Robin Padilla says daughter Queenie has the final say on who she'll marry

"Umapaw po ang kaligayahan ko at lalo na po noong nagpi-pictorial kami at sinabi ng mga nirerespetong stylist at fashion designer na bagay naman ang suot ko. Hindi ko alam kung binobola lang ako para lumakas ang loob ko," says Robin Padilla about wearing a tux for his pictorial in FHM.


"Hindi po porke't ako'y naka-Amerikana, ako'y mag-i-English," ang babala ni Robin Padilla sa press conference na ipinatawag ng FHM Philippines kagabi, August 31, sa Hotel Intercontinental, Makati City.

Si Robin kasi ang kauna-unahang male cover ng FHM Philippines, ka-back-to-back ang FHM's Sexiest Woman this year na si Cristine Reyes. Sila ang featured covers sa September 2009 issue ng No. 1 men's magazine.

"Ako po'y nagbibigay-pugay sa FHM," sambit ng action superstar. Maraming-maraming salamat po at ako po ay napili ninyo na ako po ay maging unang lalaki na mailagay sa inyong magazine. At isang napakalaking karangalan na makasama ang isang napakagandang dalaga [Cristine] at makatabi at sunduin sa kanyang napakagandang kuwarto. At tuwing nakikita ko ang kanyang mata ay nakikita ko ang aking reflection.

"At talaga naman po na noong kami'y nagpi-pictorial para sa magazine na ito, dalawa ang naging pakiramdam ko. Una'y kinakabahan ako, kasi amerikana ang suot ko. Hindi po talaga bagay sa akin. Pero noong sinuot ko na at bumagay, tinanggap ko na mature na ako. Kasi, isa lang ang ibig sabihin n'yan, kapag bagay na raw sa isang lalaki ang amerikana, ibig sabihin, e, nandoon ka na sa life begins at 40. Kaya mula po sa kailaliman ng aking puso at sa napakagandang interview ng FHM, tanggapin n'yo po ang aking pasasalamat at sana po'y huwag kayong magsawa na maglagay pa ng ibang kalalakihan sa magazine n'yo," matalinhagang pahayag ni Robin.

Tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Robin, ano ang initial reaction niya nang malaman niyang may offer sa kanya ang FHM namaging cover ng kanilang September issue?

"Sabi ko, baka naman nagkamali sila at baka si BB Gandanghari [kapatid ni Robin na si dating Rustom Padilla] ang gusto nilang kuhanin!" natatawang sabi niya. "Pero niliwanag naman sa akin ni Betchay [Vidanes, Robin's manager]. 'Ah okay, may damit naman ba ako d'yan?' Kasi ako, e, talagang handa rin sa mga ganyang bagay. Pinagaganda ko ang katawan ko sa mga ganyan. Pero hindi naman po.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Napahiya ako dun kasi ang gusto nila, ako ay naka-ganitong suot [amerikana]. Isang malaking karangalan, kasi palagi kong nababasa ang FHM. Kapag nag-a-abroad ako, nakikita ko sa mga international magazines at napakagagandang dalaga ang nailalagay rito.

"Umapaw po ang kaligayahan ko at lalo na po noong nagpi-pictorial kami at sinabi ng mga nirerespetong stylist at fashion designer na bagay naman ang suot ko. Hindi ko alam kung binobola lang ako para lumakas ang loob ko," lahad ni Robin.

ROBIN'S DAUGHTER. Naitanong din kay Robin kung papayag siyang mag-cover sa FHM ang kanyang panganay na anak na si Queenie Padilla. Sinabi ng action superstar na ipauubaya niya sa kanyang anak ang desisyon dahil nasa edad na raw ito. (Click here to read related story.)

Pero masasabi ba niyang independent na si Queenie at ito na ang nagdedesisyon sa buhay niya?

"Well, siya rin ang may sabi na, '18 na 'ko.' Ganoon din ako noon, e, ayoko ng pinanghahawakan ang aking mga desisyon. Ang lagi ko lang paalala sa kanya ay huwag siyang lumabas doon lamang sa kanyang pananampalataya. Siya ay isang Muslim at bigyan niya ng pagpapahalaga ang kulturang Pilipino. Kahit anong sabihin natin, kasi kahit na saan ka pa nag-aral, kahit saan ka lumaki, Pilipino ka," saad ni Robin.

Kahit sa lovelife?

"Basta ang paalala ko, Muslim siya," giit niya.

Ang young singer-actor na si PJ Valerio ay balitang nanliligaw kay Queenie. Pero napabalita rin noon na meron nang nasisipat si Robin na mapangasawa ng kanyang panganay—ang anak ni Moro National Liberation Front (MNLF) Chairman Nur Misuari. Ano na ang nangyari rito?

"Kasi yung kay Chairman, ang gusto nila, umakyat na ng parang engagement. Ako naman ang nagsabi na gusto ko, magkakilanlan muna si Queenie at yung anak niya. Palagi tayong susunod sa Islam. Kung sinasabi ng Islam na kailangang pumapayag ang babae, kung sino ang kanyang mapapangasawa," sagot ni Robin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagkakilala na si Queenie at ang anak ni Chairman Misuari?

"Siguro, hindi naman nararapat na ako ang magpakilala. Parang ano naman yata yun, diskarte na ng lalaki yun. Basta, diskarte ng lalaki yun," sabi niya.

What about PJ, kung sakaling magustuhan nga ito ni Queenie, kailangan ba na magpa-convert din ang binata sa pagiging Muslim?

"Aba, e, dapat siyang magtanong!" sagot ni Robin. "Kung siya ay isang seryosong ano, dapat siyang magtanong sa mga nakakaalam. Kasi, hindi pupuwedeng ako ang magsasabi sa kanya kung ano ang gagawin niya. Kasi, parang pagdidikta yun. Ayoko. At saka ang gusto ko kasi kay Queenie, ako ang kakausapin kung ano ang gusto niya. Ayoko ng confrontation. Hindi ganoon dapat. Ang magulang, kapag lumapit ang anak, nandoon ka."

Pero allowed na ba si Queenie na makipag-boyfriend?

"'Yan ang sinasabi ko na dapat niyang alam at dapat alam din ni PJ kung ano ang mga kultura na dapat nilang sundin. Hindi lang naman pagka-Muslim kundi pagka-Pilipino rin. Hindi naman porke't lumaki ka sa abroad, ang iyong pamamaraan, e, hindi mo kultura. Dapat, kung ano ang kultura natin, pagyamanin natin," paliwanag ni Robin.

MOVIE WITH STAR CINEMA. Kinumpirma naman ni Robin na may gagawin siyang pelikula sa Star Cinema at isa pa sa ibang film company. Kailan siya magsisimulang mag-shooting?

"Depende kasi kung ang istoryang ibibibigay nila ay shoot na sa hitsura ko ngayon, magsu-shooting na kami agad. Pero kapag kailangan ng preparasyon, siguro mga dalawang buwan... Depende kasi," aniya.

Ayon kay Robin, love story ang gagawin niya sa Star Cinema. May mga lumalabas na si Bea Alonzo ang makakapareha niya, pero hindi pa naman daw final ang lahat.

May susunod na ba siyang project sa GMA-7, kung saan huli siyang napanood sa Totoy Bato?

"Well, nagkaroon kami ng isang magandang dinner nina Ma'am Wilma [Galvante, SVP for Entertainment TV], pero ano lang yun, bilang isang magkaibigan, dahil pareho kaming nagyo-yoga. Nagkaroon kami ng isang magandang kuwentuhan, pero wala pang usapin ng trabaho dahil alam din naman nila na nag-Ramadan."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May lumalabas na lilipat na raw siya ng ABS-CBN. Totoo ba ito?

"Sa ngayon, ang pinag-uusapan namin ng ABS ay yung pelikula. Sa TV, wala pa kaming pag-uusap. Ako naman, wala naman akong masamang tinapay kahit na kanino. Puwede ako sa Channel 7, Channel 2, or Channel 5. Ako ay hindi naman produkto ng kahit na anong network. Ako ay sa Viva. Ako ay nagmula sa Viva. Hindi naman pagmumulan ng kahit na anong diskusyon," sabi ni Robin.

TOTOY BATO CONTROVERSY. Naitanong din kay Robin ang tungkol sa kontrobersiya kaugnay ng Totoy Bato, partikular na ang hinaing ng writer nito na si Suzette Doctolero dahil diumano sa aktor. Ano't tila nanahimik lang siya sa isyung 'yon? (Click here to read related story.)

"E, mga kaibigan ko ang mga yun," sagot ni Robin. "Hindi kailanman dapat magkaroon ng diskusyon sa larangan ng talino dahil 'yan, e, atin 'yan. Ang opinyon ng bawat isa ay dapat respetuhin. Kung tayo'y nagkasala sa ibang tao, tayo'y humingi ng paumanhin, lalaki pa 'yan."

Hindi pa naman daw sila nagkakausap nang personal ni Suzette, pero wala raw siyang isyu kahit na kanino.

"Ako po ay nirerespeto ko ang katulad ng kapatid na Suzette. Ang kanyang mga opinyon ay nirerespeto ko. Wala po akong kahit na sinong... Opinyon 'yan, e. Ang opinyon ng bawat tao ay dapat nating respetuhin. Hangga't hindi tayo sinasaktan nang pisikal, e, ayos 'yan."

Pero nagulat ba siya sa naging opinyon ni Suzette?

"E, hindi naman. Ayon naman sa kanya, e, nakainom siya ng scotch ng mga oras na yun," maikling tugon ni Robin.

May kaugnayan ba ang pangyayaring yun kung kaya't may balita na babalik na siya ulit sa ABS-CBN?

"Hindi, wala...wala... Bago pa nangyari yun, kami, e, nag-uusap na ng ABS-CBN tungkol sa possible project," tanggi ni Robin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN