Carlo J. Caparas on his National Artist award: "Hindi ko hiningi ang award na 'yan."

"Sa akin naman, hindi ako papayag na yurakan nila ang pagkatao ko dahil lang diyan. Tandaan nila na hindi ko naman hiningi ang award na 'yan. Pero dahil ipinagkakaloob sa akin 'yan mula sa samahang nirerespeto ko, tatanggapin ko 'yan, at wala silang maririnig na salita sa akin. Hindi ko na lang papansinin ang mga tuligsa, pero hindi ko papayagan na api-apihin nila ako dahil lang d'yan," says Carlo J. Caparas.


Para kay Carlo J. Caparas, nahahaluan na ang mga isyu ng pulitika. Ito ay may kinalaman sa pagkukuwestiyon sa pagkakahirang sa kanya ng National Commission for the Culture and Arts (NCCA) bilang National Artist para sa film at visual arts.

Aniya, idinadamay na raw si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng mga kalaban nito sa pulitika at iba pang may political interests na nakikisawsaw diumano sa kontrobersiya. Sinasabi kasi ng mga hindi sang-ayon sa pagkakaluklok kay Direk Carlo J. na malapit kasi ito sa Pangulo kaya idinagdag siya sa listahan ng National Artists ngayong taon. (Click here to read related story.)

"Maka-elitista kasi ang mga nagpuprotestang 'yan," sabi ni Direk Carlo J. sa exclusive phone interview sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal). "Dapat nilang maintindihan yung larangan kung saan ako pinarangalan bilang National Artist—sa film and visual arts. Kasi, hindi lang naman ito dahil mas nakilala ako sa komiks, kung hindi yung art ko, nag-transcend sa iba pa, gaya ng pelikula at telebisyon.

"Kung minemenos nila ang komiks na pinagmulan ko, naka-commit na sila ng malaking kasalanan. Ito ang klase ng sining na popular sa masa. Hindi komo mas naiintindihan ng masa, hindi na sining, na para bang sila na lang ang nakakaintindi.

"Yung mga taong nasa utak nila na gusto nilang maitanghal na National Artist, kung tutuusin, hindi naman sila kilala ng masa, ng mas marami. Mas kilala lang sila ng mga sektor na kinabibilangan nila, at hindi ng mas marami. Sa palagay ko, yun ang dahilan kung bakit ginawaran ako ng karangalang 'yan."

NOT THE FIRST TIME. Ayon kay Direk Carlo J., ganito rin daw ang nangyari noong itinanghal na National Artist for music si Ernani Cuenco, isang mahusay na kompositor at musician, noong 1999. Dahil malapit at identified daw ito sa dating Pangulong Joseph Estrada noon, binatikan din at nahaluan ng kulay ang pagbibigay rito ng karangalan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Noong time kasi na yun, Presidente pa si Erap," pagbabalik-tanaw ni Direk Carlo J. "Nakilala rin si Ernani Cuenco sa trabaho niya sa ilang pelikula ni Erap, pero dahil lang ba doon, kukuwestiyunin na ang kahusayan niya?

"Sa akin naman, hindi ako papayag na yurakan nila ang pagkatao ko dahil lang diyan. Tandaan nila na hindi ko naman hiningi ang award na 'yan. Pero dahil ipinagkakaloob sa akin 'yan mula sa samahang nirerespeto ko, tatanggapin ko 'yan, at wala silang maririnig na salita sa akin. Hindi ko na lang papansinin ang mga tuligsa, pero hindi ko papayagan na api-apihin nila ako dahil lang d'yan," pagdidiin ng nobelista at komiks writer.

WHY NOT MARS RAVELO? Sabi naman ng iba, hindi naman daw sa pagmemenos sa komiks, pero kung mayroon daw higit na dapat parangalan ng National Artist award, yun ay si Mars Ravelo na mas popular daw at kinikilala ang mga akda gaya ng Captain Barbell at Darna.

"Again, hindi ko rin minemenos si Mars Ravelo," pauna ni Direk Carlo J. "Saludo ako sa kanya, at sa iba pang nagtatrabaho nang husto para mapaghusay ang kanilang mga akda na hanggang ngayon ay kinikilala rin naman. Nariyan din sina Tony Velasquez at Larry Alcala... Marami ring iba riyan.

"Pero gaya sa nasabi ko, nakita marahil nila ang kahalagahan ng mga trabaho ko dahil bukod sa nakarating yun sa pelikula at TV, ako mismo ay kinilala rin bilang direktor. Siguro nga, mas nauna sila, mas bata ako para sa kanila. Pero yung mga nagbigay ng awards, naniniwala siguro silang regardless of age, lalo na yung mga batang naka-achieve na rin naman, mas gusto nilang parangalan lalo na't kilala pa sila ng mas maraming tao at hindi yung nabaon na lang sila sa limot.

"Gusto rin nilang maging incentive ito sa pagsisikap ng mga kabataan na basta may maaabot silang tagumpay, puwedeng maparangalan yun maski sa panahong mas bata sila kung ikukumpara sa ibang mahuhusay rin naman, pero nauna lang sa kanila," depensa pa niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Isa pang argumento ng "defenders" ni Direk Carlo, na nakipag-ugnayan sa PEP, yung sining daw nito ay nakapagbibigay pa rin ng trabaho sa mas marami.

"Kung memenosin nila yun dahil sa nagiging negosyo at napapakinabangan ng mas marami, hindi naman yata dapat na ganoon. Maaaring mas mataas ang antas ng sining nila, pero nakapagbibigay ba yun ng hanapbuhay sa iba?" saad ng isang Carlo J defender.

PROTEST RALLY. Bukas, Agosto 7, ay nakatakdang magdaos ng protesta ang ilan sa malalaking pangalan sa lokal na sining at panitikan sa Cultural Center of the Philippines (CCP). Ito ay dahil sa anila'y "pagkamatay" ng National Artist award sa pagluklok kina Caparas at Cecile Guidote-Alvarez bilang National Artists, alinsunod sa presidential prerogative lamang. (Click here to read related story).

Bukas din gaganapin ang press conference na ipinatawag ni Direk Carlo at ng asawa niyang si Donna Villa upang sagutin ang mga batikos sa komiks novelist at direktor.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN