Simon Ibarra is a victim of "indie-bayad" producer-director

"Charge to experience na lang. Peace-loving naman ako. So, kung may mga gano'n, may mga nanglalamang, o ano, naniniwala ako sa karma. Umiikot ang mundo. Charge to experience, gano'n talaga ang buhay," says indie actor Simon Ibarra about not being paid for some of his work in indie films.


Mas madalas napapanood si Simon Ibarra sa mga pelikulang independently-produced, pero hindi niya tinatanggihan ang anumang alok na lumabas sa mainstream projects—sa pelikula man o sa telebisyon.

Gaya ng karamihan, apektado rin ang isang artistang tulad niya ng pandaigdigang economic crisis, lalo't lumalaki na rin ang kanyang pamilya.

"Ganito lang 'yan. Sa mainstream projects yung bread and butter. E, siyempre, lumalaki na yung tatlo kong 'bagets,' malakas nang kumain ng bread and butter!" at tumawa nang malakas si Simon sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).

Ang tinutukoy ng aktor na "bagets" ay ang tatlo niyang anak na babae sa asawang abogada. Bagama't katuwang ang asawa sa paghahanap-buhay, responsableng ama si Simon kaya gusto niyang magkaroon ng malaking kita para sa patuloy na pagpapalaki sa mga anak.

Pero bilang isang aktor, na seryoso sa kanyang propesyon, mahalaga rin na maging masaya siya sa kanyang ginagawa.

Aniya, "Sa indie, dito naman nakukuha yung satisfaction, bilang isang alagad ng industriya," o ng sining, nais pang tukuyin ni Simon.

THERE ARE NO SMALL ROLES. Sa maikling panayam ng PEP sa kilalang character actor, habang tinatapos nito ang mga eksena sa digital-indie movie na Si Baning, Si Maymay, At Ang Asong Si Bobo, ay naisatinig ni Simon ang mga saloobin tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng isang propesyunal tulad niya.

"Naniniwala ako sa sinasabi ng mga dating artista, 'there are no small roles, only small actors.' Kaya ako, kahit anong dumating, malaki man o maliit, o maliit-liit, tatanggapin ko nang tatanggapin. As long as magagampanan ko yung character," sabi ni Simon.

Sa nasabing indie movie, na kalahok sa Cinema One Originals Filmfest na gaganapin sa darating na Nobyembre, major character ang ginagampanan ni Simon bilang si Domeng, isang alcoholic na iniwan ng kabiyak. Kaya masaya siya dahil may satisfaction sa ginagawa niyang pagganap sa magandang papel na ipinagkatiwala ng baguhang writer-director na si Milo Tolentino.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Early this year, napanood naman si Simon sa isang mahalagang papel sa teleserye ng ABS-CBN na Tayong Dalawa, bilang blackmailer na siyang susi sa katotohanan tungkol sa identity ng magkapatid na Dave (Jake Cuenca) at JR (Gerald Anderson).

Kung titingnan, hindi naman masagwa ang papel at ginawang pagganap ni Simon, pero ang mga ganitong proyekto na may malaking talent fees sa sandaling pagtatrabaho ay hindi pangmalagian, o regular na dumarating. "Three months din yun, paraket-raket," pagtukoy ng aktor.

"INDIE-BAYAD" EXPERIENCE. Samantala, mayroon mababanggit na disappointments si Simon sa trabaho, lalo sa paggawa ng indie movies. Idinaan na lang ni Simon sa pagbibiro ang pag-uusisa ng PEP ukol dito.

"Ano, 'bayad-indie', o 'indie-bayad'?" balik-tanong niya.

May nabalitaan ang PEP na hindi nabayaran ang serbisyo ng aktor sa ilang magkakasunod na indie movies na nagawa niya, simula noong taong 2006. Tungkol dito'y ayaw magbanggit ng mga specific na detalye ni Simon.

"Okey, totoo 'yan," pag-amin niya. "Charge to experience na lang lahat. Kasama sa buhay natin 'yan. Kahit naman saang parte ng buhay, laging may ganyan."

"Charge to experience na lang," pag-ulit pa ni Simon. "Peace-loving naman ako. So, kung may mga gano'n, may mga nanglalamang, o ano, naniniwala ako sa karma. Umiikot ang mundo. Charge to experience, gano'n talaga ang buhay."

Sa kabila ng masaklap na karanasan sa paggawa ng ilang indie projects, hindi pa rin nadadala si Simon. Katunayan, may mahalaga rin siyang papel sa Baseco Bakal Boys na ipinalabas sa nakaraang Cinemalaya 2009.

In fairness, walang naisatinig na reklamo si Simon laban sa direktor (Ralston Jover) at mga prodyuser (Albert Almendralejo at Bessie Badilla) ng pelikula.

"Maganda kasi ang indie, maraming may talentong Pinoy... at mga talentadong—hindi tarantadong—direktor, na nabibigyan ng pagkakataon. At saka dito, nabibigyan ka ng higit na kalayaan, sa kung paano ang gusto mong pag-atake sa role; nagkakatulungan kayo ng mga bagong direktor [tulad nina Jover at Tolentino, na parehong debuting feature-length filmmakers]. Maraming magaganda at bagong daan na binubuksan ang indie film, para sa lahat. Lalo na sa mga batang filmmaker.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At kahit sa mga katulad din naming matatanda nang character actor!" napatawa uli si Simon, pagkasabi ng huling pangungusap na ito. "Kasi, aminin na natin, sa [mainstream] films, limited, at ilan-ilan na lang 'yan."

Halos hindi na matandaan ni Simon ang huling pelikulang kinasalihan niya, na iprinodyus ng malaking studio, o movie production outfit.

"Late '90s pa yata, yung kay Maricel Soriano," recalls Simon. Ito yung Soltera [1999] ng Star Cinema, idinirek ni Jerry Lopez Sineneng. "Nando'n ako, siguro mga apat na eksena."

Sa 2008 Cinemalaya entry na 100, na idinirek ni Chris Martinez ay kasali din si Simon bilang nakatatandang kapatid ng cancer patient na ginampanan ni Mylene Dizon.

"Markado ang role, maganda ang pelikula," aniya. "Iiyak ka, na hindi naman nagpapaiyak."

OK kay Simon bilang direktor si Chris Martinez.

"Magaling siya," pagpuri niya.

"Bayad-indie" ba o "indie-bayad" ang 100?

"Siya [Martinez] rin ang producer!"natatawang pagtukoy ni Simon. "Okey lang. Parehas naman. Matinong kausap si Chris Martinez!"

May diin sa pagsasalita ni Simon sa huling binitiwang pangungusap. At inilapit pa ang kanyang bibig sa aming tape recorder, sa sumunod na pahayag: "Pero may mga indie filmmaker din...na hindi matinong kausap!"

At mas matindi ang sumunod na pahayag ni Simon (patungkol sa dating naging prodyuser at direktor ng mga pelikulang indie).

"Kasi, kahit naman saan, talagang may mga bulok na itlog!" sabi niya.

NEW SOURCE OF BREAD & BUTTER. Soon, may panibagong project na gagawin si Simon, para sa telebisyon.

"May sinabi sa akin. Pero alam mo naman, lalo kaming character actors, hanggang hindi gumigiling ang kamera, hindi kami kasama. Sinabihan ako, na magtatrabaho ako for that particular soap... Hoping and praying, na kunin nga. Kayang-kaya ni Pareng Ricky [Gallardo, Simon's talent manager] 'yan."

Sa ABS-CBN ipalalabas ang bagong teleserye. Magandang pagkakataon uli para sa mas malaking talent fee, kaya gusto ni Simon na matuloy ang trabaho niya rito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Para yung bread ang butter, marami!" at natawa uli siya sa sinabi.

Naalaala ni Simon ang minsang pag-uusap nila ng naging kapwa-aktor sa Tayong Dalawa na si Coco Martin.

"Nagkakuwentuhan kami ni Coco," aniya. "Masaya siya, natutuwa sa nangyari sa career niya na hindi siya pinababayaan ng handler niya [Star Magic]. Sabi niya, 'Kuya Simon, dito [sa Tayong Dalawa], finally, nakaipon ako. Then, may kasunod pa.' Talagang pasalamat siya, dahil dire-diretso ang trabaho. So, parang nakalimutan niya yung trauma niya sa isang indie film director."

Incidentally, pareho sina Simon at Coco ng "inirereklamong direktor at prodyuser" ng mga tinampukang indie projects. Ayaw na nga lang nilang magbanggit o magdetalye.

Kung hanggang kailan mananahimik ni Simon ay siya lang din siguro ang makakapagsabi. Anupa't nirerespeto namin ang kanyang pananahimik.

"Happy na lang tayo... Bawal ang mabuwisit! Ang puso..." at muling tumawa ang likas namang masayahing aktor.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN