Eva Castillo calls Regine Velasquez her "angel" for giving her second chance at singing career

There's more at stake for Eva Castillo than getting another shot at musical fame. It means being able to gather again her seven children, who were put in the care of different relatives because of hard times.


"Bakit Ako Mahihiya?" at ang English song na "Never, Never," ang kinanta ni Minerva "Eva" Castillo bago sinimulan ang launch cum press conference ng SRO Cinemaserye Presents: The Eva Castillo Story kahapon, July 17, sa Executive Lounge ng GMA Network Center.

To support Eva, present din sa presscon si Regine Velasquez, ang naging tulay ni Eva para muli siyang makabalik sa pagkanta.

"Salamat po kay Regine, ang angel na ipinadala ni Lord," sabi ni Eva during the presscon. "Hulog po siya ng langit at siya ang ginamit ni Lord para makapunta ako rito. Kung hindi po niya ako ipinahanap, hindi ako magkakaroon ng second chance para kumanta muli."

Ang tinutukoy ni Eva ay ang paghanap sa kaniya ni Regine noong inihahanda nito ang birthday and thanksgiving concert niya at nai-suggest ng Papa niyang si Mang Gerry na bakit hindi niya isama sa Roots to Riches si Eva na sa napakaraming pagsasama nila sa mga amateur contests, minsan lamang siyang tinalo ni Regine.

Pero si Regine, ayaw sarilinin ang tulong na nagawa niya kay Eva.

"Nagpapasalamat ako kay Direk Louie Ignacio na siyang tumatayong manager ni Eva ngayon," nakangiting pahayag ni Regine. "At sa GMA Network na binigyan nila ng pagkakataon si Eva na mabigyan ng second chance na makabalik sa pagkanta."

EVA MAKEOVER. Bago nagsimula ang presscon proper, nakausap na ng PEP si Eva na napansing malaki na ang ipinayat. Nagpapapayat ba siya?

"May nutritionist po ako na nag-advise sa akin ng tamang diet para po mabawasan ang timbang ko," nakangiting sagot ni Eva. "Sa breakfast po, banana and milk; sa lunch, fish and vegetables and one half cup of rice; at sa dinner, no more rice, fish, chicken and vegetables na lang. Sa merienda, apple or fruit juice. Bawal po ang mga junk foods, pero allowed akong kumain once a week, kung gusto ko po, ng chocolate o ibang food na gusto kong kainin. Pero hindi po naman ako mahilig sa chocolates."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ipinagtapat pala nang buo, walang inilihim si Eva sa totoong pangyayari sa buhay niya para sa The Eva Castillo Story, tulad ng dalawang lalaking nagkaroon ng kaugnayan sa kanya at ang pagkakaroon niya ng pitong anak. Pero basta tungkol na sa mga anak ang pinag-uusapan, hindi mapigilan ni Eva ang mapaiyak. Hiningi namin ang mga pangalan ng mga anak niya.

"Seventeen pa po lamang ako nang mag-asawa," kuwento ni Eva. "Iyong panganay ko po, si Joner, 21 at ang sumunod na si Joana, 20, ay nasa lola nila sa father side sa Urdaneta, Pangasinan. Si Pipoy, 18, ay may asawa na at lola na po ako, 8 months old iyong apo ko. Si Enang, si Reine, ipinangalan ko kay Regine, ay 16, sumasali rin po siya sa mga singing contest, mas mataas po ang boses niya sa akin; si Owel is 15, Nang-Nang, 14 at si Sharie, 11. Dalawa sa kanila ang nasa nanay ko at tatlo po iyong kasama ko ngayon. Iniwan ko na po ang Bangkusay in Tondo, lumipat na po ako sa isang apartment malapit lang dito sa GMA.

"Dream ko po talagang magkasama-sama kaming lahat. Pero mababait po ang mga anak ko, hindi nagbabago ang pagmamahal nila sa akin kahit magkakalayo kami dahil hindi nawawala ang communications namin. Kapag may okasyon po, like Pasko, dumarating sila, kapag school vacation nasa akin silang lahat. Nang time po lang 'yon, talagang sinabi ko sa kanilang hindi ko sila kayang palakihin.

"Kung noong araw nagsisinungaling ako sa kanila na kukunin ko na sila, kapag kinukulit nila ako, ngayon, totoo na 'yon. Sandali na lang, puwede na kaming magkasama-sama. Pero si Joner po kumukuha ng civil engineering sa Pangasinan at si Joana, nag-aaral po ng education, kaya baka doon na muna sila. Si Joner po, nagulat nga ako nang bigla siyang dumating pagkatapos noong concert ni Regine, napanood raw niya ako, kaya bigla siyang lumuwas ng Maynila."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

LETTING GO OF PAST HURTS. Ano ngayon ang masasabi niya na muli nga siyang nabigyan ng second chance?

"Labis-labis po ang pasasalamat ko, akala ko po hindi na darating ito. Pero hindi po ako tumigil ng kabubulong kay Lord, na gusto ko pong magkasama-sama kami ng mga anak ko. Akala ko po, hindi na Niya ako naririnig. Pero mas malakas daw po ang bulong at iyong last na bulong ko, narinig na Niya dahil hindi naman Siya natutulog, iyon ngang pagdating ng mga taga-GMA na ipinahahanap daw ako ni Regine. That time, may five years na akong nag-stop kumanta."

Mapait daw ang naging karanasan niya sa piling ng asawa at mga kaanak nito. Galit ba siya at hindi ba siya nag-isip na maghiganti ngayong nakabalik na siya?

"Dati po, talagang galit ako sa kanya, pero nakatago lamang iyon sa dibdib ko. Hindi po kasi ako paladaing na tao kahit noong nilalait-lait ako ng pamilya niya, hindi po ako nagsasalita, kaya iyon ang dala-dala ko na nagpahirap sa akin. Ngayon po, wala na akong galit, nai-release ko na po iyon. Marami kasi akong nakausap dito sa GMA na nag-advise sa akin na i-release ko na lahat kung may galit pa ako sa dibdib ko, kalimutan ko nang lahat iyon para makapagsimula ulit ako."

Matagal na raw silang walang communication ng naging asawa, paano kung bumalik ulit ito ngayong napapanood na siya sa TV? Balak pa ba niyang mag-asawa muli?

"Wala na po akong balak mag-asawa. Kung tutuusin, dalaga pa ako dahil hindi naman ako nagpakasal, pero ang gusto ko na lamang, makitang makapagtapos ng pag-aaral ang mga anak ko at magkasama-sama kaming muli."

"NAPATAWAD KO NA SIYA." Hindi na naman napigilan ni Eva na mapaiyak nang hingan siya ng message para sa dating asawa.

"Kung anuman ang nagawa niyang pagkakamali, napatawad ko na siya. Kinalimutan ko na rin ang mga panlalait at pahirap niya sa akin at ng kanyang pamilya. Kung may nagawa akong pagkakamali sa inyo, patawarin din ninyo ako. Wala po, wala akong balak maghiganti sa kanila, busog po ako sa pangaral ng aking mga magulang."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano naman ang sabi ng mga anak niya na muli siyang kumakanta?

"Masaya po sila at masaya rin ako. Kung dati po kasi, madalas na hindi nakaka-attend ang mga anak ko sa PE nila dahil wala silang rubber shoes, at hindi makagawa ng projects sa school dahil kulang na kulang talaga ang pera ko, ngayon po, kapag humingi sila naibibigay ko na. Nakakalungkot din po na tatlong taon ding tumigil si Enang sa pag-aaral niya dahil wala akong pambayad sa tuition, two years naman si Owel, kaya po ngayon pareho silang nasa first year high school, magkaklase sila at sabi ko pagbutihin na lamang nila ang pag-aaral para makatapos din sila."

Magkakaroon ng guest appearance sina Regine at Eva sa life story ni Eva. Mapapadalas na ring mapanood si Eva sa SOP at every Thursday, at regular performer siya sa Klownz, Quezon Avenue.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN