Former President Corazon C. Aquino: "Ako'y nagpapasalamat sa Panginoong Diyos dahil ginawa Niya akong Pilipino."

"I'm just so grateful to all the Filipino people who were so supportive of me dahil they took me for what I was and they did not expect more," pasasalamat ng dating Pangulong Corazon C. Aquino sa huling panayam sa kanya ng GMA News director na si Jessica Soho. Si Gng. Aquino ay pumanaw kahapon ng madaling araw, August 1, dahil sa cardiorespiratory arrest na sanhi na rin ng paglala ng sakit niyang colon cancer.


"I think it was about her selflessness."

Ito ang pinakamagandang ugali ng yumaong dating President Corazon C. Aquino na lubos na matatandaan ng kanyang panganay na anak na si Maria Elena "Ballsy" Aquino-Cruz.

Sa panayam sa kanya ng GMA News director na si Jessica Soho kagabi, August 1, sinabi ni Ballsy, "Kasi sa kanya, napakaimportante talaga na unahin ang bayan. Para bang she loved the country more."

Sumakabilang-buhay si dating Pangulong Cory Aquino kahapon, August 1, ng 3:18 ng madaling-araw pagkatapos ng mahigit isang taong pakikipaglaban sa sakit na colon cancer.

FROM HOUSEWIFE TO PEOPLE POWER ICON. Kahit na tapos na ang kanyang termino bilang pangulo ng bansa, nanatili pa ring aktibo si Gng. Aquino sa gawaing makabubuti sa sambayanang Pilipino.

Sa huling full-length interview sa kanya ni Jessica Soho noong Setyembre 3, 2008, inalala ng dating pangulo ang simula ng kanyang pagpasok sa pulitika-na nakapagbalik ng demokrasya sa ating bansa matapos ang ilang taong pagpapasailalim sa rehimeng Marcos.

Bilang isang ordinaryong maybahay lamang ng napaslang na senador na si Benigno "Ninoy" Aquino, inamin ni Gng. Aquino na hindi pa siya sigurado noon na tumakbo bilang pangulo ng bansa.

Kuwento niya, "Maraming nakikipag-usap sa akin at sinasabing, 'Kailangan ikaw, dahil ang hinahanap ng isang tao ay isang kandidato na para bang opposite Marcos. Siguro, akala nga nila ako na nga 'yon. Sabi ko, 'Pumili na lang kayo ng iba, tutulong na lang ako.' 'Yong ibang mga kaibigan ko doon sinasabi, 'Huwag mo nang sabihin na hindi ka kakandidato, kung hindi mawawalan ng pag-asa ang mga tao at hindi na sasali sa ating mga rally.' Sabi ko, 'Oo, sige.' At ang tanong sa akin ay, 'Will there be any conditions that you will be agreeing to run?' Naisip ko siguro kung dalawang bagay ang mangyayari na magkakaroon ng snap elections at kung magkakaroon ng one million signatures."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang hakbang na ito ang nakapagpabago sa kanilang simpleng pamumuhay.

"Ibang-iba talaga ang naging buhay ko noon," ani Gng. Aquino. "Sinabi ko sa mga anak ko, 'Lahat ng puwedeng magtalumpati, magtalumpati na rin kayo. Imposible kong malibot ang buong bayan dahil 60 days, wala naman tayong mga sasakyan.' Minsan nakakahiram ako ng eroplano o helicopter."

Inalala ng dating Pangulo ang isang pagkakataon kung saan nakita niya ang taus-pusong suporta ng mamayang Pilipino sa kanyang kandidatura.

"Doon sa isang pineapple plantation sa Mindanao, e, di nagsasalita nga ako... pagkatapos, umaambon-ambon pa noon, may isang bucket na pinapasa-pasa doon ng mga taong nakikinig sa akin. Sabi ko, 'Ano ang ginagawa nila?' Pero sige pa rin ako sa aking talumpati. Pagkatapos ng aking talumpati, umakyat 'yong barangay captain at binigyan ako ng isang bilao ng saging at pineapple, e, di nagpasalamat naman ako.

"Pagkatapos, may nag-abot sa kanya nung plastic bucket na nakikita ko, sabi niya, 'Para sa iyo ito.' Nang tiningnan ko, mga piso... piso pa noong araw 'yong bill. Alam mo, parang gusto ko talagang maiyak dahil ang hirap nila and yet they were giving whatever they have to me," paglalahad ni Gng. Aquino.

Ayon kay Gng. Aquino, ang kanyang pagtakbo bilang pangulo noong panahong iyon ay hindi para maiganti ang kanyang asawa. Paliwanag niya, "Hindi naman revenge ang hinahanap ko, e. Talagang ang gusto ko lang, sabi ko, 'Ituloy natin ang laban ni Ninoy.' Ang laban nga niya ay upang maibalik natin ang demokrasya."

HIGHS AND LOWS OF BEING PRESIDENT. Noong 1986, sa tulong ng "People Power," naluklok bilang pangulo ng bansa si Gng. Aquino. Siya ang naging kauna-unahang babaeng presidente ng Pilipinas at sa Asya.

Para sa kanya, ang makasaysayang kaganapang ito ang isa sa hinding-hindi niya malilimutang pangyayari sa kanyang buhay.

"Well, first, noong nakita mo ang mga mamamayan na talagang nagpunta sa EDSA at saka sinisigaw ang pangalan mo, at talagang nakahanda silang ialay ang lahat, pati ang kanilang mga buhay para maibalik ang demokrasya," sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kasunod nito, iba't ibang papuri rin ang naiparating kay Gng. Aquino. Pero ang pinakamagandang araw na nangyari sa kanya habang siya ay pangulo ng bansa ay nang magbigay siya ng talumpati sa harap ng mga kongresista ng Amerika noong September 18, 1986.

"Siguro, the highs [of being president] were... I have to admit, when I went to the United States," pahayag ni Gng. Aquino. "Wow! Wala akong kanerbiyos-nerbiyos noon, e. Sabi ko, 'Bakit kaya ganito ang feeling ko?' Everything just went so well na talagang, wow, it's all happening to me talaga. 'Yon na nga, nakakagulat na kilala pala ako! Noong araw, asawa ako ni Ninoy, or ngayon sasabihin, mommy ako ni Kris!"

Dagdag pa rito ang pagkakahirang sa kanya bilang "Woman of the Year" ng TIME magazine noong 1986.

"That had to be really high!" wika ng dating presidente. "It was just so unbelievable na me, on the cover of TIME magazine? Nagpadala na nga ng photographer and she followed me for a week or two, every day. Basta ang sabi niya, 'Please, don't pay any attention to me. I just want to take all of these shots. Parang after that, 'I can die now!'"

Inamin din ng dating pangulo na hindi lahat ng panahon ay magagandang alaala para sa kanya. Sa kanyang pagkakatanda, ito ay 'yong panahon kung kailan kabi-kabilang coup d'etat ang mga naganap para siya ay mapaalis sa pwesto.

"Actually, the worst was in 1989," sabi niya. "Akala ko, parang sabi ko, 'Baka ito na ang goodbye.' I was determined na to leave MalacaƱang. At ang mga Cabinet members ko, sinasabi nila, 'Ma'am, sige na umalis na kayo dito.' Sabi ko, 'Hindi. Tingnan ninyo si Marcos umalis, ano ang nangyari sa kanya? No, I feel my duty is to stay here.' Anyway, I'm prepared. Again, I was also determined na talagang one term lamang ako. Basta ang aking ultimate objective was to restore democracy."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano naman ang masasabi niya sa mga nag-aalinlangan sa kanyang kakayahang mamuno ng gobyerno?

Hindi inalintana ni Gng. Cory ang pangungutya sa kanya bilang isa lamang dating maybahay at walang karanasan sa pulitika. Bagkus, aniya, "Sino sa kanila ang nag-appear before the US Congress? Sino sa kanila ang nalagay sa cover ng TIME magazine? Sino ang 'Woman of the Year?' Kaya it's not all experience. I'm just so grateful to all the Filipino people who were so supportive of me dahil they took me for what I was and they did not expect more."

Dagdag pa niya, "I can face anybody. I feel stressed about not using my position to further my own interests or interests of others who were close to me. Sabi nga ng iba, 'Sobra ka naman, e.' But I felt that when I leave MalacaƱang, nobody can point a finger at me."

Sa huling bahagi ng panayam, nanatili ang matinding paniniwala ng dating pangulo na maaari pang magbago ang Pilipinas.

"I still have great hopes," pahayag ni Gng. Aquino. "Alam mo, sabi ko, 'Okay, tayong mga Pilipino, ano ba naman, bakit hindi tayo umaangat katulad ng iba nating mga kalapit bansa or whatever?' Sabi ko, darating at darating din 'yon. Kaya nga I am so glad that it was the suggestion of some people that we try to revive 'yong 'being like Ninoy.' The Filipinos are like Ninoy-ready to sacrifice their all for the sake of the country."

At isa pang pagpapatunay ng "selflessness" ng dating Pangulo ng Pilipinas, sinabi niyang, "Well, I just try to do what I believe what I should because I realized also I have so much to be grateful for. I always tell my children, 'Siguro, 90 percent of the population have it so much worse. And we really are so privileged so we have to show in return all these gifts that have been given to us."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa huli, narito ang mensahe ni Gng Aquino: "Ako'y nagpapasalamat sa Panginoong Diyos dahil ginawa Niya akong Pilipino."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN