Kinatay's Brillante Mendoza gets kudos from veteran director Mario O'Hara: "I love the violence!"

Even though the review and classification board has approved without cuts the commercial release of the controversial film, its director Brillante Mendoza (in photo) still has a beef with censorship as a whole: "Nobody should tell you, or control you on what you want to do..."


Sa ikalawang pagkakataon, naging matagumpay ang ginanap na special screening ng Kinatay ni direktor Brillante Mendoza sa Tanghalang Leandro V. Locsin ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), noong Agosto 3, 2009, sa bisperas ng libing ni dating Pangulong Corazon C. Aquino.

Habang pabugsu-bugso ang ulan, at walang patid ang paghungos ng mga taong nakapila sa iba't ibang dakong malapit sa Manila Cathedral (umabot nga ang pila hanggang sa harapan ng NCCA building, sa Intramuros, Maynila) ay ginaganap nang gabing 'yon ang parangal na handog ng NCCA at Film Development Council of the Philippines (FDCP) para sa nagwaging Best Director ng 62nd Cannes International Film Festival na si Brillante Ma. Mendoza (o Dante Mendoza), para sa obra niyang Kinatay.

Tulad sa ginanap na Philippine premiere ng pelikula sa Cine Adarna ng University of the Philippines Film Institute, nasaksihan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang buong kaganapan sa NCCA. Maganda ang naging pagtanggap ng naturang mga ahensiyang pang-kultura ng pamahalaan kay Direk Brillante Mendoza at sa kanyang mga pelikula.

Sa venue ay mayroong display ng iba't ibang international filmfest trophies, plaques, at certificates (kabilang ang sa Cannes, para sa naging competition entries niyang Serbis at Kinatay, at best director citations), pati ang Cannes official posters para sa taong 2008 at 2009 (kung kailan naging main competition entries ang dalawang pelikula ni Brillante Mendoza).

May poster ang Kinatay na may titulong Ingles na: A Journey Into Darkness.

WELL-ATTENDED PREMIERE. At tulad din sa naunang premiere night, masigla ang mga dumalo sa NCCA, na totoong ikinararangal ang tagumpay ng nagwaging direktor para sa pelikulang Pilipino.

Dito'y kabilang ang National Artist na si Eddie Romero, FDCP-PFESO Executive Director Digna H. Santiago, mga direktor pampelikula tulad nina Mario O'Hara, Gil Portes, Tikoy Aguiluz (festival director ng taunang Cine Manila International Film Festival), Frank Rivera, Cesar Hernando, actor Tommy Abuel, talent manager Edgar Instrella, mga taga-produksiyon, media, at iba pang sangay ng local entertainment industry.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa cast ng Kinatay ay tanging si Maria Isabel Lopez ang dumalo at naging bahagi ng open forum, matapos ang screening.

Naging punong-tagapagpakilala ang NCCA Executive Director at Presidential Adviser on Culture and the Arts na si Ms. Cecille Guidote-Alvarez. Masaya siya para sa natamong tagumpay ng pelikulang Pilipinong nagpawagi sa direktor sa prestihiyosong Cannes filmfest.

Samantala, sa kabila ng mabunying palatuntunan, ay inuulan ngayon ng batikos ang pagkahirang ng MalacaƱang kay Guidote-Alvarez at tatlong iba pa, bilang National Artists. Adviser on culture ni President Arroyo si Guidote-Alvarez, pero di raw "political gift" ang pagkapili sa kanyang tumanggap ng prestisiyosong titulo. Sinabi ni Guidote-Alvarez sa ibang pahayagan, "Although I'm the NCCA executive director, I'm not part of the selection process."

Mabuti at nalagpasan ni Direk Brillante Mendoza ang sana'y magiging mahigpitang laban niya (at mga kapanalig), kung hindi napahintulutan ng Movie and Television Review and Classification Board, o MTRCB, ang pagpapalabas ng Kinatay sa UP Cine Adarna noong Hulyo 30, bilang Philippine premiere.

Sa NCCA screening ay ang kopyang mula pa sa ibang bansa ang ipinalabas, dahil ayon kay Brillante, wala siyang available copy na higit na malinaw.

Maaaring may kaibhan ang projector na gamit sa UP screening kumpara sa ginamit sa NCCA, dahil mas visually satisfying ang sa huli, wala nga lamang subtitle ang kopya nito.

EXPLOSIVE CONTENT. Bilang obra, kapuri-puri ang Kinatay sa matapang nitong paglalantad ng karahasang sangkot ang ilang kabilang sa ating law enforcement unit, laban sa isang babaeng walang awang pinaslang, pinagpira-piraso't itinapon ang mga labi sa iba't ibang dako ng Metro Manila at karatig-pook.

Base sa tunay na pangyayari ang kuwento, mula sa panulat ni Armando "Bing" Lao. Bukod kay Maribel Lopez, gumanap bilang kanyang torturers, rapists at killers sina John Regala, Lauren Novero, Benjie Filomeno at Julio Diaz. Sina Jhong Hilario at Coco Martin ang mga baguhang police recruits na nakasaksi at naging accomplice sa krimen, bilang bahagi ng kanilang "initiation."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa umpisa ng pelikula, ipinakita ang civil rites marriage nina Coco at Mercedes Cabral (si Lou Veloso ang judge na nagkasal; si Alan Paule ang ninong). Sa dakong gabi, isinama ni Jhong si Coco sa pagkolekta ng tong sa mga street vendors, hanggang sa madugong "operation" na tatagal sa buong magdamag at magpapabago sa pagkatao ng bagong recruit na pulis.

Isa sa mga unang nag-rave sa pelikula ang talent manager na si Ed Instrella, na nagsabing: "Kinatay is very impressive - for so many reasons: the sound, the [visual] effects; the director not afraid to confront darkness... parang buhay ang dilim! The hopeful morning, the eerie dawn, and dreadful morning in the end! Significant cinematography [by Odyssey Flores] talaga, it's almost like a horror film! Very real and gripping! One witnesses the blow by blow defeat of conscience by poverty, greed, and fear!... Uncompromising and unyielding!"

"I LOVE THE VIOLENCE!" Sa ginanap na open forum, matapos ang screening, isa naman si Mario O'Hara sa naging matapat sa paghangang iniukol sa napanood na pelikulang Kinatay.

"I love the violence! I'm a very violent director also," sabi niya kay Direk Brillante. "Your violence is quite different. You can almost feel the explosion inside your main actors.

"I think the actors played it very well," sabi pa ni O'Hara, "although I can see very small inconsistencies, but I think [they are] treated very well.

"I've never seen this kind of violence in a movie. And I think," sabi rin ni O'Hara kay Direk Brillante, "you [really] should win..."

May komento rin ang kapwa-premyadong direktor (na ang obrang Babae Sa Breakwater ay naitanghal din sa Cannes Director's Fortnight, noong 2004) hinggil sa karakter na ginampanan ni Coco Martin, bilang si Peping Macapagal ng School for Criminal Justice. Kay Direk Brillante isinatinig ni O'Hara ang kanyang pananaw.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"It's about initiation of an individual into violence. So I was wondering if all the while, the character was experiencing this kind of violence. And you know that he will become a different person.

"I was wondering, was that in the mirror scene?" tanong ni O'Hara, na ang tinutukoy ay ang huling eksenang naghihilamos si Coco, matapos masaksihan ang bayolenteng kaganapang tumimo sa kanyang utak at damdamin, at sabay-harap sa salamin, na tila ibang pagkatao na ang nakita, "... while washing himself in the mirror, and saw a different person."

Sagot ni Direk Brillante, "It is..."

At na-satisfy lalo si O'Hara sa nagkatugmang eksena at kanyang pagkaunawa. "Thank you very much!" malugod niyang pagpapasalamat kay Direk Brillante.

CENSORSHIP. Hindi rin mawawala ang pag-uusap tungkol sa papel ng sensura, o censorship, sa bawat preview o special screening ng Kinatay.

Sa tanong ng PEP sa nasabing forum, kung nagbago ba ang pananaw ni Direk Brillante Mendoza ukol sa censorship (o review/classification system, through the MTRCB) matapos mapahintulutang maitanghal, una sa UP Film Institute's Cine Adarna, ang Kinatay, at mabigyan ng classification na R-18, at approved without cuts ang pelikula (ayon sa gusto ng direktor), ang sagot ni Brillante ay:

"Hindi pa rin. Kasi, unang-una, I don't like censorship!" wika niya. "I mean, nobody should tell you, or control you on what you want to do..."

Last year, ang kanyang Serbis, na main competition entry sa Cannes Filmfest 2008, ay nagdanas ng matinding pagka-censor sa ating bansa (na hindi napahintulutang maipalabas sa publiko ang ilang footages ng maiinit na eksenang seksuwal).

This time, iba ang kaso ng Kinatay, na walang ipinaputol na eksena (not even "a fraction of a second," ayon kay Direk Brillante) ang review/classification body, at maaari nga itong ipalabas sa commercial theaters, ayon sa gusto ng producer at director.

Naiisip ba ni Direk Brillante Mendoza na tila mas maluwag ang MTRCB sa mga eksenang bayolente kaysa nauukol sa sex?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Yeah, probably," sagot niya. ''Tsaka siguro, pag nananalo... siguro, nakakatulong; dapat pala, palagi akong nananalo sa labas, para approved palagi, ano?" at natawa si Direk Brillante sa sariling pagbibiro.

CHANGE THE LAW. More seriously, sinabi niya, "It's [censorship] really part of the law. Parang wala tayong choice, di ba? So, kailangan, palitan ang law. 'Yun lang.

"I mean, you get to congress, palitan ang law... [kasi] katulad ngayon, mayroon nang issue about CCP and about UP. Apparently, pati yung mga pagpapalabas ng mga pelikula sa UP at sa CCP, we have to go through censorship. So, may isyung ganyan ngayon, na 'yan ang pinag-uusapan."

Kaya muntik nang hindi maipa-premiere sa bansa ang Kinatay, dahil at the last minute, maging sa UP ay hindi puwedeng maipalabas nang hindi dadaan ang pelikula sa approval ng MTRCB.

"So, naipit yung pelikula ko. Before, wala naman. But, yun na nga, because of the issue, because of the case between UP at sa tatlong pelikulang ipinalabas [noon] doon, yun ang nangyari."

Sa UP open forum, nabanggit ni Direk Brillante ang naging maganda niyang pakikipag-usap sa MTRCB Chairperson (Consoliza Laguardia) at MTRCB member, Mario Hernando, kaugnay ng pagkaka-approve, without cuts, ng Kinatay.

"Kahit papa'no, napayagan tayong maipalabas. If only for that, I'm really happy na maipapalabas siya..." sabi ni Direk Brillante, na sa ngayo'y priority pa rin ang showing ng Kinatay sa mga eskuwelahan (para sa mga manonood na mag-aaral), bago sa mga pam-publikong sinehan,

Hindi man niya inasahan, sadyang naging mainit ang pagtanggap ng maraming taga-industriya sa pinakahuli niyang matagumpay na pelikula.

UNFORTUNATE TIMING. Pero hindi sinasadyang ang dalawang events hinggil sa Kinatay ay mataon sa dalawang panahon ng pagluluksa, sa daigdig ng showbiz at sa daigdig ng pulitika sa bansa.

Tamang-tamang pagdating ng grupo ni Brillante Mendoza sa bansa nitong unang dalawang linggo ng Hunyo, matapos siyang manalo as Best Director sa Cannes '09, ay siya namang pagyao ng kilalang talent manager na si Douglas Quijano.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa panahon ng Philippine premiere at kasunod na pagpapa-special screening ng pelikula (simula Hulyo 30, na kaarawan ni Direk Brillante), siya namang pagyao ni dating Pangulong Corazon Aquino, noong Agosto 1, 2009.

"Ah, palaging lahat... parang pelikula ko, lahat ironic," hindi lubusang nangingiti si Direk Brillante. Pero wala siyang kinalaman, at lalong walang magagawa hinggil sa sitwasyon.

"It's an example of what's happening, Yung mga ganu'ng sitwasyong nangyayari," sabi niya.

Back in 2004, sa paggunita pa ni Direk Brillante, habang nagsu-shooting siya para sa una niyang pelikulang Masahista (The Masseur) ay yumao ang action king na si Fernando Poe, Jr. Kaya may dialogue sa pelikula na patungkol sa naging malaking burol noon para sa Da King.

Hindi nalalayo ang ganu'ng "grand event" sa pagpapalabas ng Kinatay, amidst the public's sorrow over the death of former President Cory.

"'Pag ipinapalabas ang pelikula ko, may namamatay na importanteng tao, at hindi basta-bastang tao... mga presidente pa..." nasabi ni Direk Brillante, as an afterthought, na puwedeng may ibang pakahulugan na hindi na niya binigyang-linaw pa.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN