Cristine Reyes's manager open to possible projects offered by GMA-7 and ABS-CBN

"For now po kasi, hindi pa po namin talaga nakikita yung offer ng dalawang stations, at mahirap na din pong magsalita. Kung ano lang din po ang piliin ng manager ko na tingin niyang makakabuti sa career ko, e, dun din ako, di ba?" says Cristine Reyes about offers from both ABS-CBN and GMA-7.


Nagkaroon ng pagkakataon ang PEP (Philippine Entertainment Portal) na makausap si Cristine Reyes para linawin ang balitang babalik na siya diumano sa dati niyang home network, ang GMA-7. Matatandaang umalis sa poder ng Kapuso network ang StarStruck alumna noong isang taon at lumipat sa ABS-CBN.

Hindi naman itinanggi ni Cristine na nakatakdang makipag-meeting ang manager niya na si Veronique del Rosario ng Viva Artists Agency sa management ng GMA-7 next week.

Tinanong ng PEP si Cristine kung para saan ang meeting na 'yon. Aniya, "Ang alam ko po nagpatawag sila ng meeting, kasi may offer daw po ang GMA para sa akin..."

Sa ngayon ay napapanood si Cristine sa gag show na Banana Split at may guest appearance din siya sa primetime series na May Bukas Pa. Pero wala pa siyang regular show pagkatapos ng Eva Fonda, kung saan gumanap siya sa title role.

"May offer din po ang ABS-CBN sa akin, ganun din ang GMA. Mukhang bukas ang manager ko sa parehong offer, e," sabi ni Cristine.

Kung siya ang masusunod, ano ang mas pipiliin niya sa dalawang offer?

Ani Cristine, "For now po kasi, hindi pa po namin talaga nakikita yung offer ng dalawang stations, at mahirap na din pong magsalita. Kung ano lang din po ang piliin ng manager ko na tingin niyang makakabuti sa career ko, e, dun din ako, di ba?

"Mahirap po kasing talagang mag-comment sa issue. Mas mabuti na lang na hindi magsalita, kasi baka parehong offer ang mawala, kaya importanteng desisyong din ang gagawin namin kung sakali."

Napag-alaman din ng PEP na kasalukuyang gumagawa ng pelikula si Cristine sa Viva Films at nag-pictorial din siya para sa isang women's magazine.

"Happy ako sa projects ng Viva for me, kaya I know na pag-iisipan talaga nila ang bawat desisyon na gagawin," sabi ni Cristine.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN