meron bang party... E, gusto ko ngang manahimik, gusto ko ngang matulog. Ang dami kong text! Tapos lahat sila tine-text si Ogie, mga 150 yata yung text, na kay Ogie lahat! Kasi nga hindi nga nila alam kung nasaan ako!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bumati rin ba ang ex-wife ni Ogie at kaibigan niya na si Michelle Van Eimeren?

"Oo, lagi naman, e. Tatawag pa 'yon or magme-message."

Nagkakatampuhan pa ba sila ni Ogie, kasi parang lagi silang nakikitang masaya?

"Pag nag-away kami, parang comedy pa rin. Kasi we don't... At least sa akin, sa parte ko, pareho kami, e. We don't like to put too much pressure on each other. Lalo na yung pareho kaming busy. Ang hirap, e, alam mong may iniisip yung tao, tapos kukulitin mo pa. So, kami, inaano ko na busy na lang ako. Bumabawi na lang ako. And he does that to me also. So, wala, hindi kami nagka-clash.

"Kasi nga our job is already stressful enough, that's why you have your partner. You have somebody you can complain to. Hindi yung magko-complain ka na, 'Honey, why are you not here?' Iko-complain mo na lang na, 'Honey, I'm tired.' Yung ganun, mas maganda yun."

SEPARATION BLUES. Dahil mahal na mahal nga nila ang isa't isa ay ayaw na nilang mahiwalay nang matagal, lalo na kapag nagtu-tour sa abroad ang bawat isa sa kanila. Sa nauna ngang interview ng PEP kay Ogie, sinabi nito na ayaw na niyang magkahiwalay sila nang matagal.

"Ayaw na niya akong mag-tour," pagkumpirma ni Regine. "Actually, pact namin talagang dalawa yun. Kasi kahit ako, I really didn't want to tour anymore. Kaya nga three weeks-three weeks lang, e. Dati, a month and a half kung mawala ako, two months... Ganyan ako kung mawala dati, di ba? Ngayon, three weeks na yung pinakamatagal kasi nga parang ni-limit na namin. Siyempre, ang hirap, e."

Nag-iyakan pa raw sila nang magkita sa airport dahil sa sobrang miss nila ang isa't isa after ng three weeks tour ni Regine para sa Divas For Divas; kasama sina Zsa Zsa Padilla, Kuh Ledesma, at Pops Fernandez. Gusto raw ni Ogie kapag mag-a-out of the country ay sila raw dapat dalawa ang magkasama.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Oo nga, e. Ako rin, hindi ko makaya na magkalayo kami nang matagal. Kaya lang, parang sayang naman yung opportunity, yung work. Tapos ang hirap ng buhay ngayon. Nag-iipon pa kaming pareho."

Sa dami ng projects nilang dalawa, wala pa ba silang ipon?

"Hindi pa enough. Kanya-kanyang ipon for our future. Yung iniipon ko, para sa sarili ko! Yung pera ko, pera ko! Yung pera niya, pera namin!" biro ni Regine.

Ano yung nami-miss niya kay Ogie kapag nasa abroad siya?

"Siya," sagot ng Asia's Songbird. "Yung pagkatao niya. Kasi nakakatawa talaga siya, e. Minsan uuwi yun, naka-Angelina. Tapos ang weird, kasi, di ba, malambing ako? Nilalambing ko siya, ang weird kasi naka-ponytail, tapos hinahalikan ko siya. Kering-carry niya yung Angelina talaga.

"Actually, kahit yung nandito ako, tapos I'm working, I miss him. Yung hindi pa ako umaalis, nami-miss ko na siya. Kaya we make it a point to see each other. Pag Saturday, tapos wala kaming parehong ginagawa, magde-date kami."

So, talagang mali ang hula sa kanila na maghihiwalay sila this year?

"Bakit naman kami maghihiwalay? Kinontra ko na! Nagpunta na nga ako kay Joy Lim. Ang mga anting-anting ko, nandiyan lang!" biro pa ni Regine.

NO WEDDING YET. Since present silang dalawa ni Ogie sa private wedding nina Ryan Agoncillo at Judy Ann Santos noong April 28, naitanong tuloy ng PEP kung gusto rin ba niya ng quiet wedding katulad ng kina Ryan at Juday, just in case na ikasal na sila ni Ogie?

"Just in case? Kasi nga eskandalosa ako, parang hindi masyadong bagay sa akin! Tapos, iimbitahan ko lahat ng press, may sariling party ang press people," lambing ni Regine sa PEP at sa mga nag-i-interview sa kanyang press.

So, hindi na out of town ang wedding nila, kasi baka makatulog siya?

"Baka!" tawa niya. "So, huwag na nating gawin yun. Kasi baka wedding ko na, natutulog pa ako! 'Hoy, kasal mo na! Ha, ngayon ba yun?' Kasi nga pag out of town, natutulog talaga ako. Ewan ko ba pag sinabing vacation, ang idea ko matutulog ako!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi ba siya nainggit kina Ryan at Juday?

"Hindi na, may papa na ako, e. Kung wala akong papa, e, di maiinggit ako. Kasi alam ko naman sa dulo, dun din ang punta noon."

Ano ang feeling nila ni Ogie habang naglalakad sa aisle si Juday?

"We're very happy. Kasi sa wedding, ang pinakaaabangan yung walk down the aisle ng bride. Lagi kong inaabangan yun at saka yung kiss. But unfortunately, I missed that, yung 'You may kiss the bride.' Kasi nga, ihing-ihi na ako! Kaya inis na inis ako. Nung umalis ako, akala ko hindi pa matatapos, kasi nagpipirmahan pa lang sila. Akala ko meron pa. Sabi ni Ogie, 'You missed it.' Nainis nga ako!" nakaakaaliw na kuwento ni Regine.

Nakasama pa rin ba siya sa reception after ng wedding?

"Hindi na nga ako nakasama sa reception, naiwan na si Ogie. Kasi may taping ako that day [ng Totoy Bato]. Actually, galing din ako ng taping ko noon, e. I just tried my best talaga. I made it a point to be there talaga sa church. Tapos after, dumiretso na ako sa taping."

Sino ang gusto niyang kumanta sa wedding nila ni Ogie?

"Puwede kayang kami-kami na lang?" sambit niya. "Pero hindi ko pa talaga alam. Siguro pag na-settle na. Ang hirap kasing magplano nang hindi ka pa sigurado, di ba? As far as my relationship with him is concerned, sigurado ako doon. As far as the wedding is concerned, hindi pa talaga natin alam kung ano ang kahihinatnan. Siyempre, nagpe-pray kami pareho, hopefully. But I don't want to plan anything yet."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN