Annabelle Rama to Lorayne Pardo: "...'Wag na 'wag niyang awayin si Richard! Yun ang may pera, 'wag niyang awayin 'yon!"

"Wala siyang kasalanan sa nangyari, aksidente 'yon. Hindi naman sinasadya ni Richard na siya'y tumalon sa bangin. Hindi niya sinasadya ang pagkaaksidente ng araw na 'yon. Sana, si Lorayne, 'wag ka nang magpakasulsolsol kung sino-sinong mga demonyo d'yan sa likod mo!" says Annabelle Rama.


Muling nakausap sa radio program na Wow! Ang Showbiz! sa DWIZ ang talent manager na si Annabelle Rama kaninang tanghali, July 30. Nahingan uli ito ng reaksiyon sa mga naging pahayag ni Lorayne Pardo—biyuda ni Nomar Pardo at personal assistant ng aktor na si Richard Gutierrez—kahapon, July 29, sa parehong programa. (Click here to read related story.)

At tulad ng inaasahan, naging very vocal muli ang Gutierrez matriarch sa kinahaharap na isyu ng kanyang anak na si Richard.

Matatandaang sinampahan ni Lorayne ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide si Richard noong July 23 sa Imus, Cavite, pagkatapos masawi ng kanyang asawa sa vehicular accident na naganap noong May 22 sa Silang, Cavite. (Click here to read related story.)

"MAS PANINIWALAAN AKO NG TAONG-BAYAN." Ano ang reaksiyon ni Annabelle sa sinabi ni Lorayne na wala raw katotohanan na humihingi siya ng four-million pesos kay Richard, gaya ng pinalalabas ng pamilya Gutierrez?

"Alam mo, kaya [nung] nag-meeting kami, isinama ko si Jun Lalin [publicist ng mga Gutierrez], para may witness ako. Kasi, sinabi na sa akin ni Pilita [Corrales], ingat ako sa babae na 'yan [Lorayne]. Kasi, iba raw ugali n'yan. Kaya ako, hindi ako nakipag-meeting na wala akong kasama.

"Kasi, wala namang masama magsasabi ako ng totoo. Hindi naman kailangan akong mag-imbento. Ano makukuha ko kung mag-imbento ako sa kanya? Ako naman, katotohanan lang naman lagi ako, di ba?

"Siyempre, mas paniniwalaan ako ng taong-bayan, alam nila na wala akong intensiyon na magsinungaling. Ba't ako magsinungaling? Ba't naman ako mag-imbento? Hindi ako puwedeng mag-imbento naman," mahabang pahayag ni Annabelle.

"ANO AKALA MO KAY RICHARD, PINATAY ASAWA MO?" Gusto raw ni Lorayne makausap si Richard doon pa lang sa burol ni Nomar, pero hindi niya ito nakausap dahil hinarang ni Annabelle?

"Doon siya nagkakamali," agad na sagot ng Gutierrez matriarch. "Kalalabas lang ni Richard sa ospital, may lagnat, hindi na nga tumuloy do'n sa Flawless na launching, inuna muna si Nomar dahil gustong makita si Nomar. Pagdating do'n sa burol, pagdating ni Richard do'n sa burol, hindi lumabas si Lorayne do'n sa kuwarto. Ako pa ang tumawag kay Lorayne, 'Lorayne, 'andiyan si Richard, 'andiyan si Ruffa [Gutierrez, Annabelle's daughter], lahat, andiyan buong pamilya ko,' 'saka siya lumabas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kitang-kita ko, [ng] dalawang mata ko, niyakap siya [Lorayne] ni Richard. Nakita ko, parang itinulak niya si Richard, ayaw niyang magpayakap, something like that. Narinig ko, sabi ni Richard, 'Condolence,' sabi niya. Nung tapos magdasal ni Richard kay Nomar, umupo si Richard. Pagkaupo ni Richard, tinabihan agad siya ni Lorayne, 'Mag-usap tayo mamaya sa labas, may kuwarto do'n.'

"HINDI KA MAN LANG NAG-ENTERTAIN SA ANAK KO!" "Ikaw, ano akala mo kay Richard, pinatay [ang] asawa [mo]? Ba't ganyan ang akting niya?" saad ni Annabelle patungkol kay Lorayne. "Sabi ko, 'Lorayne, ang pagkakamali mo, ang akting mo, akala mo kung sino kang donya! Akala mo kung sino ka na hindi ka man lang nag-entertain sa anak ko!

"Kung dumating si Richard do'n sa burol at umiyak ka kay Richard, 'Chard, walang mangyayari sa pamilya ko, anong nangyari sa amin?" bibigyan ka agad ni Richard ng tseke! Dahil bago kami pumunta ng burol, sabi ni Richard sa bodyguard niya, 'Kunin mo check book ko, George.' Nagpaalam sa akin si Richard, 'Magbibigay ako, Mommy.' 'Magbigay ka,' sabi ko sa kanya.

"Papaano siyang [Lorayne] bibigyan do'n sa burol, ang akting niya ibang klase? Mag-usap daw sila sa labas. Katatapos lang bangga, wala pang four days. Ano ba 'yan? Nag-iyakan na lahat do'n!

"E, bakit ikaw, Lorayne, sa TV, iyak nang iyak, akala mo kung sino? Bakit do'n sa burol, apat na araw, hindi siya umiiyak? Apat na araw, bilang nang bilang siya do'n sa perang mga abuloy na binibigay sa kanya. Bakit sa TV, after two months and two weeks, saka siya umiiyak sa TV? Hindi bagay na umiiyak siya sa TV, 'no!

"Kung talagang gusto niyang hustisya," patuloy ni Annabelle, "bakit siya nagpa-presscon-presscon pa siya? At in-announce-announce pa sa TV? Bakit hindi na lang pagkatapos ng burol, humingi siya ng hustisya? Kung yun bang nanggaling sa puso niya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ako naniniwala sa pinagsasabi ni Lorayne. Meron siyang bad intention. Kasi two months and two weeks na saka siya nag-iingay, iyak-iyak sa TV. Bakit do'n sa burol, hindi siya umiiyak? Hindi ko nakitang luha niya. Mabuti pang mga anak ko, lahat umiyak—si Elvis, si Ritchie Paul, lahat kami. Siya, hindi siya umiyak!"

"YUNG ACTING NIYA, HINDI MAGANDA." Totoo bang pinigilan niyang makausap ni Lorayne si Richard?

"Totoo 'yon, pinigilan ko," pag-amin ni Annabelle. "Bakit niya kakausapin si Richard, hindi naman maganda pagkasabi niya? 'Mag-usap tayo sa labas, nando'n lang kuwarto!' Hindi puwedeng ganyan. Yung acting niya, hindi maganda. Sabi ko, 'Chard, hindi. This is not the time to talk to her. Iba ang akting niya ngayon.' Nag-walkout kaming lahat! Ako, buong pamilya ko, yung mga talents ko, nag-walkout kami dahil sa akting ni Lorayne!

"Alam mo 'yan, sa burol, hindi man lang siya nagse-serve, nakaupo lang siya! Alam mo ang nagse-serve do'n? akala ng mga kamag-anak niya, mga waitress ang dala-dala ko! Mga PA lahat 'yon, kasamahan ni Nomar sa trabaho. Hindi siya nagse-serve, alas-kuwatro ng umaga, nakaupo lang siya!"

Muli ay ipinagdiinan ni Annabelle na totoo ang lahat ng sinasabi niya.

Aniya, "Ako naman, ba't ako magsisinungaling? Ba't ako mag-iimbento? Walang makukuha sa akin. Wala akong makukuha kung mag-imbento, magsinungaling ako. Ba't kailangan ba akong magsinungaling? Katotohanan lang naman tayo, di ba? Siyempre, hindi na siya umaamin, napahiya siguro siya. Kasi nabuking na siya."

"ANO BANG 'PINUPUTOK NG BUTSE NIYA?" Pinapili raw nila si Lorayne kung educational plan o lump sum ang tatanggapin nila?

"Alam mo, buhay na buhay si Jun Lalin, 'yan ang witness ko," sabi ni Annabelle. "Kaya ako nagdadala ng witness, kasi para meron talaga akong kaharap na magpapatunay na yun talaga ang aming pinag-uusapan.

"Witness ko si Daisy Romualdez [former actress]. Tinawagan ko si Daisy. Ang ahente ng insurance, pamangkin niya. Sabi ko, 'Daisy, kailangan kong makausap ang pamangkin mo, ikukuha ko ng educational plan ang mga anak ni Nomar.' Nagkita kami ni Daisy sa McDonald's, pinapa-compute ko na kung magkano educational plan hanggang college. Tapos tinext ko si Lorayne, 'Can I have your two sons' name and age?' Hindi siya sumasagot. Ayaw niyang educational plan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nalaman ko lang sa ahente, sabi, 'Annabelle, hindi talaga 'yan tatanggapin ng nanay, kasi ang educational plan, ang tseke, direct to the school. Binabayaran lang namin ang school ng one year. Every year, binabayaran namin ang school.' So, hindi mahahawakan ng nanay yung pera. Siguro, kaya siya tumanggi.

"Buhay pa nga si Nomar, hindi nga nila afford magpaaral ng anak niya! Si Richard na nagpapaaral ng kanyang panganay. Ano bang pinuputok ng butse niya?" mariing sabi ni Annabelle.

WILMA GALVANTE. Wala raw katotohanan na nakipag-meeting si Lorayne kay Wilma Galvante?

"Sino ba ang gustong umamin?" sagot-tanong ni Annabelle. "Hindi aamin 'yan! Two days before mag-presscon si Lorayne, nasa GMA siya. Tapos, two days before, may hearing kami ni Wilma. First time namin ni Wilma, mag-face-to-face.

"Siguro si Wilma, gumawa ng paraan na malihis ang isyu, hindi mapunta sa aming dalawa. Siguro, kinausap niya si Lorayne. Kasi, ano'ng gagawin niya sa office sa GMA-7, magsosoli ng resibo? Anong resibo? After two months and two weeks, magsosoli ka ng resibo? Maski kanino mo itanong, pagtatawanan talaga siya."

Diin pa ni Annabelle, "Anong resibo isasauli niya, e, ang nagbabayad ng cremation, GMA? Direct ang GMA ang nagbabayad, hindi kay Lorayne mabibigay ang pera. Di ba, obvious? Obvious! Kunwari nagsasabi siya ng totoo, bakit nataon ang presscon ni Lorayne, araw ng hearing namin ni Wilma? Naghi-hearing kami, nagpe-presscon siya? E, puwede naman siyang pumunta ng GMA after one week ng burol? Bakit kailangang two months and two weeks siyang pumunta kay Wilma? Siyempre, hindi aamin 'yan.

"Bakit ngayon lang siya nag-iingay? Bakit ngayon lang siya ngawa-ngawa? Ano nangyayari sa kanya? Kung walang nagsusolsol d'yan, saka niya iisipin 'yon?"

Sa hiwalay na panayam ng PEP, itinanggi na ni Lorayne na may kinalaman si Ms. Galvante sa isyung ito. (Click here to read related story.)

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"...P.A. LANG NAMAN ANG ASAWA MO." Tinawagan din daw ng PEP at YES! si Lorayne para bigyan ng tribute si Nomar?

Kuwento ni Annabelle, "Nagmi-meeting kami nina Jun Lalin, [sabi ni Lorayne], 'Tita, tinatawagan ako ng PEP, tinatawagan ako ng YES!, iinterbyuhin daw ako, kasi bibigyan daw ng tribute si Nomar.'

"'E, ba't bibigyan ng tribute, e, P.A. lang naman ang asawa mo? Ano siya, ba't may tribute pa sila?' [Sabi ni Lorayne] 'Panay tawag sa akin ng PEP. Panay tawag sa akin ng YES!' I-one plus one mo ngayon. Ang PEP, si Jo-Ann Maglipon, kaibigan si Wilma Galvante. Ikaw na mag-isip kung ano ang mga plano nila? Yun na yun!" hinala ni Annabelle.

Sa interview pa rin ng PEP kay Lorayne noong July 24 ay nilinaw niya ang ginawang pagtawag sa kanya ng PEP at YES!. (Click here to read related story.)

"HINDI KA DAPAT NAGPASULSOL!" Ano ang mensahe niya kay Lorayne?

"Lorayne, pagsisihan mong lahat itong ginagawa mo!" banta ni Annabelle. "Tandaan mo, ang inaaway mo si Richard, napaka-generous, napakabait na anak. Kung ikaw sa burol, hindi ka na sana nagtataray-taray sa kanya, iisyuhan ka agad ni Richard ng tseke pangtulong. Kasi nga ang anak ko, nagpapaaral ng mga batang hindi niya kilala ang mga nanay, ikaw pa kayang ang tatay ng anak mo, nagtatrabaho kay Richard?

"Dapat sana, Lorayne, hindi ka nagpapasulsol kung sino man nagsusolsol sa 'yo. At 'wag mo akong bobolahin na walang nagsusolsol sa 'yo, imposible 'yan! Sinong gumastos ng presscon mo? Sinong gumastos sa lawyer mo?

"Sosyal pa nga pagkaburol ni Nomar. Lahat ng talents ko nandoon. Lahat ng kaibigan kong mayayaman, nandodo'n lahat, nagbigay sila ng abuloy. Lahat ng mga kasamahan ni Richard sa Zorro, nagpuntahan lahat. Araw-araw na sa amin ni Richard. Nagtatawag ako para matulungan pamilya niya, hindi pa ba niya naa-appreciate 'yon?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Wala siyang pisong ginastos do'n sa burol. Ako nagpa-catering, ako lahat nagbigay, nagpamisa, nagbigay ng choir... Wala siyang pisong ginastos do'n. Siya nakaupo lang, donyang-donya! Hindi pa ba niya, naa-appreciate 'yon?"

"INUMPISAHAN NIYA, TATAPUSIN KO!" May pag-asa pa kayang magkaayos sila?

"Inumpisahan niya, tatapusin ko na!" sagot ni Annabelle. "Wala kaming inabuso. Wala kaming inapakan na tao. Kung hindi lang naman sinabi sa akin ni Richard, 'Asikasuhin mo si Nomar.' Hindi ko siya talaga aasikasuhin.

"Utos lahat ni Richard 'yan. Utos lahat ng anak ko 'yan. Kung walanghiya si Richard, wala na siyang pakialam do'n. Kaya kami naglalamay sa burol, utos lahat ng anak ko 'yon. Kaya dapat siya [Lorayne], 'wag na 'wag niyang awayin si Richard! Yun ang may pera, 'wag niyang awayin 'yon! Inaway-away niya, yun ang makakatulong sa kanya. Mali siya do'n, e."

Sa huli, ito ang mga sinabi ni Annabelle: "Tuloy-tuloy n'yo ang pagdasal n'yo sa anak ko na mawala na ang mga intriga. Ang dami-daming bumabatikos, gusto siyang ibagsak. Nagkakamali naman sila, kasi ang aming guidance, nasa Itaas. Hindi siya pababayaan ng Diyos, kasi alam naman namin, wala siyang ginawang masama. Wala siyang kasalanan sa nangyari, aksidente 'yon. Hindi naman sinasadya ni Richard na siya'y tumalon sa bangin. Hindi niya sinasadya ang pagkaaksidente ng araw na 'yon. Sana, si Lorayne, 'wag ka nang magpakasulsolsol kung sino-sinong mga demonyo d'yan sa likod mo!"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN