PEP EXCLUSIVE: Family of Ruby Rose Barrameda-Jimenez cries for justice

PEP (Philippine Entertainment Portal) was able to interview the parents and sister of Ruby Rose Barrameda-Jimenez during the last night of her wake at Funeraria Paz in Manila Memorial Park in Parañaque City.


Inihatid na sa kanyang huling hantungan kaninang alas-otso ng umaga, Miyerkules, June 17, ang kapatid ng dating beauty queen at aktres na si Rochelle Barrameda, si Ruby Rose Barrameda-Jimenez, sa Manila Memorial Park sa Parañaque City.

Nakiramay at nakilibing ang mga kaibigan, kamag-anak, at mga cause-oriented groups—tulad ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at Gabriela—sa mga naiwan ni Ruby Rose, na kinabibilangan ng kanyang kapatid na si Rochelle, inang si Asuncion Barrameda, amang si Roberto Barrameda, at iba pang mga kamag-anak.

Bago ang libing, nakapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sina Rochelle at sina Mr. and Mrs. Barrameda sa huling gabi (June 16) ng paglalamay para kay Ruby Rose. Isang misa muna ang inialay rito bago nagsalita ang mga nagmamahal kay Ruby Rose.

Matapos magsalita at alalahanin ni Rochelle si Ruby Rose sa eulogy niya para rito, agad na nakibalita ang PEP tungkol sa progreso ng kasong inihain nila laban kina Atty. Manuel Jimenez, Jr., biyenan ni Ruby Rose; kapatid nitong si Lope Jimenez; Eric Fernandez; Spike Discalzo, Roberto "Abet" Ponce; Rudy dela Cruz; at Manuel Montero. Ito ay kaugnay ng kalunus-lunos na pagkakapaslang kay Ruby Rose.

"May kaso na kasi at hindi naman ako puwedeng basta magsalita na lang tungkol dun. Pero ang wini-wish lang namin talaga... makuha namin ang justice... ang katarungan sa nangyari sa kapatid ko," ani Rochelle sa gitna ng mga paghibik dahil sa katatapos lang nitong matinding pag-iyak sa pag-alala niyang ginawa sa eulogy para kay Ruby Rose.

WHEN RUBY ROSE WENT MISSING. March 2007 nang iniulat na nawawala si Ruby Rose. Nagpaalam lang daw itong bibisita sa dalawang anak na babae (hindi na papangalanan ng PEP dahil mga menor de edad at nasa gitna pa ng isang pinag-uusapang kaso) na nasa pag-iingat naman ng hiniwalayang asawa nitong si Manuel "Third" Jimenez III.

Kuwento ni Rochelle noon, tinawagan daw sila ng isa sa mga kaibigan ni Ruby Rose. Nagsumbong daw ito sa kanila na hindi sumasagot si Ruby Rose sa mga tawag at text nito sa tatlong cell phones na pag-aari nito. Hindi na rin napagkikita at makontak nina Rochelle ang kapatid. Doon na nagsimula ang kanilang paghahanap kay Ruby Rose.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Humingi ng tulong sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno—katulad ng National Bureau of Investigation (NBI), at mismong Department of Interior and Local Government (DILG) at cause-oriented groups (VACC at Gabriela)—ang mga Barrameda para matagpuan si Ruby Rose. Nag-offer pa noon si Rochelle ng perang pabuya na P500,000 para lang matagpuan ang kanyang kapatid: buhay man ito o patay.

A CALL OF HOPE. Dalawang taon ang lumipas at halos tuluyan nang sumuko sina Rochelle sa paghahanap, nang makatanggap sila ng tawag mula sa isang babae.

"Yung kumare ni Montero, yun ang kumontak sa amin," tukoy ng ama nina Ruby Rose at Rochelle na si Mr. Roberto Barrameda. Dalawang taon daw tinangka ni Manuel Montero na kontakin ang mga Barrameda upang ituro kung nasaan si Ruby Rose.

Isa si Montero sa mga kinasuhan kaugnay ng pagkakapatay kay Ruby Rose. Ngunit may posibilidad na maabsuwelto si Montero dahil sa pagiging saksi nito sa krimen kay Ruby Rose. Umamin na si Montero na isa siya sa mga pumatay, nagsilid sa drum, at nagsemento sa bangkay ni Ruby Rose bago ito itapon sa fishing port ng Navotas.

Ang tawag na iyon ng kumare ni Montero ang nagbigay ng pag-asa sa mga Barrameda na maaari na nilang makita at makapiling wakas ang nawawalang si Ruby Rose.

MURDER MOST FOUL. June 10 nang iahon mula sa burak ng fishing port sa Navotas ang isang sementadong bloke na nakabalot sa isang bakal na drum. Sa pagmamando ni Montero sa mga nagtitibag ng nakapalibot na semento sa drum, nabuksan ang drum kung saan nakitang nakasilid ang labi ng isang babaeng naka-plastic ang ulo at nakaposas.

Pinaniniwalaan pa lang noon na ang bangkay na nakuha ay si Ruby Rose, ngunit malakas naman ang kutob nina Rochelle at Mr. and Mrs. Barrameda—na naroon din sa fishing port habang binubuksan ang drum—na ang bangkay ay wala nang iba pa kundi si Ruby Rose mismo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kinabukasan, June 11, kinumpirma ni Rochelle na si Ruby Rose nga ang bangkay base sa mga damit at hikaw na suot nito. Nag-match din ang dental records ng bangkay at ni Ruby Rose ayon sa mga nag-iimbestigang miyembro ng Scene Of The Crime Operatives (SOCO) ng Philippine National Police (PNP).

Agad na ibinurol ang labi ni Ruby Rose sa La Funeraria Paz sa loob ng Manila Memorial Park sa Sucat, Parañaque City, kung saan dinagsa ito ng mga kamag-anak, malalapit na kaibigan, at iba pang mga gustong suportahan ang Pamilya Barrameda sa kalunus-lunos na sinapit ni Ruby Rose.

"Overwhelming ang suportang nakukuha namin mula sa mga taong ni hindi nga namin kilala. Nakikisimpatiya lang talaga sila sa inabot ng anak ko," pangungusap ng ina nina Ruby Rose at Rochelle na si Gng. Barrameda nang makausap ng PEP.

"Sa ngayon, masakit pa rin pero tanggap ko na na wala na si Ruby Rose. Hustisya na lang talaga sa nangyari sa kanya ang inaasam namin," dagdag pa nito.

BATTLE FOR CUSTODY. Sa loob ng Sampalok Room ng La Funeraria Paz kung saan nakaburol si Ruby Rose, napapaligiran ang nakasarang ataul nito ng mga bulaklak at mass cards na alay ng mga nakikiramay sa naiwang mga mahal sa buhay nito. Nasa magkabilang tabi naman ng ataul ang dalawang malalaking nakakuwadrong larawan ni Ruby Rose nung nabubuhay pa siya. Habang sa gitna at gawing ibaba ng ataul ay nakapuwesto naman ang nakakuwadro ring malaking larawan ni Ruby Rose kasama ang dalawa nitong anak na babae, nasa nasa edad na siyam at dalawang taon.

Bago nawala at namatay si Ruby Rose, pumasok ito sa isang legal na labanan para sa kustodiya ng dalawa niyang anak na babae sa hiniwalayang asawa na si Manuel "Third" Jimenez III. Naka-file ang kaso sa courtroom ni Judge Gloria Aglugub ng Branch 254 ng Regional Trial Court of Las Piñas City. Na-archive ang kaso noong 2007 nang mawala si Ruby Rose.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa pagkakadiskubre ng katawan ni Ruby Rose, itinuloy ng pamilya Barrameda ang kaso sa tulong na rin ng abogado nilang si Atty. Victor Lladoc. Nag-file sila ng urgent motion kay Judge Aglugub para obligahin ang ama ng mga anak ni Ruby Rose na si Third Jimenez na payagan ang mga ito na dumalaw sa burol ng kanilang ina.

Kahit na pinagbawalan na ng mga Barrameda na pumunta sa burol ang mga Jimenez, gusto naman nilang makapiling ng mga bata si Ruby Rose bago man lang ito ilibing.

Humingi na rin ng tulong ang mga Barrameda sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para gumitna sa child custody case.

A DAUGHTER DECIDES. Ngunit nung June 15, sa interview ni Arnold Clavio ng Unang Hirit sa abogado ng mga Jimenez na si Atty. Manuel Aguinaldo, sinabi nitong nagdesisyon na ang panganay na anak nina Ruby Rose at Third Jimenez na hindi na ito dadalaw pa sa burol ng ina.

Ani Atty. Aguinaldo, "[They asked her] Sabado ng gabi, 'di ka ba pupunta sa burol ng mommy mo?' Sabi ng bata, 'Ayoko po!' Nang pilitin pa raw para dumalaw nga sa inang namatay, sumagot pa raw ang bata ng: 'Bakit niyo ba ginugulo ang buhay ko?' Salita ng mature," patuloy ni Atty. Aguinaldo sa host ng pang-umagang programa ng GMA-7.

Nagpaunlak din ng eksklusibong interview sa reporter na si Steve Dailisan ng Saksi ng GMA-7, ang panganay na anak nina Ruby Rose at Third Jimenez kahapon, June 16. Bagama't hindi ito direktang humarap sa kamera upang magsalita (nakalikod lamang ito't hindi na rin ipinarinig ang tinig sa interview) iniulat ni Dailisan na sinabi ng bata sa kanya na ayaw na rin nitong dumalaw pa sa burol ina.

Kahit na nami-miss daw nito ang ina, mas gusto na lang ng bata ang tahimik na buhay kasama ang kanilang ama na si Third Jimenez. Magko-concentrate na lang daw ito sa pag-aaral at umapila pang huwag daw silang pagpiyestahan ng mga tao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pinayagan ni Third Jimenez na ma-interview ang panganay nila ni Ruby Rose para matigil na raw ang mga usap-usapan na ang pamilya lang niya ang nagsasabing ayaw ng mga anak nilang pumunta ng burol. Pupunta naman daw sila sa puntod ni Ruby Rose kung kailan nila gusto at malayo sa atensiyon ng lahat.

NOT CONVINCED. Hindi naman makapaniwala ang tiyahin ng bata, si Rochelle, na sarili nitong desisyon ang ipinahayag sa katatapos lang na interview.

Ani Rochelle sa PEP, "Seven years kong nakasama ang bata. Hindi siya pinalaki ng ganun ng kapatid ko. Katulad ng ina nila, malambing din 'yan, very sweet din ang batang 'yan. Ang tawag pa nga niyan sa akin, Tita Ganda. Lahat naman ng pamangkin ko ang tawag sa akin, Tita Ganda.

"Pero hindi ko naman masisisi yung bata kung sakaling totoo yun [desisyon nitong huwag nang pumunta sa burol]. Hindi ko alam kung ano ang pinagtatakpan nila [Jimenez camp], bakit ayaw nilang papuntahin dito ang mga anak ng kapatid ko.

"Maybe...hindi maybe, sigurado ako na natatakot sila na malaman ng mga bata kung ano ang totoong nangyari sa nanay nila."

Malaki naman ang paniniwala ni Mr. Barrameda na na-brainwash na ang kanyang mga apo at ibang larawan ang ipinipinta ng mga Jimenez sa utak ng mga bata tungkol sa kanilang ina.

"May narinig kami na sinasabi raw nila [Jimenezes] sa mga bata na ang mommy raw nila ay sumama na sa ibang lalaki," ani Mr. Barrameda, bakas ang hinanakit sa pananalita nito. "Na-brainwash na nila yung mga bata sa gusto nila."

PREFERENTIAL TREATMENT. Kahapon, June 16, ibinasura ni Judge Aglugub ang urgent motion ng mga Barrameda para makapunta sa burol ang mga anak ni Ruby Rose, nang makausap nito sa telepono ang panganay na anak nina Ruby Rose at Third Jimenez at sinabi ritong ayaw na nga nitong pumunta pa sa burol. Naroon daw nang sandaling iyon na kinakausap ng judge ang bata sina Mr. at Mrs. Barrameda.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Gusto nga naming sanang kausapin siya... Sabi pa nung judge, 'Nandito sina Lolo at Lola, kakausapin ka raw.' Sabi nung judge, sabi raw nung bata, ayaw raw makipag-usap sa amin.

"Paano naman kami maniniwala na yung apo nga namin yun, ayaw naman kaming kausapin? Paano kung hindi naman talaga yun yung apo namin, kasi nasa telepono lang? Hindi naman namin nakikita?" sunud-sunod na tanong ng naghihimutok na si Mr. Barrameda.

Malabo na ring maasahan ng mga Barrameda ang tulong ng DSWD dahil ayon kay June Ambrosio, presidente ng Child Justice League, Inc., isang DSWD-backed organization ng mga abogado at paralegals na nag-i-specialize sa kasong sangkot ang mga bata, hindi basta-basta puwedeng makialam ang DSWD sa mga child custody case.

Sa interview sa kanya ng gmanews.tv, sinabi ni Ambrosio na nasa batas nga na sa ina dapat ang pangangalaga ng mga batang edad pito pababa. Ngunit may mga kaso kasing pinapaboran ng korte ang ama ng mga bata, kung ang ikagaganda naman ng kalagayan ng mga bata ang nakasalalay. Sa kaso nina Ruby Rose at Third Jimenez, malinaw na may "preferential treatment" sa huli dahil kumpirmado na ring patay na ang ina ng mga bata.

Hindi rin puwedeng iargumento na may kaso laban sa mga Jimenez kaya dapat na nasa mga Barrameda ang mga bata, dahil hiwalay raw itong kaso.

Hindi naman kasama sa mga kinasuhan ng National Capital Region Police Officer (NCRPO) si Third Jimenez dahil ang anim lang—Jimenez Jr., Lope Jimenez, Discalzo, Ponce, at Dela Cruz—ang mga pinangalanan ng akusado rin at witness nang si Manuel Montero.

"Pero may susunod nang case na talagang kasama rin yung asawa ni Ruby dahil nung previous case nila, pinagbantaan si Ruby na papatayin siya," sabi ni Mr. Barrameda.

SHE KNEW TOO MUCH. May paniniwala si Mr. Barrameda na hindi lang alitang mag-asawa ang dahilan ng diumano'y pagpatay ng mga Jimenez sa kanyang anak.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nung nag-uusap nga ang mga abugado, yun nga ang inaano nila. 'Bakit nawawala si Ruby, napakasimpleng kaso, custody ng bata?' Ngayon, siguro si Ruby kung totoo man na meron silang iligal na business, malamang yun ang dahilan kaya si Ruby, pinatay nila.

"Baka siguro, kung... Nanakot siguro si Ruby na gano'n, o kaya... Alam mo naman yung organisasyon nila, dapat nasa loob lang yung mga sikretong ginagawa nila. E, kasalukuyan, nag-aaway sila ng kanyang asawa, kaya baka mag-leak yung kanilang mga illegal [na gawain]... Yun ang paniniwala ko," banggit ni Mr. Barrameda.

Nauna na sa mga interview ni Rochelle na maaari ngang may alam si Ruby Rose sa mga diumano'y ilegal na aktibidades ng mga Jimenez. Kasalukuyan din kasing sumasailalim ng pag-iimbestiga ang kumpanyang pag-aari ng pamilyang ito.

Ayon sa artikulong lumabas sa sa manilatimes.net kahapon, June 16, ni-raid na noon ng Customs Intelligence and Investigation Services (CIIS) at NBI ang Buena Suerte Jimenez Trading Company, isang fishing firm na pag-aari ng mga Jimenez, partikular na ni Lope Jimenez, tiyuhin ni Third Jimenez. Sangkot diumano sa oil smuggling activities ang kumpanyang ito ng mga Jimenez.

Iniimbestigahan din Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Buena Suerte Jimenez dahil sa diumano'y hindi awtorisadong paghahalo ng bio-diesel at pagbebenta nito sa mga taong nagbebenta rin ng produktong ito, na nagresulta sa pagkawala ng bilyong pisong excise tax para sa gobyerno.

Sinagot na ng pamilya Jimenez ang mga alegasyong ito at idiniin na legal ang kanilang mga negosyo.

SELF-CONFESSED KILLER. Ngunit dahil nga sa paglabas ni Manuel Montero, pagkakatagpo ng katawan ni Ruby Rose, at pagsisiwalat ni Montero na maraming ipinapatay ang mga Jimenez sa kanya, panibagong pag-iimbestiga ang kailangang lusutan ng pamilya Jimenez.

Ibinulgar kasi ni Manuel Montero, dating operations manager ng Buena Suerte Jimenez Trading Company, na napag-uutusan siya lagi ng mga Jimenez na pumatay at magtapon ng mga taong nakakaalitan ng mga ito—sa kaparehong paraan din ng pagkakapatay kay Ruby Rose.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nag-resign si Montero sa Buena Suerte nang pagbintangang nagnakaw ng malaking halaga. Sa takot na "ililigpit" siya dahil sa mga nalalaman niya at sa pag-alis niya sa kumpanya, nagtago si Montero sa loob ng dalawang taon, hanggang sa lumabas na nga ngayon at siyang nagturo ng kinaroroonan at kinasapitan ni Ruby Rose.

Ayon kay Mr. Barrameda, hawak na ngayon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief General Roberto Rosales si Montero at meron na itong sinumpaang salaysay sa Department of Justice (DOJ) na nagkukuwento ng mga partisipasyon niya sa mga ilegal na gawain ng mga Jimenez, lalo na sa mga pagpatay.

Isa sa pitong orihinal na kinasuhan sa pagpatay kay Ruby Rose si Montero. Ngunit maaari ngang maabsuwelto ito dahil sa pagpayag nitong maging witness laban sa mga Jimenez.

"Itinuturo talaga niya [Montero] na yung biyenan [Manuel Jimenez Jr.] at yung kapatid na si Lope ang nag-utos sa kanya na patayin si Ruby," sabi ni Mr. Barrameda.

May naramdaman daw na konti lang na galit si Mr. Barrameda nung magkaharap na sila ni Montero noon. "Siyempre, merong katiting, pero mas pasasalamat. Saka wala na rin [yung galit]. Kasi dahil nga sa kanya, nakita na namin si Ruby. Saka biktima rin naman siya. Empleyado siya. Napag-utusan lang naman siya."

Sa ngayon, malaking tulong daw si Montero sa kasong inihain nila laban sa mga Jimenez at sa pagkamit nila ng hustisya para kay Ruby Rose.

DEATH THREATS. Kinumpirma naman ni Rochelle na nakakatanggap sila ng mga death threats.

"Binabantaan kami na, huwag na lang naming ituloy ang kaso, kung hindi, may mangyayaring masama...tiwala naman kami sa proteksyon na ibinibigay ni General Rosales," pahayag ni Rochelle.

Malabo na rin daw na iatras pa nila ang kaso laban sa mga Jimenez dahil sa paglakas na rin ng kaso laban sa mga ito. Ibinalita ni Mr. Barrameda na may tatlo na ngang lumabas na maghahain din ng demanda laban sa mga Jimenez.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nawalan din sila ng mahal sa buhay. May hinala rin silang kapareho ng sinapit ni Ruby," ani Mr. Barrameda.

"Basta hindi kami titigil hangga't hindi namin nakukuha ang hustisya para sa kapatid ko. Lalo na ngayon na marami nang sumusuporta," sabi ni Rochelle.

Nagpahayag ang mismong Malacañang, sa pamamagitan ni Cabinet Secretary Silvestre Bello III, ng interes sa kaso ni Ruby Rose. Ani Sec. Bello, "I am sure the President is more than wiling to assist the Barrameda family considering the heinousness of the crime committed on one of the members the family."

Sa kasalukuyan ay nasa U.S. ang panganay na kapatid nina Rochelle at Ruby Rose na si Ronald. Nagbigay na rin ito ng mga salita ng suporta at pagmamahal para kay Ruby Rose at sa kanyang nagluluksang pamilya sa kabila ng pagkakaroon din nito ng problema sa States.

"May sarili din kasi siyang problema ngayon sa States," ani ni Mrs. Barrameda. "Pero mahal na mahal niya ang kapatid niya at sinabihan niya kaming be strong, at makukuha rin namin ang hustisya."

Nagpahayag ba ng poot o kagustuhang mag-venganza o maghiganti ang kapatid na lalaki ni Ruby Rose.

"Wala. Walang ganoon. Hindi kami naniniwala sa ganoon. Nandiyan ang batas at ang Diyos. Ipinagpapasa-Diyos namin ang lahat ng ito," pagtatapos ni Mrs. Barrameda.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN