Nagpakita sa protest rally kahapon, Agosto 7, ng mga National Artists sa Cultural Center of the Philippines ang mahusay na singer na si Celeste Legaspi.
Si Celeste ang kumatawan sa kanyang namayapang ama, ang National Artist for Visual Arts na si Cesar Legaspi na sumakabilang-buhay noong 1994.
Si Celeste ang nagpasikat sa mga kanta na "Saranggola ni Pepe," "Mamang Sorbetero," "Tuliro" at "Gaano Kita Kamahal."
Siya ang naatasan ng organizers ng "pagluluksa sa kamatayan ng National Artist Awards" para magbasa ng tula na may pamagat na "Kung Tuyo Na Ang Luha Mo, Aking Sining."
Ang nabanggit na tula ay inspired ng "Kung Tuyo Na Ang Luha Mo, Aking Bayan," ang tula na sinulat ng National Artist for Literature na si Amado V. Hernandez.
Si G. Hernandez ang may-akda ng mga libro na Luha ng Buwaya at Mga Ibong Mandaragit. Siya ang kabiyak ng zarzuela actress na si Atang dela Rama na hinirang naman na National Artist for Theater, Dance and Music.
Ito ang tulang binasa ni Celeste na lantarang bumabatikos sa pamahalaan ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo at sa mga bagong hirang na National Artists:
Lumuha ka, aking Sining; buong lungkot mong iluha
ang kawawang kapalaran ng alagad mong kawawa;
Ang ordeng iginagawad dapat sa mga dakila,
ay order na lamang ngayon mula sa pangulong daya.
Sa tatlumpo't pitong taon, tila bahay itong sira
Na noong nagdaang buwan ay tuluyan nang nagiba.
Lumuha ka, habang sila sa palasyo'y nagdiriwang
Sa libingan ng matuwid, baluktot ay may libangan
Katulad mo'y Inang Bayan na nagmukhang si Bakekang
Katulad mo'y si Juana Change, binaliw ng kahirapan.
Kung ang bumuhay kay Panday at ang pumatay kay Panday
ay kasabwat nina Pandak, baka mabuhay ang patay!
Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
Na sa kultura'y pahirap, sa buwitre'y pampalusog;
Ang lahat mong kalinisa'y kamal-kamal na nauubos,
Ang lahat mong katapata'y sabay-sabay na natapos;
Masdan mo ang iyong dila, dayong wika'y nakatanod
Masdan Mo ang iyong diwa, pagkabansa'y nasa laot!
Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon
Kung ang araw sa langit mo'y The True, The Good, The Beautiful;
Kung ang alon sa dagat mo ay mayroong I am Ninoy
Kung ang bulkan sa dibdib mo'y umusok ng New Millennium;
Kung wala nang maglalamay pati ang Erap for the Poor,
Lumuha sa I am sorry pagkat tuta kang inulol!
May araw ding ang luha mo'y masasaid, matutuyo,
May araw ding ang mata mo'y tuluyan nang manlalabong
tulad ng katotohanang umiiyak na ng dugo,
samantalang ang sikmura'y aserong kumukulo.
Sisigaw kaming artista—sa liyab ng libong sulo;
ang bungang hinog sa pilit ay tansong tubog sa ginto!