Eva Castillo reveals that watching Regine Velasquez used to cause her pain

"Talagang kapag pinapanood ko siya, magkahalo yung saya at lungkot. Nung pataas na siya nang pataas, nung papasikat na siya nang papasikat, parang iniwanan ko na siya, hindi ko na siya pinapanood. Hindi dahil sa galit ako... Alam mo yun? Yung nararamdaman ko, iba," says Eva Castillo about former rival Regine Velasquez.


Inamin ng singer na si Eva Castillo na dumating siya sa punto noon na ayaw na niyang panoorin sa telebisyon ang naging mahigpit niyang karibal sa amateur singing contests na si Regine Velasquez.

"Talagang kapag pinapanood ko siya, magkahalo yung saya at lungkot. Nung pataas na siya nang pataas, nung papasikat na siya nang papasikat, parang iniwanan ko na siya, hindi ko na siya pinapanood. Hindi dahil sa galit ako... Alam mo yun? Yung nararamdaman ko, iba.

"Hindi naman po inggit. Basta kapag nakikita ko siya sa TV, sumisikip ang dibdib ko, parang ganun. Naiinis ako sa mga nangyari, hindi sa kanya... Kaya hindi ko na siya pinapanood, ini-stop ko na yung panonood sa kanya dati," seryosong pahayag ni Eva nang makapanayam siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).

Pero ngayon, lubos-lubos ang pasasalamat ni Eva dahil gumanda ang buhay niya sa pagkakapasok niya sa showbiz sa tulong ng Asia's Songbird. Simula nang i-guest siya ni Regine sa homecoming concert nito sa Bulacan ay nagbago na nang tuluyan ang takbo ng buhay ni Eva.

"Nagtinda po ako ng Avon noon, nagpapataya ako sa ending, yung sa basketball, tapos nagtinda ako ng merienda. Kumanta rin ako sa mga patay. May bayad, depende... Kung hindi mo kilala yung patay, may bayad; kapag kilala ninyo, libre. Karamihan, sa bandang Nueva Ecija. Karamihan diyan kapag may patay, may banda, minsan musiko, depende dun sa namatayan kung ano ang gusto niya.

"Bata pa lang ako, nagka-club na ako, kumakanta na ako dun sa club sa kanto namin. Siguro mga two years ako dun. Galing ako sa club, uwi ako ng three ng madaling-araw, tapos papasok ako ng maaga sa school," kuwento ni Eva.

Taliwas naman sa unang napabalita, hindi raw naging labandera si Eva.

"Hindi po. Ang nilalabhan ko, mga damit namin, labandera ako ng mga damit namin. Hindi ako tumanggap ng labada," paglilinaw niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag ni Eva, "Sa Mabini, madami akong pinagtrabahuhan dun nung kabataan ko—sa Cowboy Grill, tapos sa Pinoy Edition. Nag-band ako dati, Genesis ang banda ko. Gusto ko kasi talagang makapag-abroad, pero hindi ako nakapag-abroad. Hindi yata para sa akin yung abroad, laging nagkakaroon ng aberya."

DULCE LOOK-ALIKE. Ang Asia's Songbird ang naging bahagi ng buhay ni Eva. Pero sa pisikal na aspeto at boses, si Dulce ang kahawig niya.

"Sabi nga nila!" bulalas ni Eva. "Siyempre, masaya. Na-meet ko siya, ang bait po. Si Ms. Dulce, idol ko 'yan mula pa bata ako. Nagkita kami niyan nung mga 12 ako, sa bahay nila. Si Tito Berting, siya yung nagdadala sa akin sa mga kumbidahan o mga okasyon, kaibigan siya ni Ms. Dulce. Ipinakilala niya ako kay Ms. Dulce. Siya ang nagbigay sa akin ng minus one ng 'Ako Ang Nagwagi.' Yun yung pinapanalo ko sa mga amateur singing contest.

"Tapos nagkita kami ulit dun sa first guesting ko sa Mel & Joey. Ipinakita ko sa kanya yung picture na binigay niya sa akin nung 1985, alam ko '85 yun, e. Sinabi ko sa kanya na ako yung bata na nagpunta sa kanila. Natuwa siya, nagulat siya kung bakit naitabi ko pa yung picture na ibinigay niya," lahad ni Eva.

At ngayon, ang dating tagahanga ay bida na dahil mapapanood na tuwing Huwebes ang buhay ni Eva sa SRO Cinemaserye Presents The Eva Castillo Story, na pinagbibidahan nina Manilyn Reynes at Glaiza de Castro (as the young Eva), with the special participation of Regine Velasquez.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN