Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Ms. Imee Marcos noong August 26, sa Cinema 1 ng Shangri-La Cineplex sa special screening ng animated film na Ligtas Likas, isang proyekto nila ni Sen. Loren Legarda.
Ang Ligtas Likas ay maigsing pelikulang cartoon na tungkol sa pangangalaga at pagpoprotekta ng ating likas na yaman laban sa polusyon.
Pinagbibidahan ng batang babaeng si Maya at ng kanyang mga kaibigan, ang compactor-robot na si Bobot at ang nature whisperer na si Tatang, ang two-episode animated series, na nagawa sa pagtutulungan ng Creative Media and Film Society of the Philippines (CREAM) and the Office of Senator Legarda.
Ang story and screenplay ay sinulat ni Ms. Marcos at nina Peter Mayshle at Ann Angala Shy.
Ang animation ay sa direksyon ni Nasser Luceñada at co-directed ni Excy Salavarria.
Ang short film animation ay naglalayon na ituro sa mga bata ang tamang proseso ng recycling at tamang pamamaraan ng waste management base sa Ecological Waste Management Act of 2000 na authored at sponsored ni Senator Loren.
IMEE'S RETURN TO FILMMAKING. Ngayon lang ulit naging aktibo sa paggawa ng pelikula si Ms. Imee.
"Yeah! Noong 2007, nagsimula kami nung CREAM, para siyang NGO din na teaching studio. Para siyang NGO, non-government organization na tumutulong sa paggawa ng independent Filipino cartoon.
"Kasi karamihan dito puro outsourcing, para sa Disney, sa Toie Japan, at para sa kung anu-ano pang kumpanya na malalaki. Nakakapagturo naman ang mga kumpanya na ito ng animation sa ating mga kabataan so bale ang ginagawa nila e hindi mga kuwentong Pilipino kundi, siyempre, kuwento ng Disney at iba pang kumpanya ng Japan at Korea.
"So, ang nais nating mangyari, magkaroon rin ng animation, films at games na likas na Pilipino," pahayag ni Ms. Marcos.
Bakit sila nag-collaborate ni Senator Loren?
"Kasi yung aming gustong mangyari... sapagkat yung sa amin [CREAM] gusto naming magkaroon ng mga independent Filipino animation, samatalang kay Senadora naman ang kanyang krusada para masagip ang kalikasan, e nandun naman.
"So nagkataon na nakaisip kami ng project na tamang-tama para sa dalawang layunin at tuwang-tuwa naman kami kasi naturuan yung mga bata.
"Nakapagturo din kami in the meantime ng mga out-of- school youth dito tungkol sa flash animation. Simple lang siya pero nakakatuwa pa rin at masaya naman ang mga bagets na nanood kanina."
EXPERIMENTAL CINEMA. Si Ms. Marcos ang maituturing na ina ng Experimental Cinema of the Philippines (ECP) na gumawa ng mga makabuluhang pelikula noong dekada '80.
Wala ba siyang plano na ibalik muli ang ECP?
"Ay, sana nga, pero alam naman ninyo na wala nang kahalagahang ibinibigay sa sining ngayon at pati yung National Artist Award nga ay baon sa kontrobersiya, na samantalang noon wala namang bahid ng gulo 'yan.
"So nakikita natin na pati yung sining napapasok ng pulitika tapos hindi naman binibigyan ng suporta yung mga independent artists tulad nina Brillante Mendoza at ng iba pa. Lahat sila e talagang nananalo sa abroad pero hindi kinikilala sa sariling bansa, walang suporta, sariling sikap lahat yun.
"Kaya natutuwa naman ako na nananalo subalit nakakahiya kapag ihahambing sa ibang bansa kung saan yung mga Koreano, yung mga Thai, Malaysians, Singaporeans, limpak-limpak ang salaping binibigay kahit papaano.
"Hindi ko nga maintindihan kung bakit nananalo pa tayo, e, talagang likas na talino na lang talaga 'yan."
NATIONAL ARTIST BROUHAHA. Ano ang pananaw ni Ms. Marcos at ng kanyang kapatid na si Ilocos Norte Governor Bongbong Marcos sa isyu ng National Artist Awards?
"Nagprotesta kami kasama ng aking kapatid, at si Bongbong din ay sumusuporta sa pagtutol sa mga bagong nominasyon sapagkat hindi ito sumunod sa mga proseso na itinakda ng nanay ko, kasi ang nanay ko ang nagsimula ng award na 'yan."
Ang ina ni Ms. Marcos ay walang iba kundi ang former First Lady Imelda Marcos.
Saan tutol sina Ms. Imee, sa ilang mga nominado or sa proseso mismo?
"Well, yung mga personalidad rin kasi nakialam rin sila, marami naman sa kanila ang nanghimasok."
Ang ilan sa mga nakukuwestiyon ay sina Carlo Caparas at fashion czar Pitoy Moreno.
"Actually ang katotohanan diyan, mahal naman natin si Pitoy pero ang naka-nominate doon sa listahan was actually Joe Salazar, the late Joe Salazar, not Pitoy.
"And then the one who made the shortlist was actually Dean Ramon Santos who actually had a heart [surgery] thereafter kaya galit na galit ang kapatid ko dahil musikero pa ang inilaglag.
"So yun ang problema. So, there are really issues with the process as well as the names that reached the final phase.
"Kasi kagulat-gulat dahil yung mga pangalan, wala naman yun dun sa umpisang phase, and dun sa final shortlist, lumitaw! Ganun na lang parang nagkagulatan.
"Sundin na lang yung dati, sundin na lang yung dating proseso, huwag na lang pakialaman. Maganda yung patakaran, wala akong masasabi, sapagkat ang template niyan nanggaling sa Living Treasure ng Japan, na ilang daang taon na yatang ginagawa ng mga Hapon, tapos in-adapt para dito sa Pilipinas.
"Alam naman natin na kahit kailan hindi nagkaroon ng gulo, ng kontrobersiya at kuwestiyon at duda tungkol sa National Artist. Ngayon lang, so bakit hindi na lang sundin yung dati?
"Ang mommy ko ang nag-isip niyan kasi nakita niya yung kagandahan ng programa sa Japan na natutulungan itong mga artists sa pamamagitan ng award, ng deklarasyon."
UP TO SUPREME COURT. Dagdag pa ni Ms. Imee tungkol sa kontrobersiya, "At ang pangit diyan, dahil may monetary award, e masagwa kasing tingnan kapag may pera-perang pinaguusapan."
Hanggang kailan ang kanilang laban?
"Ah, inaantay natin ang Supreme Court. Sa ngayon, pina-stay nila, ibig sabihin pina-hold dahil kaduda-duda nga.
"So habang pinag-aaralan, naka-hold siya, naka-tengga bale, so inaasahan namin na tuluy-tuloy na ang pagsusuri ng Supreme Court at maiuwi sa tamang proseso."
Kung hindi sila magwagi sa kanilang protesta?
"Hindi, sa Supreme Court naman talaga mauuwi 'yan. Sabi rin naman ng pamahalaan, ng administrasyon, na kikilalanin nila kung anuman ang hatol ng Supreme Court.
"Kung tutuusin, hindi pa naman naa-award, hindi pa ibinibigay yung gawad at hindi pa nagsisimula yung monetary na sinasabing one million a year," patapos na pahayag ni Ms. Marcos.
