Jennylyn Mercado wants her next boyfriend to be "the one"

"Siguro po kapag stable na lahat, gusto ko, ang susunod kong mamahalin, yung siya na talaga. Kami po ni Mark [Herras], tanggap na naming friends, very good friends na lang kami talaga. Pero ewan ko rin po, bahala na. Hindi natin alam kung ano ba talaga ang magiging future natin," says Jennylyn Mercado.


Dinalaw ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang taping ng "Karibal," ang bagong episode ng Dear Friend na mapapanood sa GMA-7 sa loob ng apat na linggo, sa Estrella Hospital sa Tagaytay City last Saturday, August 1. Nasa cast ng naturang episode sina Jennylyn Mercado, Jean Garcia, Hero Angeles, at Wendell Ramos, mula sa direksiyon ni Andoy Ranay.

Tuluy-tuloy ang ulan, pero hindi problema dahil indoor ang eksena. Nagkakaproblema lang daw sila kapag outdoor ang scene, tapos biglang bubuhos ang ulan.

HOT MAMA. "Hot mama" ang biro ng PEP kay Jennylyn, na siyang unang nakausap namin bago nag-lunch break. Maganda kasi talaga ngayon si Jennylyn, na nagdagdag ng konting timbang kaysa dati na mukha siyang maysakit.

"Hindi nga po ako nagda-diet, maingat na lang ako sa pagkain," nakangiting sabi ni Jennylyn. "Napansin ko po kasi noong nagda-diet ako, lagi akong maysakit. Kulang daw po sa sustansiya ang katawan ko."

"KARIBAL." After ng SRO Cinemaserye Presents Suspetsa, ang "Karibal" ang sumunod na project ni Jennylyn sa GMA-7. Pangalawang beses na niya ito sa Dear Friend. Ang una ay ang "Puntod" episode nila ni Mark Herras, na naipalabas pagkatapos niyang isilang ang anak niya kay Patrick Garcia na si Alex Jazz (AJ).

Wala pa ba siyang kasunod na soap?

"May naririnig po akong may gagawin daw kami ulit ni Mark, pero wala pa pong sinasabi ang manager ko [Becky Aguila]," sagot ni Jennylyn. "Pero regular na po ulit ako sa SOP. Kung minsan po, nagge-guest din ako sa Bubble Gang kaya nakakasama ko rin si Wendell."

Dagdag niya, "Nagpapasalamat ako sa pagtitiwala sa akin ng GMA Network, na hindi nila ako pinabayaan pagkatapos ng nangyari sa akin."

Ano ang role niya sa "Karibal"?

"I'm Cheska, boyfriend ko si Daryl [Wendell]. Pero mas magugustuhan niya ang mommy ko, si Claire [Jean]. Parang reunion po namin ito nina Ate Jean at Wendell. Una kaming nagkasama sa La Vendetta. Maganda po ang story namin, light drama comedy. Best friend ko po si Hero, at best friend naman ni Ate Jean si Philip Lazaro," banggit ni Jennylyn.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi pa raw nagsisimula si Jennylyn na mag-shooting para sa indie film niyang Gabriela. Pero patuloy siyang nagti-training ng horseback riding.

AJ TURNS ONE. Sa August 15 ay first birthday na ni AJ, handa na ba ang party nito?

"May konti na pong preparation. Pero pagkatapos po ng taping namin, aasikasuhin ko na ito. May mga friends naman akong tumutulong para sa first birthday party ni AJ," sabi niya.

Mahirap bang palakihin si AJ?

"Wala po," sagot ng single mom. "Wala akong nararamdamang hirap sa pagpapalaki sa kanya, ini-enjoy ko ang ginagawa ko sa kanya. Lumalaki po siyang masaya, happy baby.

"Mabait si AJ. Madali po siyang patulugin. Hindi mo na siya kailangang kargahin o ipaghele para makatulog. Mabigat po kasi siya, 15 lbs. na ang weight niya ngayon. Ibaba mo lang siya sa kama niya, kapag may naririnig na siyang music, tulog agad siya. Kaya kapag nag-a-out-of-town kami o may pupuntahan kaming medyo malayo, kailangang dala namin ang iPod at speakers para kapag inaantok na siya, patutugtugin na namin. Hindi siya natutulog agad kapag walang naririnig na lullaby."

Nagsasalita na ba si AJ?

"Hindi pa po malinaw," ani Jen. "Kung anu-ano lang sound ang naririnig mo sa kanya. Minsan, sumisigaw siya. Late daw po talagang nagsasalita ang baby boy. Pero humahabol na po siya sa akin. Kaya kahit hindi siya dapat kasama, isinasama ko siya. Naaawa po ako kapag umiyak na siya.

"Nakakatuwa rin siya kapag isinasama kong mag-shopping. Madalas nagtuturo siya ng mga maliliit na cars. Ibinili ko siya ng maliit na car na may remote control. Isinasakay ko siya doon at ginagamit ko ang remote control. Tuwang-tuwa naman siya," kuwento ni Jen.

Paano niya inihahanda ang future ni AJ?

"Ipinag-open ko po siya ng time deposit. Yung mga bigay sa kanya ng ninong at ninang niya noong binyag, inilagay ko na po dun, 'tsaka yung perang natatanggap niya from our relatives and friends. May nakalaan din po ako mula sa talent fee ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Natawa si Jen sa biro sa kanya na imbitahan muli ang mga ninong at ninang ni AJ at sabihin niyang cash na lang ang birthday gift nila sa anak.

"CONTENTED." Kumusta naman siya ngayon?

"Contented," nakangiting sagot ni Jen. "Okey naman po ang career ko. Masaya ako sa anak ko. Parang siya ang bundy clock ko sa umaga. As early as 6 p.m. kasi tulog na siya. Gumigising lang 'yan kapag gustong dumede. Straight siyang natutulog hanggang 4 or 5 a.m.

"Breakfast siya, then matutulog ulit siya hanggang 10 or 11 a.m. Kaya kung nasa bahay lang ako, sinasabayan ko rin siya ng pagtulog ulit kasi maaga nga akong gumising kapag gising na siya."

Kumusta naman ang lovelife niya? As of now kasi, wala pa ring inili-link sa kanya kundi ang best friend niyang si Andrei Felix.

"I-date naman ninyo ako sa iba!" biro ni Jen. "Sa house lang ako palagi, hindi naman ako talaga mahilig gumimik."

Kailan niya muli bubuksan ang puso niya? Nakikita ba niya na sila pa rin ng ex-boyfriend niyang si Mark Herras ang magkakatuluyan?

"Siguro po kapag stable na lahat, gusto ko, ang susunod kong mamahalin, yung siya na talaga. Kami po ni Mark, tanggap na naming friends, very good friends na lang kami talaga. Pero ewan ko rin po, bahala na. Hindi natin alam kung ano ba talaga ang magiging future natin," pagtatapos ni Jennylyn.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN