Lito Camo defends friend Willie Revillame: "Pagbigyan na natin, patawarin na natin."

"Sana intindihin na lang natin, dahil yung isang pagkakamali lang naman, bakit ganun? Pag nagkamali tayo ng isa, parang buong buhay mo, nagkamali ka. Samantalang yung ginawa mong pagpapasaya sa mga tao sa araw-araw na pagod at hirap na ginawa niya hindi nila nakikita," says singer-songwriter Lito Camo in defense of his friend, Wowowee host Willie Revillame.


Matalik na kaibigan at composer ng mga kilalang kanta ni Willie Revillame ang singer-songwriter na si Lito Camo.

Kaya nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Lito kamakailan, hindi maiwasang matanong ito tungkol sa kontrobersyang kinasasangkutan ngayon ng kaibigan.

"Noong araw na nangyari yun, nandu'n ako," panimula ng songwriter. "Nasa dressing room niya ako. Normal na normal nung time na hindi pa nangyayari yun."

Ang tinutukoy ni Lito ay ang pagpapaalis ni Willie sa naka-inset na live coverage ng paglilipat ng labi ng dating presidente ng Pilipinas na si Corazon C. Aquino, mula La Salle Greenhills gym papuntang Manila Cathedral Intramuros, sa mismong oras ng show niya. Marami ang di nagkagusto sa inaktong ito ni Willie, na nagresulta sa mga batikos at petisyon na maalis na sa Wowowee ang comedian-turned-TV-host.

Patuloy ni Lito, "Masaya, marami siyang bisita, as usual tawanan kami, puro kakulitan, kainan. Kasi kapag pumupunta kami dun, pagkatapos niyang mag-show, dun na kami nagla-lunch, e.

"Bilang composer niya, naiintindihan ko rin naman yung naramdaman niya, dahil yung time na yun, talagang ang saya-saya. Kumakanta sila ng giling-giling, maraming sumasayaw, 'tapos bigla nga niyang nakita na may ganun, so, nag-react siya.

"Hindi naman na bago sa atin yun. Alam mo naman ang ugali ni Willie, napaka-perfectionist niyan. Ganyan talaga siya pagdating sa trabaho, 100 percent na trabaho.

"Kaya ako, bilang kaibigan niya, hindi ko siya sinisisi kung ano yung ginawa niya. Dahil gusto niya lang mapaganda yung show.

"Kaya sana dun sa mga tao na iniisip na mali siya, sana intindihin na lang natin, dahil yung isang pagkakamali lang naman, bakit ganun? Pag nagkamali tayo ng isa, parang buong buhay mo, nagkamali ka. Samantalang yung ginawa mong pagpapasaya sa mga tao sa araw-araw na pagod at hirap na ginawa niya hindi nila nakikita," sumbat ni Lito.

Katuwiran ni Lito, hindi naman daw dapat na idiin si Willie sa magandang intensyon nito na makapagpasaya lang ng mga tao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Dapat siguro... tao lang naman tayo na nagkakamali. So, dapat pagbigyan na natin, patawarin na natin, dahil ang hangad lang naman niya is magpasaya," paliwanag pa ni Lito.

Kuwento pa ni Lito, kahit naka-leave ay lagi raw iniisip ni Willie ang mga taong pinapasaya nito, lalo na ang mga manonood ng Wowowee na mga nangangailangan.

"Every time na mag-uusap kami, lagi niyang iniisip yung mga taong nangangailangan, mga taong napapasaya niya, na sana muli niyang mapasaya ang mga taong yun.

"Ako, bilang kaibigan niya, gusto kong bumalik siya dun sa programa niya, madami siyang natutulungan at naaliw na mga tao, hindi lang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo."

TURNING KAPUSO? May proyekto ngayon si Lito sa GMA-7, ang Show Me Da Manny. Bida rito ang kaibigan niya ring si Manny "Pacman" Pacquiao, katambal si Marian Rivera. Natanong tuloy si Lito kung lilipat naba siya nang tuluyan sa Kapuso Network.

"Sabi ko nga sa mga interviews ko, kami ni Willie para kaming Batman and Robin. Hindi ako makakapagsalita ng tapos, pero hindi lang naman pera-pera yan, e. Siyempre, may damdamin na involved diyan."

Pahiwatig ni Lito, kung saan pupunta ang kaibigan niyang si Willie ay doon din daw siya pupunta.

"E, siyempre, depende 'yan kung ano ba talaga ang magiging desisyon niya. E, kung pumasok siya sa pulitika, e, di why not na hindi ko tanggapin kung ano yung pupuwedeng i-offer sa akin? Kasi hindi ko naman siya puwedeng sundan sa pulitika, kasi hindi naman kami puwedeng magkantahan dun, di ba?

"So, talagang depende yan sa kung ano ang mangyayari at sa magiging desisyon niya," pagtatapos ni Lito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN