Jay Perillo will pursue his dream even after losing in Next Big Star

"Siyempre po, kung darating po ang chance para ako ay maging isang ganap na singer, bakit ko naman po tatanggihan? Baka yun ang maging daan ko para marating ko ang mga pangarap ko, di ba?" says Jay Perillo.


Last Sunday, August 23, ginanap ang big finale ng Are You The Next Big Star?, ang reality-based singing contest ng GMA-7. Itinanghal bilang Next Male and Female Big Stars sina Geoff Taylor at Frencheska Farr, respectively.

Pero bago ang finals night, tuwing tinatanong ang contenders kung sino sa tingin nila ang karapat-dapat na maging Next Big Star, unanimous ang sagot nila—si Jay Perillo. But after the text votes and the judges' votes, si Jay ang unang natanggal among the three male finalists. Natira sina Geoff at Alex Castro sa final round, kung saan pinagbasehan ang tatanghaling Next Male Big Star.

Hindi naman nagkunwari si Jay na pagkatapos tawagin ni Regine Velasquez ang pangalan niya as the one who will be eliminated, hindi na niya napigilan ang mapaiyak sa backstage. Maging ang karamihan ng audience sa Studio 7, kung saan ginanap ang finals night, ay na-disappoint din nang matanggal si Jay

"Siyempre po... Siyempre, at first, nasaktan talaga 'ko. Tulad nga ng sinasabi ko sa inyo noon, lahat—dedication, passion, time, yung lakas ko—ibinuhos ko na rito. Siyempre po, kahit sino na ginawa yung ginawa ko, 'pag ganoon, makukurot," sabi ni Jay nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).

Na-shock ba siya sa naging resulta?

"It's weird, pero hindi, e," sagot ng aspiring singer.

Si Geoff daw talaga ang itinuturing ni Jay na makakalaban niya.

"Hindi ko po sinasabing hindi magaling si Alex," paglilinaw ni Jay. "Pero alam ko po na mas musically advanced yung knowledge ni Geoff. Although kanina, okey lang po sa akin na, okey nag-best siya [Alex]. Maybe may mga nakita sa kanya ang mga judges na pagiging professional niya as performer. Baka nakita nila na nag-grow na si Alex.

"So, depende po kasi sa mata nila yun kung ano ang nakikita nila, kung ano ang judging nila. So, no hard feelings naman po. Thankful po ako sa lahat. Kasi, pagkababa ko sa stage, hindi ko po ine-expect yung mga taong nagpunta sa akin—EP [executive producer], yung ano... nandiyan lahat sa paligid ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bago pa man ang announcement ng Next Male Big Star, we asked Jay kung sino ang choice niya between Alex and Geoff. Mabilis niyang sinagot ang pangalan ni Geoff. Pero aniya, "Tulad nga po ng sinabi ko, minsan po, may nakikita ang mga judges na hindi natin nakikita."

NOT THE END OF THE ROAD. Anong pakiramdam niya na habang papalabas siya ng stage ay paulit-ulit na sinasabi ni Regine na he has a good voice and to continue singing?

"Noong time po na yun, nagmamadali na po akong umalis. Gusto ko na pong umiyak!" natawang sabi ni Jay. "Pero yun nga po, sobrang naliligayahan po ako na isipin n'yo po, isang Regine Velasquez na iniidolo ng lahat, nagandahan sa boses ko. So, iba po yun."

Pinuntahan pa raw siya ni Regine sa backstage at nagtatakbo ito habang nakayapak.

"Yun nga po. Sabi rin po niya, it's not the end of the road for me at magkakaroon ako after this dahil naniniwala raw po siya sa talent ko. Sobrang thankful din po ako kay Ms. Reg kasi sobrang humble niya. Isipin n'yo po, wala siyang tsinelas, hinabol niya ako sa likod para lang kausapin ako. So, iba po yun," saad ni Jay.

Marami naman ang napabilib ni Jay dahil pagkatapos niyang ma-eliminate, bumalik siya sa loob ng studio habang break at isa-isa niyang kinamayan at pinasalamatan ang judges, banda, press people, at ilang mga taong nanood.

Bago ba ang finals night ay ini-expect ba niyang mananalo siya, lalo pa nga't siya ang madalas na sinasabing bet to be the Next Male Big Star?

"That I will win?" tanong niya. "No, kagabi po, sa maniwala kayo o sa hindi, ang idinasal ko kay Lord, kung ano po ang ibibigay Niya sa akin, tatanggapin ko nang maluwag sa kalooban ko."

So, saan galing yung pag-iyak niya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siyempre po, yung sakit sa pagod, paghihirap... Yun na po yun, e. Hindi po yun ang pag-iyak na tipong magtatanim ako [ng galit] sa sarili ko."

JAY'S PROMISING FUTURE. Ano na ang plano niya ngayon?

"Tuloy pa rin po ang musika," sagot ni Jay. "Tulad nga po noong lumapit ako sa mga banda, si Sir Raul [Mitra], sabi po niya, ituloy ko lang. Talagang itutuloy ko po. Kasi, yun po ang pangarap ko, yung upuan ni Sir Raul Mitra, yung pagiging musical director. Iba po kasi yung ikaw ang gumagawa ng musika.

"Pero siyempre po, kung darating po ang chance para ako ay maging isang ganap na singer, bakit ko naman po tatanggihan? Baka yun ang maging daan ko para marating ko ang mga pangarap ko, di ba?"

Nanghihinayang ba siya sa mga prizes na puwede sana niyang napanalunan?

"Siyempre po, kasi nga po, marami rin akong negosyong pinaplano. At saka siyempre, yung recording contract. Yung album na kahit sinong performer, e, pinakahihintay. At so far, so far, sana magkatotoo. Pagkaalis ko, sa mga naririnig ko, mukhang meron naman po. Kaya nga po ganito na rin ang ngiti ko ngayon," nakangiting sabi ni Jay.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN