Aljur Abrenica says he gets jealous every time Kris Bernal is linked to other guys

"Nagulat ako nang makita kong naka-two-piece si Kris, perfect at nakaka-attract talaga. Wala siyang dapat ika-conscious. Sa akin naman, kung ano ang ipagawa sa akin ni Direk Maryo, gagawin ko basta kaya ko. Kung kailangang magpa-sexy, gawin natin," says Aljur Abrenica about the sexy pictorial with Kris Bernal for their launching movie.


Kasama ang PEP (Philippine Entertainment Portal) sa inimbita ni Manny Valera, supervising producer ng I'll Be Waiting For You, sa shooting ng launching movie nina Kris Bernal at Aljur Abrenica sa Bohol. Sa iba't ibang parte ng naturang lalawigan sa South kinunan ni Direk Maryo J. de los Reyes ang pelikula, pero ang binisita namin ay ang set ng bahay kunwari ng pamilya ni Aljur.

Habang kinukunan pa ang mga eksena ni Aljur, si Kris muna ang nakausap ng PEP. Kinuha namin ang reaksiyon ng dalaga sa nasulat na sobra raw kung mag-PDA (public display of affection) sila ng ka-loveteam habang naglalakad. Ikina-turn off daw ito ng ilang mga taga-Bohol dahil sobrang higpit daw maka-abresiyete si Kris kay Aljur na para bang aagawin ito sa kanya.

"May ganung isyu pala! Sanay lang talaga kami na 'pag lumalabas kami ay nagho-holding hands. Hindi namin sinasadya kung may mga nate-turn off at hindi nagugustuhan ang kanilang nakikita. Sorry po," paghingi ng dispensa ni Kris.

Habang nasa Bohol sina Kris at Aljur, kumalat din ang tsismis na si Aldred Gatchalian ang totoong boyfriend ng young actress. Ano ang totoo rito?

"Kaibigan ko lang siya, hindi boyfriend," tanggi ni Kris. "Kaibigan siya ng ate ko at kaibigan nila si Kitkat [comedienne]. Nagkakilala kami sa birthday party ni Kitkat. Nanood kami ng concert nina Rihanna at Chris Brown at textmate kami, pero walang something sa amin."

SELOS ISSUE. Nagseselos ba si Aljur 'pag may nali-link kay Kris na iba?

"Nagtatanong siya, pero hanggang dun lang. Hindi ibig sabihin nagseselos na siya," sagot ng StarStruck 4 winner.

Pero kinontra naman ni Aljur ang sinabi ni Kris nang makausap na namin ang young actor. Inamin niyang nagseselos siya 'pag may nali-link na iba sa ka-loveteam.

"Siyempre, nagseselos ako," sabi ni Aljur. "Tinatanong ko siya kung totoo. Feeling ko naman, nagsabi siya ng totoo nang sabihin niyang friend lang niya si Aldred dahil wala siyang inililihim sa akin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Napangiti si Kris sa comment ng isang writer na mahilig siya sa boys na may AL sa pangalan—gaya nina Aljur at Aldred. Si Marco Alcaraz na nanligaw sa kanya, may AL din ang apelyido.

"Oo, nanligaw si Marco, pero alam niyang trabaho ang priority ko," sabi ni Kris. "Pero alam n'yo ba si Paulo Avelino ang type ko sa StarStruck 4, unang kita ko pa lang sa kanya. Ngayon, friend ko na siya at kasama pa sa All My Life."

Sabi ni Aljur, nagseselos siya 'pag may nali-link na iba sa kanya. Si Kris ba ay affected sa balita na si Rich Asuncion ang totoong girlfriend ni Aljur?

"Hindi," mabilis niyang sagot.

Friends ba sila ni Rich?

"Nagkukumustahan lang kami 'pag nagkikita, at hindi kami madalas magkita," sabi ni Kris.

"Be" o kung minsan ay "Babes" ang tawagan nina Kris at Aljur. At ang lagay na yun, wala pa raw silang relasyon.

LAUNCHING MOVIE. Tinanong ng PEP sina Kris at Aljur kung handa na ba sila na bigyan ng launching movie ng Regal Entertainment. Positibo naman ang sagot ng magkapareha.

Kris: "Oo naman. Excited na ako at masaya, pero kinakabahan din. Kahit successful ang Dapat Ka Bang Mahalin? at ang All My Life, iba ito, pelikula na ito. Suwerte lang kami na si Direk Maryo pa rin ang director namin. Ipinagdasal ko rin talaga na mabigyan kami ng lead role sa TV at movies at nangyari naman."

Aljur: "Sobrang thankful ako kay Lord, kay Mother Lily sa tiwala at pagbibigay sa amin ng launching movie na kami ni Kris ang talagang bida. Salamat din sa fans sa suporta nila sa amin at sa GMA-7 sa tiwala ring bigyan kami ng sariling soap."

Two years pa lang ang loveteam nina Kris at Aljur at malayu-layo na rin ang kanilang narating. Puyat, pagod, hardwork, punctuality, at pagmamahal sa trabaho ang kanilang puhunan. Isama na rin na pareho silang tumigil muna sa pag-aaral to pursue a career in showbiz. Pero nangako ang dalawa na tatapusin ang pag-aaral kapag nagkaroon sila ng enough time.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Habang nasa Bohol, nag-pictorial na rin sina Kris at Aljur sa iba't ibang tourist spots doon, gaya ng Chocolate Hills, Baclayon Church, man-made forest, at sa very expensive Eskaya Beach Resort and Spa, kung saan nag-two-piece si Kris at nagpakita naman ng kanyang abs si Aljur.

"First scene ko pa lang, nag-two-piece na ako," sabi ni Kris. "Nakakatuwa, para akong bata na naka-two-piece! Sa pictorial, na-conscious ako kahit papaano dahil tinitingnan at inaasar ako ni Aljur."

Kuwento naman ni Aljur, "Nagulat ako nang makita kong naka-two-piece si Kris, perfect at nakaka-attract talaga. Wala siyang dapat ika-conscious. Sa akin naman, kung ano ang ipagawa sa akin ni Direk Maryo, gagawin ko basta kaya ko. Kung kailangang magpa-sexy, gawin natin."

Si JC de Vera ang binanggit ni Kris na gusto niyang maging leading man aside from Aljur. Si Aljur naman, si Carla Abellana ang choice niyang maging leading lady. Pero may sinabi si Kris patungkol kay Aljur at sa loveteam nila.

"Takot ako na paghiwalayin kami ni Aljur dahil malaking tulong siya sa career ko. Umangat ako at mas nakilala dahil sa loveteam namin. Kung paghihiwalayin kami, parang bagong artista na uli ako. Pero alam kong I have to be ready sa pagdating ng panahong may makapareha kaming iba at pagdating ng time na yun, sana handa ako," saad ni Kris.

ALJUR'S ALBUM. Ikinatuwa naman ni Aljur ang balitaang gagawa siya ng album sa SonyBMG. Dapat sana ay this July na siya magre-recording, pero naurong ito dahil sa shooting ng I'll Be Waiting For You.

"Talaga? Nakakatuwa naman!" bulalas niya. "Bago ako nag-artista, nasa banda talaga ako at kumakanta. Masaya nga akong naging part ng Bro Band [sa SOP, with Dennis Trillo, Chris Cayzer, and Paulo Avelino] dahil nagagawa ko pa rin ang kumanta't maggitara. Excited na rin akong mag-recording."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN