PEP EXCLUSIVE: Katrina Halili's legal counsel explains decision to file complaint against Dra. Belo and Dr. Kho with DOH and PRC

"Again, as I've said, when we filed the complaints to DOH, our objective is not only against Dra. Belo and her clinic, but the interest of Philippine Medical Tourism. That the other agency will actively participate in the process. So, in general, mas malawak ang interes namin," explains Atty. Raymund Palad, legal counsel of actress Katrina Halili (main photo), who filed a complaint against Dr. Hayden Kho and Dra. Vicki Belo (insets).


Nang maghain ng reklamo si Katrina Halili kaugnay ng pag-upload ng sex video nila ni Dr. Hayden Kho sa Internet, kung saan wala ring alam ang aktres na kinukunan na pala ng video ang kanilang pagtatalik, marami ang nakisimpatiya sa StarStruck alumna.

Umabot ang nasabing usapin sa Senado at marami na ring mga pulitiko ang nakisawsaw sa isyu. Lumitaw na rin ang ilan sa mga taong unang pinaghihinalaan na may hawak ng kopya ng naturang sex video, tulad ni Eric Johnston Chua at maging si Dra. Vicki Belo.

Lumabas na rin at nagpa-interview sa telebisyon ang ina ni Hayden na si Irene Kho. Pero sinampahan din siya ng libel complaint ni Katrina at ng road manager nitong si Omar Sortijas dahil sa sinabi niyang si Katrina ang nagbigay ng drugs sa kanyang anak.

Bukod sa mga naunang reklamong inihain ni Katrina sa iba't ibang personalidad na may kaugnayan sa pagkalat ng sex video nila ni Hayden sa Internet, nagsampa rin ng panibagong complaint ang aktres laban kina Hayden at Dra. Belo sa Professional Regulation Commission (PRC) at Department of Health (DOH).

Ang ilang bahagi ng reklamo na ito ni Katrina ay nailathala rito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) noong June 18. (Click here to read related story.)

Mapapansin na sa mga unang complaints na inihain ni Katrina laban kay Hayden ay halos buo ang simpatiya ng mga tao sa kanya. Pero ngayon ay tila nag-iiba na ang ihip ng hangin matapos niyang mag-file ng complaint laban kay Dra. Belo at sa Belo Medical Group (BMG).

Tila masyado na raw yatang "naaliw" ang kampo ni Katrina sa pag-file ng reklamo. At kahit daw si Dra. Belo na sinasabing "biktima" sa isyung ito ay kasama na sa gusto nitong idemanda at tanggalan ng lisensiya—na maaaring mangahulugan din ng negosyo at trabaho ng mga empleyado ng BMG.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NEGATIVE REACTION. Minabuti ng PEP na hingan ng reaksiyon ang legal counsel ni Katrina na si Atty. Raymund Palad ng Palad Tan & Palad Law Firm tungkol sa negatibong impresyon ngayon ng publiko sa aktres.

Ipinarating ng PEP kay Atty. Palad ang reaksiyon ng mga tao, partikular na ang mga mambabasa ng PEP. Anila, bakit kailangan pang idamay ni Katrina si Dra. Belo? Bakit gusto pa ng aktres na matanggalan ito ng lisensiya at ipasara ang clinics nito, gayong ang totoong kaso naman daw talaga ay ang recording at uploading ng sex video nila ni Hayden?

Paliwanag ng abogado ni Katrina, "...when we filed the complaints, hindi lang naman interest ni Katrina ang pinoprotektahan or gusto naming ipaglaban. Ito ay para magkaroon din ng strict monitoring at strict regulation ang Department of Health, Philippine Medical Association [PMA], Philippine Society for Cosmetic Surgery [PSCS], and Philippine Dermatological Society [PDS], to regulate or strictly regulate yung mga dapat na requirements sa ganitong clinics. So that highly qualified doctors—not just the Belo, but also other clinics—will implement.

"And true enough, ang Philippine Society for Cosmetic Surgery ay nag-put up na ng Cosmetic Surgery Institute kung saan puwede nang kumuha ng training ang mga doctors."

Idinagdag din ni Atty. Palad na kailan lang daw ay nakita niyang naglabas ng infomercial ang PDS, kung saan nakasaad na "kumonsulta" lamang sa lisensiyadong surgeons ang gustong magpa-enhance ng alinmang bahagi ng kanilang katawan. Pero hindi raw alam ng abogado kung may kinalaman ito sa pagsampa ng reklamo ni Katrina laban kay Hayden.

"Ibig sabihin, kahit paano, nagkakaroon ng awareness," saad ni Atty. Palad. "Unang-una, gusto nating i-promote ang Cosmetic Tourism ng bansa."

Pero sa pagkakaalam ng PEP, ang naturang infomercial ng PDS, kung saan nilalagyan ng makeup ang isang babae na nasa kabaong, ay lumabas na bago pa man pumutok ang isyu kina Katrina at Hayden. Ibinalik na lamang ito ngayon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kasabay ng batikos kay Katrina sa pag-file niya ng reklamo laban kay Dra. Belo at sa clinics nito ay ang opinyon ng iba na "ill-advised" daw ang aktres—obviously referring to her legal counsel.

Ano ang masasabi ni Atty. Palad dito?

"Again, as I've said, when we filed the complaints to DOH, our objective is not only against Dra. Belo and her clinic, but the interest of Philippine Medical Tourism. That the other agency will actively participate in the process. So, in general, mas malawak ang interes namin.

"Ang nangyayari, matagal na raw sila nag-iingay, like PMA, PDS... Matagal na raw sila nag-iingay, pero hindi napapansin. We have received recognition na dahil nga sa pangyayaring yun, nabubuksan ang awareness ng iba," saad ni Atty. Palad.

COSMETIC SURGERY. Nakausap din ng PEP ang presidente ng Philippine Society for Cosmetic Surgery na si Dr. Leonardo Abogado. Ayon sa kanya, si Doc Hayden ay isang licensed physician, pero ang ginawa niyang liposuction ay isang specialization na hindi pa sakop ng kanyang kakayahan.

"It's already beyond his training," sabi ni Dr. Abogado. "He barely graduated. Once you cut the skin, it's already surgery. May years of training para riyan, hindi puwedeng six months lang. And to be called specialist, you have to undergo specialization."

Pero pinatotohanan ni Dr. Abogado na, as of now, wala pang batas sa Pilipinas para sa mga nagpe-perform ng cosmetic surgery kahit hindi pa tapos ng required years of training and residency.

"Wala pa tayong law, sad to say. Pero ikaw ba, magpapagawa ka ba sa hindi highly qualified and trained?" balik-tanong niya.

Tinanong din ng PEP si Dr. Abogado tungkol kay Katrina at kung ano ang nakikita niyang laban ng kaso nito kina Hayden at Dra. Belo.

Aniya, "Mahirap unless there was something na nangyari, like namatay siya, nasira... Ang alam ko, pero hindi ako sigurado, may ganoong case yata na nangyari kay Hayden. So siguro, kung totoo yun, yun ang dapat na magsampa ng kaso."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon pa kay Dr. Abogado, five years ago pa raw nang maitatag ang Philippine Society of Liposuction Surgery. Isa raw si Dra. Belo sa charter members, pero si Hayden ay hindi miyembro nito.

Ang Philippine Cosmetic Surgery Institute naman daw ay naitatag na noon pa man. Pero nai-launch lang daw ito a few weeks ago. Ang main goal daw ng naturang organisasyon ay upang i-train ang cosmetic surgeons.

Pinabigyang-linaw rin ng PEP kay Dr. Abogado kung ilang taon nga ba ang kailangang training o residency ng isang doktor para maging certified cosmetic surgeon.

"You have to be a graduate of a four-year course in Medicine, one-year internship to be able to get and pass the Medical Board exam, and be a licensed general doctor. After that, he/she has to undergo a four-year residency training, at saka pa lang puwedeng mag-training for cosmetic surgery. Two years for cosmetic surgery and three years for reconstructive surgery," saad ni Dr. Abogado.

Ang nangyari raw sa kaso ni Hayden, posibleng sa ethics ay meron itong nilabag because he is not yet authorized to perform liposuction. Pero hindi raw masasagot ni Dr. Abogado kung posible itong matanggalan ng license dahil sa ngayon ay wala pa ring batas tungkol dito.

"We're coming up with a position letter. Naaapektuhan kaming lahat dahil parang pagka-graduate, puwede ka nang maging cosmetic surgeon," sabi ni Dr. Abogado.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN