Singer Rannie Raymundo defends BB Gandanghari against "cross-dressing" issue

Rannie Raymundo (main photo) said he was unaware that BB Gandanghari (inset) was denied entrance by the venue of the singer's show because of BB's attire, which was regarded as cross-dressing.


Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang singer na si Rannie Raymundo sa birthday ng kanyang younger brother at pareho rin niyang mang-aawit na si Lance Raymundo kagabi, June 4, sa Little Asia restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

Napag-usapan namin ang karanasan ni BB Gandanghari sa Aruba Bar & Restaurant sa Metrowalk last April. Dapat sana ay manonood si BB ng concert ni Rannie sa Aruba noong April 23, sa imbitasyon na rin ng singer. Pero nang malamang bawal ang cross-dressers sa naturang establishment ay hindi na tumuloy si BB. (Click here to read related story.)

Salaysay ni Rannie, nagkita sila ni BB sa bar ni Freddie Aguilar sa may Malate. Sa pagkakaalam ng nasabing mang-aawit, may ugnayan sina Ka Freddie at ang nakakatandang kapatid ni BB kaya naroon sa bar ng legendary singer ang huli.

Nagulat pa nga raw si Rannie nang makita niya si BB sa hitsura at bihis nitong babae. Si Rustom Padilla pa raw ang huling nakita ni Rannie at hindi ang bago nitong hitsura.

Biniro pa nga raw ni Rannie si BB na hindi niya alam kung ano ang itatawag dito dahil mas kilala niya ito bilang si Rustom.

Nagkakuwentuhan raw sila at sinabi ni BB na nahihilig daw siyang manood ng mga banda. Dito nagkaroon ng idea si Rannie na imbitahan si BB na manood ng kanyang show sa Aruba.

Nasa kalagitnaan daw ng kanyang performance si Rannie nang magkaroon ng isyu ang personal assistant ni BB at ang Aruba Bar dahil hindi sila payag na papasukin ang huli. Wala raw kaalam-alam si Rannie na may nangyayari nang argumento sa pagitan ng Aruba at sa assistant ni BB.

Kinabukasan na lang daw nalaman ng singer na hindi pinayagang makapasok si BB sa kanyang show. Hindi nga maintindihan ni Rannie kung bakit natapos na't lahat ang kanyang show ay hindi man lang ipinaalam sa kanya ng Aruba ang nangyari.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nang malaman ni Rannie ang nangyari, agad niyang kinausap ang Aruba. Sinabihan daw niya ito na huwag masyadong mahigpit sa kanilang mga rules dahil kahit cross-dresser ay mga disenteng tao rin ang mga gaya ni BB.

Pinuna rin ni Ronnie ang dalawang tomboy na nakapasok sa loob ng bar nong show niya.

"Kung hindi puwede ang cross-dressing, e, bakit nakapasok yung dalawang tomboy na bihis-lalake? E, di dapat sana nilahat na lang, di ba? Hindi na rin sila nagpapasok ng ibang crossed-dresser," argumento ni Rannie.

Kung nalaman daw agad ni Rannie na may isyu sa hindi pagpapasok kay BB, ititigil niya ang show at pupuntahan niya ang alalay nito. Bagamat kakilala lang niya si BB, hindi raw mag-aalangan si Rannie na itigil ang kanyang show para alamin ang kaganapan nang mga oras na 'yon.

Hindi pa nakakausap ni Rannie si BB mula nang pumutok ang isyu nito sa Aruba Bar. Tinawagan daw niya sa ito sa cell phone, pero ang assistant lang nito ang nakausap niya. May dancing lesson daw si BB kaya hindi nito nasagot ang telepono.

Nag-return call naman daw sa kanya si BB, pero hindi niya nasagot ang telepono dahil busy siya no'ng mga sandaling 'yon.

Nagpadala na lang si Rannie ng message niya kay BB sa Facebook account nito at in-explain niyang hindi niya alam ang rules ng Aruba na bawal dito ang mga cross-dresser. Sabi pa niya, hindi naman niya tinitingnan ang nakasulat sa pinto bago siya pumasok sa naturang bar.

Sa kanyang huling mensahe niya kay BB, sinabi na lang daw ni Rannie na nanghihinayang siya dahil hindi nito napanood ang kanyang show.

Wala raw natanggap na reply si Rannie mula kay BB sa Facebook inbox niya. Posibleng gaya niya, hindi rin raw ito madalas magbukas ng kanyang account.

Walang balak si Rannie na i-ban ang Aruba Bar dahil sa nangyari kay BB. Magsu-show pa rin daw siya dito dahil ito ang madalas tambayan ng mga friends niya at gaya niyang mga La Sallista. Nagdesisyon lang daw ang iba niyang kaibigan at kapwa La Sallista na gay na hindi na tutungtong ang mga ito sa Aruba Bar bilang pagsuporta nila kay BB.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dahil dito, nakahanap ng solusyon si Rannie na gagawa na lang ibang show sa ibang bar o lugar na hindi off limits ang mga cross dresser. Para raw makapanood ang lahat at hindi ma-harass sa entrance.

Sinisiguro ni Rannie na hindi nagagalit sa kanya si BB dahil alam niyang matalinong tao ito. Alam daw ng singer na naiintindihan ni BB na ang isyu nito ay isyu nila ng Aruba Bar at hindi sa kanya.

"WHY CAN'T IT BE?" REVIVAL. Samantala, inamin ni Rannie na nagulat siya nang minsan marinig niya ang kanyang awitin na "Why Can't It Be?" na ni-revive ng bagong bandang Third Avenue.

Gustuhin man ni Rannie na ipaalam muna sa kanya ang pagri-revive ng kanyang composition bago ito gawin ng ibang artist, wala raw sa kanya ang rights nito kundi nasa OctoArts Records.

Gano'n pa man, natutuwa na rin si Rannie sa pagre-revive ng kanyang kanta, lalo't nalaman niyang nanalo ang Third Avenue sa katatapos na Awit Awards at ang kanta pa niya ang napili.

Sa paniniwala ni Rannie, mas maganda pa rin ang kanyang version niya ng "Why Can't It Be?" kesa sa revival nito.

"Kasi akin yun, e, ako ang gumawa no'n. Alam ko kung ano ang pinanggalingan nung kanta at kung ano ang kuwentong nakapaloob dun," paliwanag niya.

KUNDIRANA REUNION. Ibinalita naman ni Rannie na magkakaroon sila ng show ngayong July kasama ang dalawa pang kapwa niya tenor sa Kundirana na sina Ogie Alcasid at Dingdong Avanzado. Ang Kundirana ay all-male singing group ng La Salle.

Pagkatapos ng 24 years, ngayon lang daw sila magsasama uling tatlo sa iisang show. Pinag-iisipan pa raw nila kung saang venue nila ito gagawin para makapanood ang lahat ng kanilang mga kaibigan, fans, at co-members ng Kundirana ng La Salle.

Ibinalita rin ni Rannie na magbabalik-bayan ang U.S.-based na singer na si Dessa ngayong July.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagkaroon ng sitsit kina Rannie at Dessa dahil madalas silang magsama sa mga shows noon. Hindi diretsahang inamin ni Rannie ang tsimis tungkol sa kanila ni Dessa. Sinabi lang nitong maraming babae ang na-link sa kanya.

Walang alam si Rannie kung nakarating na sa misis niyang si Charie ang balita tungkol sa kanila ni Dessa, pero nang banggitin niya sa asawa na gusto nitong tulungang magkaroon ng show ang female singer ay agad naman itong pumayag.

Bilib si Rannie sa misis niyang si Charie, hindi lang sa pagiging maalaga nitong ina, kundi pati na rin sa pagiging understanding wife nito sa kanya. Aminado si Rannie na malaki na ang ipinagbago niya ngayon dahil lumalaki na ang dalawa niyang anak.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN