Rochelle Barrameda continues to seek justice for murdered sister Ruby Rose

"Mahirap tanggapin ang nangyari kay Ruby. Madaling sabihin na may closure dahil nakita na ang katawan niya. Kahit papaano makakabawas ng tinik sa dibdib namin kung nasa korte na ang kaso," says actress-beauty queen Rochelle Barrameda about her sister, Ruby Rose, who was brutally slain.


Napapaluha pa rin ang aktres at dating beauty queen na si Rochelle Barrameda sa tuwing napag-uusapan si Ruby Rose, ang kanyang kapatid na malagim na pinatay noong March 14, 2007.

Kahit natagpuan at nabigyan nila ng maayos na libing si Ruby Rose, nangako si Rochelle at ang kanyang pamilya na hindi sila titigil hanggang magkaroon ng katarungan ang walang-awang pagpaslang sa kanyang kapatid.

Twenty-eighth birthday ni Ruby Rose noong nakaraang Biyernes, August 14. Nagkaroon ng misa ang Barrameda family para sa kapayapaan ng kaluluwa ni Ruby at para mapabilis ang pagdinig ng kanyang murder case sa korte.

ROCHELLE'S STORY. Sa araw ng kapanganakan ni Ruby Rose, muling inilahad ng kanyang kapatid na si Rochelle at ng kanilang ama sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang mga pangyayari mula nang mawala siya noong March 14, 2007.

"March 14, 2007 ng hapon," simula ni Rochelle, "may isang kaibigan na tumatawag kay Ruby, hindi po siya makontak. Ako ang tinawagan ng kanyang kaibigan at nang mismong ako ang tumawag sa cell phone ni Ruby, hindi ko alam kung bakit grabe ang kaba ng dibidib ko.

"Sabi nila, paranoid daw ako pero 4 p.m., 6 p.m. hanggang 10 o' clock, walang nangyayari, kaya nag-report na ako sa barangay na malapit sa amin sa Moonwalk, Las Piñas.

"Kinabukasan, pumunta ako sa bangko, sa International Bank. Alam ko na pupunta si Ruby sa bangko kaya kinumpirma ko. Talagang pumunta siya doon at nagkaroon siya ng transaction ng 1:59 p.m. Nag-deposit siya at alam ko na mula sa bangko, pupunta siya sa mga anak niya para dumalaw.

"Mula sa bangko, pumunta ako sa PACER [Police Anti-Crime Emergency Response] sa Camp Crame. Doon ako nag-report na nawawala si Ruby, pero kailangan pala na 24 hours o 48 hours ang lumipas para sabihin na missing person siya. Nang mag-lapse ang 48 hours, wala naman kaming natanggap na tawag na humihingi ng ransom, kaya nagpunta na rin ako sa NBI [National Bureau of Investigation].

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Actually, four authorities ang humawak sa kaso—ang NBI, PACER, Southern Police District at CIDG [Criminal Investigation and Detection Group]. Sila ang mga nilapitan ko, pero wala talaga silang makuha na lead, hanggang lumabas nga si Mr. Manuel Montero [their main witness].

"Pero bago lumabas si Mr. Montero, yung mga first year na nawawala si Ruby, ingat na ingat po ako sa mga sinasabi ko dahil natatakot ako na baka may masamang mangyari kay Ruby kung sakali na hindi nila magustuhan ang mga sasabihin ko.

"Pero ngayon na nalaman ko na kung ano ang ginawa nila, naroroon pa rin yung takot, pero aanhin ko ang takot ko kung wala na si Ruby? Gusto ko lang malaman ng mga tao ang ginawa nila sa kapatid ko. Hindi yung sinisira nila si Ruby. Paano pa maipagtatangool ng kapatid ko ang sarili niya kung patay na siya?

"Wala naman kaming mga kaaway. Natakot ang kapatid ko nang magkaroon sila ng kaso ng asawa niya [Manuel Jimenez III]. Naging biruan namin noon ang drum. Sinasabi ni Ruby na, 'Hoy, kapag may nakita kayo na drum, tingnan n'yo 'yon dahil baka kami na ni Ate 'yon kung sakaling mawala kami.'"

Patuloy ni Rochelle, "Nag-away si Ruby at ang kanyang asawa. Sa tingin ko, napakaliit na bagay ang custody na pinag-aawayan nila para maging rason na patayin siya. Umalis si Ruby sa bahay nila dahil sinaktan siya. First time na sinaktan physically, pero emotionally, grabe ang pain na nararamdaman ng kapatid ko. Mga salita na masasakit.

"Nag-file si Ruby ng writ of habeas corpus dahil itinakas sa kanya ang mga bata. Hindi na ipinakita. Gustong makuha ni Ruby ang kanyang four-month-old baby. Ibinigay kasi ng judge ang custody sa tatay na alam naman nating lahat na dapat ang baby, nasa kanyang ina.

"Talagang ipinaglaban ni Ruby ang kanyang mga anak dahil noong baby pa sila, siya ang nag-aalaga. Siya lahat. Pinalabas nila na unfit mother si Ruby. Gano'n pa man, hindi pa nila napapatunayan sa korte, pero bakit nila ibinigay ang temporary custody sa tatay?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pinalalabas nila na may third party. Pero sabi ko nga, patay na si Ruby. Paano pa niya maipagtatanggol ang sarili? Kahit ano pa man ang kasalanan ng kapatid ko, hindi makatarungan ang ginawa nilang pagpatay. Hindi kriminal ang kapatid ko para ilagay sa drum, isemento, at itapon sa dagat!"

MEETING RUBY'S KILLER. Inilhad din ni Rochelle ang pagkikita nila ng isa sa pumatay sa kanyang kapatid—si Manuel Montero.

"Una kong nakausap si Mr. Manuel Montero noong May 14 of 2009," sabi ni Rochelle. "Nakausap ko siya sa telepono. Medyo kinakabahan ako dahil sinabi niya na makikipagkita siya sa akin.

"Hindi ko alam ang magiging reaksiyon ko dahil isa siya sa mga pumatay sa kapatid ko. Pero nang finally magkaharap kami, niyakap ko siya. Nagpasalamat ako sa kanya dahil kung hindi dahil sa kanya, hindi namin makikita si Ruby.

"Umiyak si Mr. Montero nang makilala niya sina Mommy at Daddy. Bakit siya pa raw ang naging instrumento sa pagpatay kay Ruby?

"Sa kuwento ni Mr. Montero, pinatay niya si Ruby noong March 14, 2007, between 10 and 11 p.m., at nagkaroon pa sila ng chance na makapag-usap. Two days na binalak ang pagdukot sa kanya. Nagplano sila noong March 12, 2007. Dinala nila si Ruby sa Malabon.

"Ipinagtapat ni Mr. Montero na marami na siyang pinatay, pero ang body lang ni Ruby ang na-retrieve. Hindi na raw mahahanap yung iba na pinatay niya dahil itinapon sa malalayo—like Mindoro, Palawan, at Corregidor. Nagkaroon tayo ng mga bagyo kaya nadala na ng mga alon.

"Na-retrieve ang body ni Ruby dahil naglagay ng marker si Mr. Montero. May ginawa siya na mapa kaya natunton ang kinaroroonan ni Ruby."

THE DISCOVERY. Noong July 10, 2009—o mahigit dalawang taon pagkatapos niyang paslangin—ay natagpuan na ang bangkay ni Ruby Rose.

"Wedding anniversary nina Mommy at Daddy nang matagpuan ang katawan ni Ruby," kuwento pa ni Rochelle. "Yung damit niya, kung ano ang suot niya sa huli naming pagkikita, yun pa rin ang suot niya. Nang matagpuan ang kanyang katawan, akala lang namin, nakatali siya. Hindi ko akalain na nakaposas siya. Nakaposas pa ang mga kamay niya. May plastic siya sa mukha na puro duct tapes at nakatali pa sa leeg niya ang ipinansakal sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sinasabi nila [ng mga suspect] na hindi katawan ni Ruby 'yon. Sabi ko nga, i-try kaya nila na ipasok nila ang sarili nila sa loob ng drum, isemento, ikulong doon ng dalawang years at three months. Tingnan natin kung hindi sila iiksi!

"Nagkaroon ng DNA test kay Ruby at saka kay Mommy, pero hindi nag-match dahil decomposed na ang tissues ni Ruby. Ginawa ng SOCO [Scene of the Crime Operatives] ang lahat. Na-confirm nila na si Ruby talaga 'yon dahil sa kanyang dental records."

LIFE-CHANGING EXPERIENCE. Patuloy ni Rochelle, "For two years, ang pagpunta sa mga psychic ang naging buhay nina Mommy at Daddy. Every weekend, kung kani-kanino sila pumupunta, kung saan-saan na probinsiya.

"Karamihan sa mga psychic, ang sinasabi, buhay si Ruby. Nasa isang island daw, palipat-lipat. Noong nakausap ko si Mr. Montero, sinabi niya na sa mga island siya nagtatago, palipat-lipat. Kaming mga magkakapatid, palagi kaming may mga panaginip. Laging nasa tubig si Ruby, sa dagat. Palaging ganoon. Talagang inihahanda niya kami kung nasaan siya."

A FATHER'S GRIEF. Nagsalita rin ang ama nina Ruby Rose at Rochelle na si Mr. Roberto Barrameda tungkol sa dalamhating dinaranas nila hanggang ngayon.

"Talagang depressed ako," aniya. "Sa dami-dami ng mga tao, bakit nangyari 'yon sa anak ko? Sobra pa sa kriminal ang ginawa nila sa kanya. Kung nakita n'yo lang ang 'itsura ni Ruby, masakit talaga.

"Tuwing pumupunta kami sa mga pyshic, sinasabi nila na buhay pa si Ruby. Pero nang lumitaw si Mr. Montero, patay na nga siya. Kung hindi lumitaw ang witness, hindi namin makikita si Ruby.

"Detalyado ang kuwento ni Montero dahil siya ang gumawa. Ang pagkakaalam ko, umamin siya dahil nagkaroon ng problema. Binantaan din siya na papatayin, at saka isa pa, nakonsensiya na yata siya dahil sa dami ng pinatay niya, si Ruby lang ang nag-iisang babae. Hindi niya makayanan. Hindi siya makatulog dahil kinokonsensiya nga siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"May paniniwala ako na sa aming pagdarasal, mabibigyan ng magandang hustisya ng Panginoon ang nangyari kay Ruby dahil sa pagkakataon na lalabanan namin ang kayamanan nila, hindi namin sila kaya. Sa dasal na lang namin idinadaan na manalo kami sa kaso. Marami ang nagsasabi na kapag natalo pa kami, talagang may mga nangyayari na hindi maganda dahil mapera sila. Ako naman, naniniwala na tutulungan kami dahil totoo naman ito. Nandiyan na lahat ng witness."

Matatandaang na nagsampa ng murder complaint ang pamilya Barrameda laban sa father-in-law ni Ruby Rose na si Manuel Jimenez II, sa kapatid nitong si Lope Jimenez, at maging sa asawa ni Ruby Rose na si Manuel Jimenez III. Sinabi ni Montero, ang key witness sa kaso, na alam ng mag-amang Jimenez ang planong pagpatay kay Ruby Rose.

ROCHELLE'S PREGNANCY. Sa kasalukuyan ay dalawang buwang buntis na si Rochelle sa kanilang anak ng mister niyang si Jimwell Stevens.

"I am two months pregnant. Ayaw talaga ni Ruby na makakalimutan siya, kasi of all dates, ang due date ko is March 14, ang araw na nawala siya. Siguro, sabi ni Ruby, kailangan ko rin na ingatan ang sarili ko. Hindi lang ang kaso niya ang intindihin ko dahil may sarili rin ako na pamilya.

"Mahirap tanggapin ang nangyari kay Ruby. Madaling sabihin na may closure dahil nakita na ang katawan niya. Kahit papaano makakabawas ng tinik sa dibdib namin kung nasa korte na ang kaso.

"Umaapela kami sa DOJ para mapabilis ang paglabas ng resolution ng kaso. Kung sinasabi ng mga suspect na wala silang kinalaman sa pagpatay kay Ruby, sa korte na lang nila ipagtanggol ang sarili," mariing sabi ni Rochelle.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN