Regine Velasquez recovers from A(H1N1) virus

"Siguro, bumaba talaga ang resistensiya ko kasi pagbalik ko from our series of concert [Divas To Divas] abroad, diretso na ako sa trabaho. Pagod, anemic pa ako, bumigay din ang katawan ko. Kaya nag-self-quarantine na ako. Ako ang naka-mask para hindi ako makahawa. Lysol ako nang Lysol, kulang na lamang inumin ko ito!" says Regine Velasquez about the possible cause of her A(H1N1).


Magaling na ang Asia's Songbird na si Regine Velasquez mula sa sakit na A(H1N1) base na rin sa resulta ng huling check-up niya. Kuwento ito ni Regine sa presscon para sa upcoming two-night concert niyang Most Requested na gaganapin sa Skydome ng SM North EDSA, August 1 and 8. Ginanap naman ang presscon sa Max's Restaurant sa Sct. Tuazon, Quezon City, kahapon ng tanghali, July 9.

Dahil sa pagkakasakit ni Regine ay hindi siya nakarating sa concert ni Charice Pempengco noong June 27 sa SMX Convention Center. Isa sana sa special guest ng young singer ang Asia's Songbird, kaya hiyang-hiya tuloy ang huli na first time sanang makaka-duet si Charice.

"Nag-rehearse pa kami a day before the concert," banggit ni Regine sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Pero kinagabihan, matindi na ang cough ko. Nilagnat na ako, umabot ng 39 to 40 degrees. Latang-lata ako, kaya wala akong nagawa kundi ipa-cancel na lahat ng schedules ko kay Cacai [Velasquez-Mitra, Regine's sister and manager].

"May guesting din sana ako sa shooting ng Kimmy Dora ni Uge [Eugene Domingo] at recording ng theme song ng OMG! [Oh My Girl!] nina Ogie [Alcasid] at Judy Ann [Santos], pero hindi ko na kaya. Kaya nagpunta na ako ng hospital for check-up. Pero hindi naman ako na-confine. Pinauwi rin ako pagkatapos akong bigyan ng medicines. Magpahinga na lang daw ako. Pero hindi talaga bumaba ang fever ko. Mawawala, pero babalik din.

"Siguro, bumaba talaga ang resistensiya ko kasi pagbalik ko from our series of concert [Divas To Divas] abroad, diretso na ako sa trabaho. Pagod, anemic pa ako, bumigay din ang katawan ko. Kaya nag-self-quarantine na ako. Ako ang naka-mask para hindi ako makahawa. Lysol ako nang Lysol, kulang na lamang inumin ko ito!" biro ni Regine.

Dagdag niya, "'Saka lagi kong pinapalitan ang bed sheets ko. Si Ogie, kapag dumadalaw, hindi ko siya pinalalapit kahit may mask ako. He's okay naman, hindi naman siya nahawa sa akin. Ang maganda lang sa akin, kahit may sakit ako, kain ako nang kain, inom ako nang inom ng buko juice, tubig, kasi parang lagi akong nauuhaw."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May nagsabi kay Regine na dapat ay lagi siyang nagpapa-check-up.

"Yes, dahil travel ako nang travel. Twice a year ako kung magpa-general check-up. Kaya alam kong I'm healthy, dahil normally, hindi ako nagkakasakit. Pero mahirap din kung sagad nga tayo sa trabaho, bibigay din ang katawan natin," saad ng Asia's Songbird.

TOTOY BATO. Bukod sa SOP at Are You The Next Big Star?, napanood din si Regine sa katatapos na primetime series ng GMA-7 na Totoy Bato. May susunod na ba siyang soap pagkatapos ng Totoy Bato?

"Wala pa, pero ayaw ko munang mag-drama," sabi ni Regine. "Hindi ko talaga kaya ang taping, sumasakit ang ulo ko. May migraine kasi ako. Pahinga na muna ako. May SOP pa naman ako at Are You The Next Big Star?."

Hiningan din si Regine ng komento sa napabalitang hindi naging maganda ang working relationship ng head writer ng Totoy Bato na si Suzette Doctolero at ng bidang si Robin Padilla. (Click here and here to read related stories.)

"I was not aware na may ganoong nangyari dahil nasa States ako noon," sabi ni Regine. "Ngayon ko lang nalaman. Noong nagte-taping kami, kung ano ang ipagawa sa akin, ginagawa ko naman. Tapos, hindi na rin ako nakapag-taping noong may sakit ako.

"It's sad na ganoon ang nangyari. Baka nawalan na sila ng communication, o baka dahil may mga sumisisi kay Suzette. Pero hindi lang naman siya ang writer ng soap namin. Feeling ko naman, 'yon ang concern ni Robin. Alam naman natin kung gaano siya ka-passionate sa kanyang trabaho. Nang mag-cast party, hindi rin ako naka-attend kasi hindi pa ako puwedeng lumabas noon."

Totoo bang may gagawin silang ulit movie ni Aga Muhlach sa Viva Films?

"Yes," pagkumpirma ni Regine. "Nabasa ko na ang sequence treatment. Maganda ang story, kasunod na ang script na si Mel del Rosario ang sumulat. Si Joyce Bernal ang magdidirek nito."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

THE WEDDING SINGER. Kinumpirma rin ni Regine ang napabalita na kakanta siya sa wedding ni Michelle Van Eimeren at ng fiancé nitong si Mark Murrow sa Australia. Sa mga hindi pa nakakaalam, si Michelle, na naging representative ng Australia sa Miss Universe beauty pageant noong 1994, ay ang dating asawa ni Ogie, na kasintahan ngayon ni Regine.

Kailan nga ba ang kasal nina Michelle at Mark?

"I don't know kung dapat kong sabihin, pero sometime in November this year," sagot ni Regine. "She didn't really ask us, ayaw niyang mag-impose sa amin ni Ogie. Pero gusto naman naming mag-alay sa kanila ni Mark. Ako na lang ang pipili ng kakantahin ko sa wedding nila, pero wala pa akong naiisip ngayon."

Biniro si Regine na bakit hindi na lang nila sabayan ni Ogie ang wedding nina Michelle at Mark para maging double wedding. Hindi man kilalanin dito sa Pilipinas ang kasal nila ni Ogie, recognized naman ito sa Australia.

"Para bang susutsutan namin ang pari at sabihin sa kanyang, 'Kami rin, ikasal ninyo!'" sakay rin ni Regine sa biro. "No, it's their moment, ibigay natin 'yon sa kanila."

Hindi pa ba sila puwedeng magpakasal ni Ogie?

"Ang dami pa naming hinihintay at ayaw kong pa-pressure. Ayaw ko ring i-pressure si Ogie kung lagi ko siyang tatanungin. Hihintayin ko na lang kung kailan niya sasabihin sa akin," sabi ni Regine.

If ever ba, ano ang dream wedding niya?

"Ayaw naman namin ng bonggang kasal, if ever. Puwede nga, kahit dito sa Max's!" biro ni Regine.

If ever na makasal na sila ni Ogie, ilang anak ang gusto nila? Bakit hindi niya gayahin ang special guest sa concert niya na si Eva Castillo na pito ang anak?

"Naku, kahit ano yatang gawin namin ni Ogie, hindi namin kayang abutan 'yon!" natatawang sagot ni Regine. "Kung ilan ang ibigay Niya sa amin, pasasalamatan namin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

EVA CASTILLO. Speaking of Eva, thankful ang dating karibal ni Regine sa amateur singing contests na nabigyan siya ng second chance sa pamamagitan ng Asia's Songbird.

"I wish I could do more for her, but ang GMA network at si Direk Louie [Ignacio] ang tumulong talaga sa kanya," paglilinaw ni Regine. "Hindi ko nga in-expect na magkikita pa kami. Si Papa [Gerry Velasquez] ang nagsabi sa akin noong inihahanda namin yung birthday concert ko, na bakit hindi siya [Eva] isama dahil naging part nga siya ng kung ano ako ngayon.

"Ang alam ko nga, taga-Bulacan siya dahil lagi nga kaming magkalaban noon sa mga amateur contests, pero alam pala ni Papa na taga-Tondo siya talaga. I'm glad na nakita siya ng staff. Noong nagre-rehearse nga kami ni Eva, walang ginawa 'yan kundi umiyak kaya madalas kong binibiro na 'O, iiyak ka na naman" kapag tumitingin siya sa akin. Hindi raw niya inisip na maaalala ko pa siya. Bakit naman hindi ko siya maaalala, e, tinatalo nga niya ako noon sa amateur contests na sinasalihan namin?

"Masaya ako na nakabalik na nga siya dahil nakita naman ninyo na ang ganda-ganda ng boses niya. Gift talaga niya 'yon na kahit matagal siyang huminto sa pagkanta, lumabas pa rin ang boses niya. Ngayon, siya ang batak na batak ang boses dahil lagi na siyang kumakanta. Nakita ko ang transformation niya. Pero ang gusto ko, huwag siyang pumayat. Mas gusto ko ang katawan niya ngayon, parang 'yon ang magiging identity niya," pagtatapos ni Regine.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN