Klaudia Koronel not yet sure if "moody father" will give her away at her wedding

"Sinabi ko na sa kanya na ihahatid niya ako. Pero minsan...mahirap. Kasi yung papa ko, may moods, lalo ngayon may edad na. Minsan magtatampo kapag hindi mo napapansin," says soon-to-be bride Klaudia Koronel.


Hindi pa pala sigurado kung ang ama ng dating sexy star na si Klaudia Koronel ang maghahatid sa kanya sa altar sa nalalapit niyang kasal sa August 28.

"Sinabi ko na sa kanya na ihahatid niya ako. Pero minsan...mahirap. Kasi yung papa ko, may moods, lalo ngayon may edad na. Minsan magtatampo kapag hindi mo napapansin.

"Wala naman kaming tampuhan na grabe. May mga araw lang na hindi kami nagkakaintindihan. Minsan sinasabihan ko siya, sabi ko, 'Pa, kapag ganyan ang ayos mo, hindi mo ako dapat ihatid.' Halimbawa, ang buhok niya, mahaba, sabi ko pagupitan niya, ayaw niya. Mga ganun. Dun lang kami minsan hindi magkasundo, pero may mga times naman na kapag sinasabihan ko siya, oo naman daw.

"Tapos ngayon naman, nag-aasikaso ako ng kasal ko, hindi ko siya mahagilap. Nagtatrabaho daw siya, kung saan-saan siya pumupunta. Minsan naman, nagtampo siya. Kasi humingi siya ng cell phone, ibinili ko naman siya ng cell phone. Iyon yung time na umalis ako papuntang U.S. Sabi ko, 'Sige, kunin mo sa guard ng condo ko sa araw na ito.' Hindi siya dumating. Nung dumating siya, kinukuha niya yung cell phone, wala na ako, wala na yung cell phone. Kasi kinuha ko ulit kasi ang tagal na hindi siya pumupunta. Dun, nagtampo na naman siya," seryosong kuwento ni Klaudia tungkol sa kanyang 63-year-old father.

Nang una niyang sabihin sa ama na magpapakasal na siya, ano ang unang reaksiyon nito?

"Siya naman talaga nangungulit sa akin na magpakasal na ako," sabi ni Klaudia. "Pati ang nanay ko, nangungulit din. Ang nanay ko ang nagsabi sa akin, na tumatak din sa isip ko, lagi niyang sinasabi sa akin na, 'Anak, magpakasal ka na, may lahi pa naman tayong matandang dalaga!' Sa side niya, may mga matatandang dalaga. At sa magpipinsan, ako na lang yung walang asawa."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya nga natuwa ang ina ni Klaudia nang finally ay nagpaalam siya na magpapakasal na sila ng Chinese-American boyfriend niyang si Andy Zhang.

"Yung mama ko, tuwang-tuwa. Yung mom ko, sabi niya, 'Tama 'yan, para manahimik ka na para hindi na ako mag-alala. Meron nang hahawak sa leeg mo!'" natatawang kuwento ni Klaudia.

Madalas kasing kung saan-saan nagpupunta si Klaudia.

"Nagugulat lang yung mama ko, kung saan-saan na ako nakakarating. Halimbawa, tatawag ako, nasa Canada ako, nasa Hawaii ako, ganun. Kaya parang worried siya sa akin, parang hindi pa siya sanay na ganun na talaga ako."

WEDDING UPDATES. Ang latest update sa kasal ni Klaudia na gaganapin sa Iglesia ni Cristo Central Temple sa Diliman, Quezon City, at ang reception, ay gagawin naman sa Fernwood Gardens. Dalawa na ang designers niya.

Ang gagawa ng wedding gown ni Klaudia ay si Edward Teng, at ang tatahi naman ng gown na isusuot ni Klaudia sa reception at ng gowns ng entourage ay si Dina Joson ng House of Magdalene Bridal Shop sa Bulacan.

After the wedding, ang katanungan naman ng marami: Saan mamamalagi sina Klaudia at Andy? Dito ba sa Pilpinas o sa States kung saan based si Andy bilang isang IT consultant? And if ever, aalis ba agad sila after the wedding?

"Hindi ko alam ang plano niya," sabi ni Klaudia. "Basta naririnig ko baka mag-book siya, na dadalhin na niya ako sa U.S. Pero gusto ko pang mag-stay nang konti dito. Kaya susunod na lang siguro ako, mag-e-enjoy muna ako dito.

"Isa pa, marami akong aasikasuhin dito. Paano yung mga properties ko? Kaya hindi ako basta puwede umalis. Kasi kapag na-petition ako, mag-i-stay ako ng matagal doon, kaya marami pang dapat asikasuhin."

Ipagbibili ba ni Klaudia ang mga ari-arian niyang bahay, townhouse, condominium unit, mga lupa, at kung anu-ano pa?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ko pa alam. Baka may mag-manage. Pag-uusapan pa namin ng family ko. Ngayon kasi, naka-focus ako sa preparations sa wedding," sabi niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN