PEP EXCLUSIVE: Rica Peralejo talks about her upcoming wedding to pastor Joseph Bonifacio

"It gets happier and happier pa from this point on. Of course, hindi ko naman sinasabing hindi ako magkakaroon ng problema. But at least, sigurado ako na yung partner ko, will fight it through with me. Sigurado na ako sa kanya. Hindi man ako maging sigurado sa lahat, sigurado na ako sa kanya. So, wala akong problema," says Rica Peralejo, who will wed boyfriend Joseph Bonifacio a few months from now.


Sa mga nakaraang interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa actress-TV host na si Rica Peralejo, sinabi niya noon na kapag magkakaroon siya ng bagong relationship—after her almost four-year relationship with actor Bernard Palanca—ay hihintayan niya ang "chosen man" ng Diyos para sa kanya.

At ngayon ngang nakahanap na siya ng panibagong pag-ibig sa katauhan ni Joseph Bonifacio, pastor ng Victory Christian Fellowship, ang kasunod nito ay ang pagpapakasal nila either December of this year or January next year.

THE PASTOR. Sa exclusive interview ng PEP kay Rica noong Biyernes, July 31, sa ABS-CBN compound ay ikinuwento niya kung paano sila nagkakilala ni Joseph.

Kuwento niya, "Actually, three years na kaming magkakilala, pero ang pagkaka-develop naming dalawa, weird. Kasi, pareho lang naman kaming nasa Pilipinas, pero talagang sa Internet kami na-develop—Multiply, church...

"One time, merong service sa church. First time kong maka-attend ng service sa youth. Sabi ko, 'Ay, ang cool naman ng service nila!' Kasi akala ko dati, corny. E, sabi ko, okey pala ito, 'no? At that time, hindi pa 'ko masyadong Christian, tinuturuan pa akong magbasa ng Bible.

"Noong mag-altar call, parang hindi ko maintindihan kung bakit ko itinaas. Sabi ko, 'Itaas ko na nga 'to. Cool naman yata 'to!' Ibig kong sabihin, cool, hindi siya corny, hindi siya yung parang holy, holy...

"Then, after a while, doon ko lang nalaman na siya pala ang nag-altar call. So, ganun...nakikita ko siya [Joseph]. Everytime na makikita ko siya, ang funny niya, pero intelligent. Pero hindi tumatak sa isip ko na magkaka-inlaban kami. Hello, pastor? Tapos ako, artista! Siya rin, ganoon."

Napapansin din daw ni Rica na nagiging crush na niya si Joseph. Marami na rin daw ang nakakapansin na nagiging bukambibig na niya ang hindi pa naman boyfriend noon at hindi pa rin naman nanliligaw.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Minsan si Nikki Valdez, natulog sa amin," patuloy na kuwento ni Rica. "Sabi ko sa kanya, 'Uy, may crush ako dun sa church namin!' Ginaganun ko lang. Gusto mo stalk natin? So, tiningnan namin sa Multiply. So, Joseph Bonifacio? Uy, ganda ng pangalan. Ateneo de Manila school... Uy, pareho kami ng school... Birthday?' Pagkita namin ng birthday niya, pareho kaming nagsigawan ni Nikki, pareho kami ng birthday!

"So, parang naging running jokes na sa akin na crush ko siya. Pero feeling ko, at that time, may gusto na ako sa kanya. Pero hindi ko lang ma-imagine, paano ba kami magiging pair? So, parang pareho naming pinipigilan kasi nga, di ba, parang imposible na maging pair kami?"

Noong malaman na raw ng mapapangasawa niya na gusto nga siya talaga nito, tinanong ni Joseph ang counselors and elders nila sa Church.

"Nagulat talaga ako noong sinabi niya sa akin na gusto niya ako. Pagtawag ko sa mga counselors namin, pastors, lahat sila, alam na. At noong sinabi niyang gusto na niya ako, hindi ako makapaniwala. Kasi ako, gustong-gusto ko na siya that time.

"Sabi ko sa best friend ko, 'Alam mo, magkikita kami today, pero hirap na hirap na ako. Hindi na ko nakaka-function. Parang palagi ko na lang siyang iniisip, wala naman siyang sinasabi.' Kaya sabi ko, hindi ko na siguro siya kikitain after this, kasi hindi na maganda. So, yun ang decision ko.

"E, that day, sinabi niya sa akin na gusto niya ako. Kaya sabi ko, 'Alam mo, isang araw lang na delayed ka, hindi mo na ako makakausap.' Ganoon kasi ako, kapag ayaw ko, ayaw ko na. Kahit gusto ko pa yun, titiisin ko. Ganoon ako, e. Kaya hindi rin ako nagkaroon ng doubt kung gusto ko ba 'to or what, otherwise, God wouldn't allow it to happen," lahad ni Rica.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

THE PROPOSAL. On their 10th monthsary, nag-propose si Joseph kay Rica sa Sonya's Garden sa Tagaytay.

Ayon kay Rica, siguro raw dahil na-outgrown na niya ang monthsary celebrations, ipinagdiwang na lang daw nilang dalawa yun dala na rin ng "kakornihan" ng sinasabing monthsary.

"Minsan magdadala 'yan, isang paso na may nakatanim na orchid at sasabihin niya, 'Happy ninthmonsary!'" natatawang sabi niya. "Gusto niyang gawing mushy talaga, parang nakakatawa.

"So, noong tenth month namin, pumunta kami ng Sonya's Garden. Ang usapan, si Donita Rose, asawa ni Donita [Eric Vilarama], si Pinky Webb... Kasi, gusto naming dalawa na mag-monthsary sa Sonya's Garden kasi hindi naman wise na mag-monthsary na kaming dalawa lang. E, mali-late daw yung iba, so nauna na kami.

"Pagdating namin dun, marami na akong hindi maintindihan. Kesyo huwag muna raw ibaba ang gamit. Tapos dun daw kami...hindi ko na matandaan ang place. Sabi ko, 'Ha? Ano ba yung lugar na yun? Ang tagal-tagal ko na sa Sonya's, hindi ko alam yun. Tapos, yun na.

"Naglagay pa siya ng blindfold sa akin. Kaya sabi ko, grabe naman 'to, ang effort naman for 10th monthsary!' Alam mo yun? Wala lang. Ako, hindi man lang sumagi sa isip ko na baka magpo-propose. Then, nang tinanggal na yung blindfold ko, grabe, ang ganda, ang ganda-ganda talaga ng set-up, may spotlight pa! Ako, habang lumalakad, nagkukuha pa ako ng picture, ganoon ako ka-clueless!

"Kaya sa isip ko pa, 'Grabe naman effort nito! Parang paano niya ito mata-top kapag nag-propose na siya?' Tapos yun, lumuhod na! Dun na, dun na ako parang, 'Ano 'to?' And then he said, 'Regina Carla Bautista Peralejo, will you marry me?' But you know, I didn't cry... Parang sabi ko nga, after two days, parang doon lang nag-sink in sa akin ang lahat na, hello, ikakasal na ako!" natatawa niyang kuwento.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

All the while daw, ang mga kaibigan nilang kinausap ni Joseph to prepare the venue ay nasa likod lang at pinapanood sila. Naka-document din ang proposal through a hidden camera.

Kuwento ni Rica, prior sa proposal sa kanya, pumunta muna raw sa U.S. si Joseph. Kinausap at humingi ito ng permiso na mapakasalan siya sa ama ni Rica, naka-base na dun sa U.S. Ganun din daw ang ginawa ni Joseph sa mommy ni Rica na si Mrs. Alice Peralejo, na pinuntahan at kinausap din ng mapapangasawa ng actress-TV host.

Nararamdaman ni Rica na hindi madali para sa kanyang ina na i-let go siya. Pero natutuwa siya na paunti-unti ay sumasama-sama na ito sa ilang activities kaugnay ng kanyang pagpapakasal.

Sinabi rin ni Rica na sa kanilang pamilya, siya lang daw ang member ng Victory Fellowship at nananatiling Katoliko ang lahat.

THE LAST MAN IN HER LIFE. Nang tanggapin daw ni Rica ang ino-offer na relationship noon ng boyfriend, naka-set na ang mind niya na ito na ang mapapangasawa niya. Kaya kahit hindi pa raw naka-set ang mind niya sa kasal, handa na rin daw siya.

Ani Rica, "Ang hindi alam ng iba sa aming dalawa, when we became a couple, we started dating, una sa lahat, resolved na kami wala pa man ang isa't isa, na kung magdi-date kami, dapat at least may intention kayo na doon na papunta. Like ako naman, siguro sa buhay ko, hindi na ako yung naghahanap ng pa-cutie-cutie, kilig. At aside from that, naniniwala ako that I'm designed that way as a person. Kung ito, ito. Kung hindi, hindi. Hindi naman ako mamamatay nang wala akong partner."

Inakala rin daw ni Rica she will live a single life. May kinalaman ba rito ang past relationships niya?

"Hindi...wala at all," sabi ni Rica. "Actually, if anything, binago talaga ng Diyos ang puso't utak ko. Dati kasi, ayoko talagang magkaroon ng family. Ayokong magkaroon ng asawa. Siguro those were the times na sobra ako sa trabaho ko. Hindi ko kasi nakikita ang beauty of the relationship. So, feeling ko, why do you need it? Very cynical at saka pangit ang spirit.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Then, after a while, naging single ako. At kung kailan pa naman ako naging single, saka ko lang nakita yung ang ganda pala ng may pamilya. Ang ganda pala ng may asawa. Yung ganoon. Nabubuksan ang mata ko sa magagandang bagay. If I will have a family, husband, gusto ko, solid siya sa Diyos... But then, the truth, pareho kaming hindi namin na-imagine na magiging kami pala."

A PASTOR'S WIFE. Hindi ba siya nakaramdam ng pag-alinlangan na maging asawa ng isang pastor?

"Wala," sagot ni Rica. "Iisa lang ang ano ko diyan, kahit kanino ka pa maging asawa, mahirap. Hindi kailangang pastor lang. If you're marrying a man, mahirap talaga. Kahit businessman 'yan, kahit nagda-drive lang siya ng taxi, e, ganoon talaga."

Nararamdaman ba niyang may magbabago sa buhay niya?

"Of course! Malaking-malaki!" mabilis niyang sagot.

Ano ang mga pagbabagong ina-anticipate na niya?

"Well, unang-una, hindi ako artista-lifestyle. Kahit naman ngayon, hindi na artista-lifestyle. Yun nga ang magnificent sa nangyari. E, di ba, kapag artista ka, sunod lahat, quote unquote, luho mo. At saka, kung ano-anong free whatever. Lahat ng oras mo is devoted sa pagpapalago ng business. Gusto mong maging hot, gusto mong marating 'to. Madali, e. Gagawin mo lang hot ang sarili mo.

"So, ibig sabihin nun, trabaho ka lang to death! For one, hindi na ako ganun. Ang priority ko lang sa buhay ko: God, asawa ko, mga anak ko. Yun yun. If it means letting go of my job, I will have to.

"Kasi naniniwala ako sa puso ko na oo, puwede namang pagsabayin, pero mabuti ba? Wise ba? Yun lang naman yun, e. Puwede naman talaga, practical yun, e. Pero mabuti ba sa inyong mag-asawa? The moment na nakikita kong hindi na ito nakakabuti sa amin, I am really willing to let go of everything. Which means, letting go of the perks... Aba, nakaka-travel ako ng ilang beses sa isang taon! Mawawala yun lahat sa akin," sabi ni Rica.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

LIVING A SIMPLE LIFE. Tahasan ding sinabi ni Rica na sa loob daw ng nakaraang dalawang taon, hindi siya bumili ng bagong sapatos. Lahat daw ng isinusuot niya are from her sponsors. Ang huling shopping daw niya ay dahil kailangan lang niyang mag-upgrade ng wardrobe at dahil nag-iba ang sizes niya. Pero kung kakayanin, Bench lang daw ang brand ng mga ito dahil endorser siya ng naturang clothing company.

"Unang-una, nag-aaral ako," sabi ni Rica. "Kung dati-rati, nililimas ko ang outlet, ngayon, wala na talaga. Pero 'yan, dati pa, bago pa maging kami ng fiancé ko. So, when I met him, I know that if God can do that to me before, wala na akong problema rito. Mababang-mababa na ang standard of living ko. Parang quality of life is high."

After the wedding, puwede pa rin naman daw siyang magpatuloy sa kanyang showbiz career, pero aminado siyang mas marami nang limitasyon.

"Siyempre, malinaw na sa amin yun: no kissing, no sexy scene. At pareho naman kami, kahit hindi niya ako pagbawalan, ayoko na. Ayoko, e...ayoko na ng ganun. Ano na lang ako, hosting, singing. Kung in the future magkaroon ng acting project, okey yun. Pero nothing sensual, nothing that will offend my husband," sabi ni Rica,

BEACH WEDDING. Sa ngayon ay busy sina Rica at Joseph sa paghahanda ng kanilang nalalapit na kasal. Although, hindi pa raw sila sigurado kung December this year or early next year ito gaganapin. Kung may sigurado man, beach wedding daw ang magaganap.

"Meron kaming set of dates na ito, puwede. Kung saan mag fall yung lahat. So, tinitingnan namin lahat ng best na makukuha namin," banggit ni Rica.

May mga napili na silang ninong at ninang?

"For sure, ang nasa entourage ko si Pinky Webb at Kim Atienza [Rica's co-hosts in Umagang Kay Ganda]. Anak ni Donita as my ring bearer. Si Donita is my host kaya hindi ko na siya nilagay sa entourage. Kakanta si Nikki Valdez sa ceremony.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa mga sponsors, si Pin Antonio, Sharon Cuneta... Actually kasi, wala kaming masyadong showbiz. That's not our crowd naman kasing talaga. At saka, wala naman akong masyadong friends sa showbiz na super hangout-hangout akong talga. So, yun."

NO KISSING. Sa loob ng isang taon daw nilang magkasintahan ni Joseph, tahasang sinabi ni Rica na hindi pa sila nagki-kiss sa lips. At lalong hindi pa raw nila ginagawa ang tila karaniwan na ngayong ginagawa ng ibang magkasintahan.

"Yes, we don't kiss," sabi ni Kris. "Siyempre, kung hindi ka naman nagki-kiss, mas lalong hindi ka puwedeng gumawa ng anumang iba. Pero siyempre, kini-kiss niya ulo ko, cheeks ko, hands ko. Kasi, kapag in-open mo ang mouth, that's really tempting. So, kapag binuksan mo 'yan, tuloy-tuloy."

Aminado si Rica na mahirap daw talaga ito para sa isang magkasintahan.

"Ako, honestly, inaamin naman namin, mahirap. Noong una, ang hirap nito, ang weird! Kasi ako naman, iba ang past ko. Siya kasi, first ever kiss niya ako, first ever girlfriend niya ako. So, paano ba 'to? Pero after a while, maa-appreciate mo siya. Kasi, ang nabi-build sa inyo relationship, hindi physical. Ngayon, hindi ko na naiisip na hindi kami nagki-kiss. Dati, nasa isip ko, bakit naman hindi nag-kiss?" natatawang sabi ni Rica.

REGRETS. Tinanong din ng PEP si Rica kung hindi ba siya na-frustrate sa naging takbo ng career niya kaya ganito na rin ang pananaw niya ngayon?

"Hindi, nagawa ko naman lahat ng gusto ko, e," sagot niya. "Kung meron ako, hindi frustration. Parang regrets lang na yung, 'Ay sana ginawa ko 'to. Sana sinunod ko na lang ang gusto ko talaga which is to sing, to go for Broadway, theater, instead of entertainment industry.'"

Nagsisi ba siya sa ginawang pagpapa-seksi dati?

"Hindi naman ako nagre-regret na parang... Kasi dahil dun, kumbaga, kaya bumuti ang buhay ko rin after. Dahil dun, maraming masamang nangyari sa akin. Kung hindi ko dinaanan yung masasamang yun, baka akala ko, okey pa rin ako. Kumbaga, nagamit ang pagkakataong yun para ma-reflect ko kung ano ang dapat magbago sa akin. So, I really don't regret.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Although, it's painful to Google your name and see that. Kasi parang hindi na nga ako yun. Parang yung mga tao, iniisip, sexy star ako, e, hindi na nga. Oh, well, ganun talaga, yun ang mga consequences."

Wala rin daw kay Rica yung inggit sa iba pa niyang mga ka-contemporaries na active at patuloy pa rin gumagawa ng pangalan ngayon sa showbiz.

"Ay, wala," sambit niya. "Siguro mga 2007 ko pa nalaman kung bakit at never akong naging masaya about my career. Na parang kapag tinitingnan ko ang iba, ang saya naman nila. Kasi nga, na-resolve ko noong 2007 na hindi kasi ako made for this. Hindi ito ang gusto ko. Nadala lang ako na parang ang saya-saya, pero ang wish ng heart ko, iba. Gusto ko, simple lang. I'm not a people person. Hindi ko personality pala."

What about her past relationships, wala rin ba siyang regret?

"Hmmm... Isa lang ang regret ko, yung hindi ako naghintay," sabi niya. "At saka hindi ko ginamit ang utak ko sa mga yun. Parang walang direction. Yun lang lagi ang buhay ko dati. Yun lang ang pinaka-pagsisisi ko. Pero all the rest, magkakamali at magkakamali naman talaga tayo. At saka yung mga yun, hindi ko rin naman sila masisisi kasi ako rin naman ang hindi nag-isip, di ba?"

Would Rica say she's at her happiest right now?

"Oo!" bulalas niya. "Oo naman, and it gets happier and happier pa from this point on. Of course, hindi ko naman sinasabing hindi ako magkakaroon ng problema. But at least, sigurado ako na yung partner ko, will fight it through with me. Sigurado na ako sa kanya. Hindi man ako maging sigurado sa lahat, sigurado na ako sa kanya. So, wala akong problema."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN