Full cast of Darna finally revealed

Marian Rivera (main photo) will play Pinay superhero Darna and her alter-ego Narda, while Iwa Moto (inset) got the role of Valentina in the return of Darna on primetime television.


Ginanap na ang story conference ng pinakaaabangang primetime series ng GMA-7, ang pagbabalik ng telefantasya na Darna. Sa 17th floor ng GMA Network Center ginawa ang story conference kahapon, July 1, para sa naturang series na pagbibidahan ni Marian Rivera.

Matatandaang last May ay pormal nang in-announce na si Marian ang bagong Darna at buong-ningning naman itong tinanggap ng young actress.

Ipinapalabas na rin ang teaser ng Darna, kung saan suot ni Marian ang costume ng pinakasikat na Pinay superhero na nilikha ni Mars Ravelo bilang kabahagi ng second quarter offering ng GMA-7. Pero hindi pa raw ito ang final costume na susuutin ni Marian sa mismong serye.

Gaganap bilang leading man ni Marian si Mark Anthony Fernandez sa papel ni Efren. Kuwento ni Mark sa PEP (Philippine Entertainment Portal), hindi pa raw natatapos ang huli niyang sinamahan na drama series na All About Eve ay nasabihan na siya ang magiging male lead sa Darna. Ito ang first time na makakatambal niya si Marian.

IWA MOTO IS VALENTINA. Bukod siyempre sa papel na Darna at Efren, ang isa pang pinakaaabangan ng lahat ay kung sino ang gaganap sa papel ng pinakamatinding kalaban ni Darna—si Valentina. At ang napili ng GMA-7 na gumanap sa naturang role ay walang iba kundi si Iwa Moto.

Ang papel na Valentina ang isa sa pinakamahalagang role sa Darna series. Ang ilan sa mga aktres na nagsiganap bilang Valentina in the past ay sina Celia Rodriguez, Pilar Pilapil, Cherie Gil, Pilita Corrales, at si Alessandra de Rossi sa unang Darna ng GMA-7, kung saan nagbida si Angel Locsin.

Tiyak na malaking boost ito sa career ni Iwa, na itinanghal na First Princess sa StarStruck 2 noong 2006. Mas nabibigyan nga siya ng magagandang break ng GMA-7 kesa sa tumalo sa kanya sa StarStruck na si Jackie Rice. Kasalukuyang napapanood si Iwa sa Adik Sa 'Yo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kapwa nasa Top 5 ng FHM's Sexiest Woman in the World this year sina Marian at Iwa. Si Marian ay No. 2, samantalang nasa No. 5 slot si Iwa.

OTHER CAST MEMBERS. Ang iba pang mga Kapuso stars na kasama sa malaking cast ng Darna ay sina Nadine Samonte, Isabel Oli, at Ehra Madrigal bilang mga babaeng makakalaban ni Darna; Rita Avila at Jestoni Alarcon bilang magulang ni Narda (ang alter-ego ni Darna); Janice de Belen bilang ina ni Valentina; Paolo Contis bilang ama ni Valentina, na siyang hari ng mga ahas; Buboy Villar bilang Ding; at Celia Rodriguez bilang tagapamahala ng ampunan kung saan lumaki si Narda.

Kasama rin sa cast sina Alfred Vargas, Angel Aquino, Bearwin Meily, Margaret Wilson, Caridad Sanchez, Gabby Eigenmann, at Roxanne Barcelo.

Ang magdidirek naman ng Darna ay sina Dominic Zapata at Don Michael Perez.

Si Direk Dom din ang nagdirek ng Darna ni Angel Locsin. Ngayon ay natutuwa naman siya kay Marian dahil naidirek na niya ito noon sa Super Twins, kung saan support lang ang role nito bilang ina nina Jennylyn Mercado at Nadine Samonte. Ngayon ay siya na ang bida sa Darna.

Sa August na ang pagbabalik ng Darna sa GMA-7.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN