Jay Perillo widens musical skill to be the "Next Big Star"

"Ang lesson ko is kailangan bawat hakbang ko, kailangang maging handa. Hindi lang po kailangang mag-practice ako, kailangang may baon ako na ilalabas pa," says "Next Big Star" aspirant Jay Perillo.


Second chance na maituturing para sa 21-year-old na si Jay Perillo ang pagsali niya sa singing contest na Are You The Next Big Star? ng GMA-7.

Matatandaan na sumali si Jay sa Star In A Million Season 3, noong 2005, kung saan si Kris Lawrence ang hinirang bilang grand champion. Si Jay ay nakasama sa Top 6 contestants.

Matapos nito, nakasama si Jay sa cast ng primetime drama series ng ABS-CBN, ang Bituing Walang Ningning (2006), na pinagbidahan nina Sarah Geronimo at Angelika dela Cruz. Subalit matapos nito, naging matamlay na ang naging karera ng contract artist ng Viva Artist Agency.

Dahil dito, inamin ni Jay na nakaramdam siya ng depresyon. Ngunit agad naman niyang nilinaw na hindi niya hinayaang maging negatibo ang epekto nito sa kanya.

Aniya, "Siyempre, noong tumamlay, na-depress po ako. So ang ginawa ko po, 'yong depression ko po kasi, naging positive for me. Noong [time ng] depression ko, nagkukulong lang po ako sa kuwarto ko, na minsan tumutugtog lang ako, kumakanta lang ako. Doon po na-improve 'yong musicality ko talaga."

Kaya naman nang muli niyang sinubukan ang kanyang kapalaran sa Are You The Next Big Star?, laging bigay-todo si Jay sa kanyang mga performances.

"Paano ko po makakamit ang gusto kong makamit kung titigil po ako?" sambit ng half-Chinese, half-Filipino contestant.

Sa susunod na dalawang linggo bago ang finale, mas pag-iigihan pa raw ni Jay ang kanyang performance, lalo na sa sinasabing "three-way showdown."

"Compared sa mga performances ko before, mas grabe na ang ibubuhos ko ngayon kasi mas grabe na 'yong showdown. Kailangan ko talagang ibigay hindi lang 100 percent ko, e. Kung kaya ko lang talaga ibigay one thousand percent, 'yon siguro ang maibibigay ko," saad ni Jay.

Hindi rin alintana ng binata ang kabang nararamdaman para sa nalalapit na pagtatapos ng Kapuso network's Are You The Next Big Star?.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"'Yong takot ko, instead of gamitin ko siya as takot, ginagamit ko siyang motivation," aniya. "Kasi, kung gagamitin ko siya as takot, baka ma-intimidate lang ako sa mga kalaban ko. Kung gagamitin ko po siyang motivation, baka maging positive po ang effect sa akin."

Bilang paghahanda, ayon kay Jay, patuloy lang niyang ginagawa ang mga ginawa niya sa nakaraang performance nights.

"The usual—vocalization, at saka, for example, nabigyan nila ako ng songs, talagang ina-analyze ko maigi 'yong song through lyrics, melody, and structure niya. Tapos, saka ko na po iniisip kung ano 'yong gagawin kong, bali doon sa songs, to make it mine, para sa akin 'yong version," paglalarawan niya.

GETTING SAME SUPPORT FROM OLD FANS. Natutuwa rin naman si Jay na kahit matagal na mula noong sumali siya sa Star In A Million, nariyan pa rin ang mga dating tagasuporta.

Pahayag ni Jay, "'Yong mga fans ko before sa Star In A Million, nagsu-support po ulit sila dito. 'Tapos, fortunate po ako na 'yong Shinatics po, fans ni Rachelle Ann [Go], ay nagsu-support din po."

Madalas noong nagkakasama si Rachelle at Jay sa mga mall show, ayon sa huli, kung kaya napalapit siya sa grupo ng tagahanga ng dalagang singer.

Naniniwala rin si Jay sa kakayahan ng mga viewer na kilalanin nang husto ang kanilang iboboto sa Are You The Next Big Star?

"Alam ko naman po 'yong mga viewers, alam nila kung ano ang ginagawa ko, efforts ko, and 'yong dedication ko, nakikita naman po nila. So, it's up to them kung feeling nila karapat-dapat ako to become the 'Next Big Star,'" pahayag ni Jay.

Sa darating na huling pagtutuos, ipakikita na lamang daw niya kung ano ang natutunan niya sa kabuuan ng kumpetisyon, kasama na rito ang pagpapalawak ng kanyang kakayahan sa pagkanta.

"'Yon po talaga ang mahirap na process, e," sambit ni Jay. "Parang binabali ko ang kawayan, di ba? Ito na ang nakasanayan ng tenga ko, then, mag-a-adjust ka from this to that, parang mahirap po 'yon. Pero lahat naman po ng bagay, as long as may puso ka na ginagawa 'yon, lahat naman possible po, e."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN