Carlo J. Caparas hits back at detractors: "Karamihan po ng National Artists ay sectoral at elitista."

"Kung hindi ka makapag-aral nang mataas, hindi mo mababasa ang uri ng kanilang trabaho... Ako po, puwede kong katawanin, kaya kong i-represent ang ibinibigay sa akin na karangalan bilang pambansang alagad ng sining sapagkat sa pamamagitan po ng komiks ko naipapaabot sa sambayanan ang aking kakayahan at ang aking pagmamahal sa bayan," said the National Artist for Visual Arts and Film.


Yesterday morning, August 7, director Carlo J. Caparas expressed his feelings on the issues and protests of some people surrounding his recent achievement of receiving the title of National Artist for Visual Arts and Film.

Sa opisina ng National Commision on Culture and the Arts (NCCA) sa Intramuros ginanap ang press conference kunsaan present din ang hinirang na National Artist for Theater na si Ms. Cecile Guidote-Alvarez at ang current chairman ng NCCA na si Dr. Vilma Labrador na nagpaliwanag ng proseso ng pag-nominate at pagpili ng magiging posibleng National Artist.

Narito ang kabuuang speech ni Direk Carlo:

"Bago ako magsalita sa aking mga sasabihin, gusto ko munang pasalamatan ang aking mga kapatid sa media at gusto ko kayong pasalamatan sa inyong pagdalo. Dagdag na karangalan na makita ko ang aking mga kaibigan sa media na narito lahat. Kasama na ang mga photographer, mga reporter at mga kaibigan nila na kasama nila ngayon sa upuan.

"Isa lamang ang gusto kong unang itanong sa inyo na gusto kong sagutin ninyo... susundan ko ang linya na sinabi ni Gng. Vilma Labrador. Ako ba ay may karapatan na maging National Artist? Gusto kong marinig sa inyo ngayon kung ako ay may karapatan o wala. Meron ba?"

Isang malakas na "Meron!" ang naging tugon ng mga dumalo sa presscon na karamihan ay media at ang iba'y mga supporters ni Direk Carlo sa komiks. Kasunod nito ay isang malakas na palakpakan.

"Ang mga palakpak niyo ang magbibigay ng lakas ng loob na harapin ko ang mga pamumuna, pamimintas, pagbatikos ng mga nasa hanay ng Pambansang Alagad ng Sining. Kalungkutan para sa akin na sa hanay namin ay meron pa rin kapuna-puna at nagiging alipin ng pamumulitika.

"Unang-una po, ang karangalang ibinigay sa akin ay hindi ko hiningi. Ang katangian ko po na napansin ng mga pumili, ang kakayahan ko na napansin ng mga pumili sa Palasyo, ang mga nag-nominate sa akin, ay pinaghirapan ko po. Araw, gabi, kung puwedeng may ika-25 oras, gagawin ko pa para pagandahin ang aking kakayahan na yun at ang aking mga obra na iniaalay ko sa buong sambayanang Pilipinas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Inaaliw ko sila sa pamamagitan ng aking mga nobelang komiks. Inaaliw ko sila sa pamamagitan ng aking mga pelikula. Inaaliw ko sila sa pamamagitan ng aking mga teleserye sapagkat duty-bound ang isang nasa entertainment business. First and foremost, kailangang maaliw niya ang kanyang mambabasa, ang kanyang manonood.

"Sa isang araw po, ilang oras lang ang maiuukol ng mga kababayan natin sa paglilibang dahil po sa maghapong pagtatrabaho nila, iilang oras lang ang inilalaan nila para makapagbasa ng makakaaliw sa kanila, makakalibang sa isipan nila. Kung nanonood sila ng dalawang oras habang nakakulong sa sinehan at habang nagpapahinga sa gabi, kailangan malibang din sila sa panonood ng telebisyon.

"May paaralan po tayo para bigyan sila ng edukasyon. May simbahan po tayo para matutunan nila ang relihiyon. Huwag po nilang hanapin masyado ang edukasyon at relihiyon sa ginagawa naming pang-aaliw sa entertainment world.

"Ang karamihan po ng national artists ay sectoral at elitista. Ngayon, yung tumututol po sa amin, kabilang po sa tinatawag na sectoral artist. Na kung hindi ka pa makapag-aral ng mataas, hindi mo mababasa ang uri ng kanilang trabaho, hindi mo makikilala ang kanilang persona.

"Ang mga elitista naman kung hindi kabilang sa makikinis ang mukha, sa may napakataas na edukasyon, hindi po nila kikilalanin sa hanay sa iba pa ang bibigyang parangal bilang Pambansang Alagad ng Sining. D'yan po makikita natin ang pagkawatak-watak sa ating bansa. At ang pinagmumulan po n'yan ay ang pulitika. Ako po, puwede kong katawanin, kaya kong i-represent ang ibinibigay sa akin na karangalan bilang pambansang alagad ng sining sapagkat sa pamamagitan po ng komiks ko naipapaabot sa sambayanan ang aking kakayahan at ang aking pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng mga kasaysayan na isinusulat ko."

Sa puntong ito, minsan pang pumalakpak ang mga tao sa loob ng conference room ng NCCA.

MASSACRE FILMS. At sa pagpapatuloy ni Direk Carlo sa kanyang speech, "Sa pamamagitan po ng pelikula na tinatawag nilang massacre film, gusto kong linawin sa inyo na ang massacre na nangyari, during the commission of the crime, habang pinapatay ang mga biktima, yun po ang massacre na tinatawag. Kapag po binigyan na namin ng aming asawa—ng magandang si Donna Villa—ng version sa pelikula ang krimen na yun, ang massacre na yun, nagiging justice story. Nagiging kasaysayan ng pagbibigay ng hustisya sa mga biktima.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Palibhasa po, ang mga elitista, ang mga sectoral national artists, hindi nanonood ng pelikulang Filipino. Hindi po nila nakikita kung paano ko inilalatag ang kasaysayan ng isang massacre crime na binabansagan agad nilang "massacre film lang!" Yun po ay justice story. Binigyan po ako ng PNP [Philippine National Police] ng award dahil sa pagtulong ko sa paghanap ng hustisya sa mga biktima."

Ayon pa kay Direk Carlo, "Kaya kong ipagmalaki at bigyan ng halaga ang titulo ng Pambasang Alagad ng Sining kasi, maipagmamalaki ko sa buong bansa natin na sa pamamagitan ng komiks na hanggang ngayon, nire-revived namin at binubuhay, napakaraming tao na nabigyan ko ng trabaho. Napakaraming manunulat na nagkaroon ng pagkakataon sa isinulat kong mahigit walong daang nobela. Short stories, lahat po 'yan, napakarami pong kumita d'yan, napakarami pong natulungan n'yan at maging ang pelikulang nagawa ko, napakarami kong kasamahan sa industriya ang kumita. Napakarami po ang pamilyang nabuhay at hanggang ngayon, makikita n'yo sa telebisyon na napakarami pa rin artista, napakaraming alagad ng sining na nasa matamlay na kalagayan ngayon ang nagkakaroon ng pandugtong ng buhay. Nadudugtungan nila ang kanilang buhay sa pamamagitan ng kinikita nila sa mga obra na ginagawa ni Carlo J. Caparas."

Minsan pang pinalakpakan si Direk Carlo sa puntong ito.

"ALIPIN BA SILA NG PULITIKA?" "Ang nakakalungkot lang, pinabayaan sa hanay na ito na makapasok ang pamumulitika. Sa ibinigay na karangalan sa akin na sa katulad nila ibinigay ang karangalang ito, pumapalakpak ako dahil sa hanay namin, naragdagan ang may papuri at karangalan. Pinapalakpakan ko ang lahat. Bilang galing man siya sa itaas, kabilang man siya sa elitista, kabilang man siya sa sectoral na tinatawag, lahat sila, pinapalakpakan ko... noon!

"Pero ngayon, pag-aaralan ko ang bawat palakpak na iuukol ko sa kanila kasi yung palakpak ko, ginantihan nila ng pagputak. Palakpak ang ibinigay ko, pagputak ang ibinigay nila. Bakit, alipin ba sila ng pulitika?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya dapat, kung ako ang masusunod, talagang kailangan palitan ang sistema ng gobyerno. Kung anumang bagay ang puwedeng makapagpalit ng sistemang 'yan para maiwasan ang election. Kasi, tuwing may election, kulang-kulang isang daan yata ang gustong maging presidente. Kapag may nanalong isang presidente, lahat sila, pupulaan na yung nakaupo. Walang gagawin kundi pintasan na ang nakaupo. Kasi sa isip nila, may karapatan silang maging Pangulo ng Pilipinas.

"Lahat sila, gustong maupo sa Malacañang. Ganyan din ang nangyayari sa atin ngayon. Hindi nila alam na hindi puwedeng piliin lahat na maging National Artist. Yung mga hindi napili, iniisip agad nila na alangan du'n sa tao na iniupo, na binigyan ng karangalan dahil hinahangad din nila na maging National Artist sila.

"Bakit hindi sila maghintay tulad ng ginawa ni Carlo J. Caparas? Pumapalakpak sa bawat mapiling Pambansang Alagad ng Sining habang naghihintay siya na baka isang araw, bigyan din siya ng parangal at dumating nga ngayon."

"HINDI KO ISOSOLI." Sa mga nagtatanong kung isosoli ba niya ang naturang award, tahasan niyang sinabi na hindi niya ito isasauli.

"Hindi ko isosoli ang parangal na ibinigay sa akin dahil ito ay napakataas. Walang alagad ng sining na hindi hinangad na hindi makuha ang karangalang ito. Ito'y ibinigay ng mga pumili. Ito'y binigay ng Pangulo ng Pilipinas. Kinikilala ko ang liderato ng ating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo at kahit pa ibinigay niya sa akin sa pamamagitan ng mga pumili ang karangalang ito, mas pinahahalagahan ko ngayon sapagkat ang minamahal kong Pangulo ang naggawad ng ganitong kalaking karangalan.

"Maraming salamat po."

DONNA VILLA SPEAKS. Pagkatapos ng speech ni Direk Carlo, nagbitiw naman ng maikling mensahe ang kanyang maybahay, ang businesswoman-movie producer na si Ms. Donna Villa.

Aniya, "Basta ako, bilang movie producer, I produced more than 60 box-office films. Ako, itong mga nagrereklamong sector, elitista na ito, hindi ko kukunin. Bakit? Malulugi tayo at walang kikita at wala tayong matutunan na mga kasamahan sa industriya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sila na mga nagra-rally du'n, wala namang naitutulong kahit kanino. Itong mga ginagawa namin ni Carlo, magmula pa noon, I've been a producer for more than 20 years, itong mga ginagawa namin ni Carlo, ang natutulungan nito, pati pamilya, hindi lang milyon-milyon na tao."

Sa naturang press conference, namahagi ng press kit kunsaan nakasaad sa pamagat ang "Critics na Walang Karapatan." At dito rin nabasa ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang ilan na raw sa mga naging achievements ni Carlo bago pa man siya hiranging National Artist for Visual Arts and Film.

Nakasaad dito na siya lang ang bukod-tanging celebrity na may National Road sa Pasig under his name. Siya lang din ang taga-showbiz na may anim na stamps honoring his works like Panday, Pieta, Bakekang, Kamandag, Gagambino and Joaquin Bordado. Siya lang din ang may Presidential Medal of Merit. May mga international awards din daw. May PASATAF Honor pa na ibinigay naman ng mga teachers all over the Philippines at ng mga 400 na scholars na miyembro nito. Pero, yung mga nagrereklamo kahit isa raw sa kanila, wala nang mga yun.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN