GMA-7 executive Redgie Magno assures Katrina Halili of network's support for her career

Katrina Halili's fight against the culprits who leaked her sex videos with Hayden Kho is on. Soon she may have another battle—on the boob tube this time as "Valentine," Darna's nemesis.


Ngayong araw, ika-22 ng Mayo, naglabas ang GMA-7 ng pahayag tungkol sa iskandalong kinasasangkutan ng isa sa kanilang talent na si Katrina Halili. Hindi pa man naipapaabot ang official statement sa press and media, binanggit na ng senior program manager ng Kapuso network na si Ms. Redgie Magno sa presscon ng SRO Presents: Suspetsa, na naglalaman ito ng pagsuporta at pakikiisa sa ipinaglalaban ng StarStruck alumna.

Humanga raw ang network sa ipinakitang katapangan ni Katrina nang lumantad ito at mag-isang hinarap ang isyu.

Sabi nga ni Ms. Magno, hindi puwedeng pabayaan ng GMA-7 si Katrina dahil bukod sa isa siyang homegrown talent ay may katuturan ang pag-amin nito sa publiko na siya ang isa sa tatlong babaeng nakita sa mga sex video.

"Kahanga-hanga ang katapangan ni Katrina na kahit nadungisan ang kanyang karangalan ay lumaban siya at hinarap mag-isa para ipagtanggol, hindi lang ang sarili niya kundi para na rin sa kapakanan ng ibang mga babae, na naging biktima ng mga sex video na yan," pahayag ni Ms. Magno.

Sa obserbasyon daw ng GMA-7, binigyan ni Katrina ng ibang dimension ang katapangan ng mga babaeng gaya niya, na hindi na tatahimik sa isang tabi habang tinatapak-tapakan ang pagkababae nila.

"Ibang klase kasi yung ginawa ni Katrina. Dahil sa pagharap niya sa isyu, nagkaroon ng awareness ang lahat na hindi na dapat isasantabi na lang ang problema sa mga sex video scandal kasi marami ang nasasagasaan at marami ang naapektuhan."

Patuloy ni Ms. Magno, "Gumawa ng ingay si Katrina, at ngayon nga, napansin ng higher authorities na malaking problema na ito at dapat nang solusyunan."

Sumang-ayon ang network executive sa naging tawag ni Katrina kay Hayden na isang "demonyo." Ayon sa kanya, nararapat lang daw ito dahil sa pang-aabuso ng huli sa mga kababaihang walang laban.

Napanood ni Ms. Magno ang kumalat na sex video ni Katrina at Hayden. Siya man ay kumbinsidong biktima nga si Katrina ng naturang singing doctor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ipinaliwanag ni Ms. Magno na hindi pinabayaan ng Kapuso Network si Katrina nu'ng unang umamin ito sa naging relasyon nila ni Hayden.

Subalit kapansin-pansin na simula noong umamin si Katrina sa naging relasyon nila dati ni Hayden, hindi na siya nabigyan pa ng trabaho pagkatapos ng Gagambino.

Ang sabi naman ng lady executive, desisyon raw ni Katrina ang manahimik muna matapos ang ginawa nitong pag-amin. Gusto raw kasi ng aktres na palipasin muna ang isyu sa kanya bago ito tumanggap ng project.

May mga naka-line up raw na TV shows para kay Katrina pagkatapos ng Gagambino, pero nirespeto raw nila ang desisyon ng aktres na magpahinga muna.

Kinumpirma ni Ms. Magno na si Katrina ang ikinukunsidera nilang gumanap bilang "Valentine" sa lalabas na ikalawang remake ng Darna sa GMA-7.

Maliban dito, may isa pang inihahandang project ang network na pagbibidahan ng young actress.

Hindi raw naniniwala ang GMA-7 na maaapektuhan ang advertising load kung ilalagay nila si Katrina sa casting ng bagong project. Sa ngayon, wala naman silang natatanggap na negative feedback mula sa mga advertisers tungkol dito. In fact, puro raw positive comments at suporta ang natatanggap nila sa ginagawang pakikipaglaban ni Katrina.

Sabi pa ni Ms. Magno, kung nanahimik raw si Katrina at pinabayaan na lang ang nangyari, baka dun raw mag-react ang mga advertisers. Pero ipinakita raw ng aktres ang katapangan niyang ipagtanggol ang kanyang pangalan.

"Nadungisan man ang pangalan niya, nabahiran man ng dungis ang pagkababae niya, lumaban pa rin siya, yun ang importante," huling wika ni Ms. Magno.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN