Lito Lapid to remake FPJ's Ang Probinsiyano

"Lahat naman ng action stars na tulad ko, lalo na kami na kami na ang tinatawag na senior, siyempre, nangangarap kaming maging Fernando Poe Jr. the second," says actor-politician Lito Lapid, who will remake FPJ's Ang Probinsiyano.


Senator Lito Lapid always make it a point to be present sa mga special event sa buhay ng kanyang pamilya, tulad na lamang sa second birthday party ng kanyang apo na si Mischa Amidala sa anak na si Mark Lapid at sa partner nitong si Tanya Garcia. Ginanap ang celebration sa Porac, Pampanga, noong Sabado, Sept. 19.

Masayang ikinuwento ng actor-politician sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na nakuha na niya ang rights para sa remake ng pelikulang Ang Probinsiyano (1998) ng yumaong King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr. Approved na raw ito ng biyuda ni FPJ na si Susan Roces.

"Nagpapasalamat nga ako sa kanya kasi pumayag na siya. Salamat po sa pagpayag n'yo na paggawa ko ng Ang Probinsiyano," mensahe ni Lito kay Susan.

Dagdag niya, "Lahat naman ng action stars na tulad ko, lalo na kami na kami na ang tinatawag na senior, siyempre, nangangarap kaming maging Fernando Poe Jr. the second."

Three years ago na rin daw since his last movie—Tatlong Baraha na naging entry sa 2006 Metro Manila Film Festival.

Humingi rin daw si Lito ng tulong sa pamangkin ni FPJ na si Renzo Cruz upang mai-remake ang Ang Probinsiyano.

"Nagpatulong ako sa anak ni Rosemarie Sonora [kapatid ni Susan], kay Renzo Cruz. Sa ngayon, ginagawa na ang synopsis. Pero ayaw ko muna rin magsabi kung sino ang mga makakasama dahil baka ma-offend yung mga leading ladies. Kasi, ginagawa pa ang script at matatapos pa lang siguro ngayong linggong ito ang synopsis. So, titingnan pa namin kung sino ang babagay dun," saad ni Lito.

Gusto raw niyang maipalabas sana sa Pasko ang pelikula. Pero, malabo na raw na umabot pa ito sa Metro Manila Film Festival sa Disyembre

"Huli na kami, e. So, siguro mga January or February," banggit niya.

Nami-miss din ba niya ang showbiz?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Oo, diyan ako galing, e. Wala rin siguro ako sa pulitika kung wala ako sa showbiz."

PORAC IS WHERE HE BELONGS. Bago ang mismong birthday party ng apo ni Lito Lapid noong hapon, nagkaroon muna ng opening at blessing ang bagong bukas na events place, ang Marissa Hall na ipinangalan sa kanyang asawa.

"Ang Porac kasi, dulong-dulo kami," banggit ni Senator Lapid. "Nasa dulo kami, Pinatubo. E, lahat ng okasyon na gustong anuhin ng mga tao dito sa Porac, pumupunta pa kami ng Angeles, San Fernando, sa Clark, ganyan... E, kung minsan, may mga nangyayari sa kalsada, nata-trapik, so mas mabilis dito."

"Alam n'yo, masuwerte itong ano namin, e, itong Santa Catalina, kapag yumaman ang iba... Hindi naman lahat ano, pero kapag yumaman ang iba, umaalis dito sa Porac. E, ako, dito ako isinilang, dito rin ako mamamatay, dito rin ako ililibing. E, sila kasi kapag yumaman, nawawala na rito.

"E, kasi nga, sulok nga kami, dulo kami. Boundary namin Zambales, Bataan, Olongapo, Tarlac. Pero ako, kami, dito kami. Dito tayo nagsimula, huwag nating kalimutan. Pero ang trabaho namin [sa] Manila. Pero balik kami nang balik dito. Araw-araw 'yan umuuwi ako."

Kinumpirma rin ni Lito na pagkatapos ng term niya bilang senador, tatakbo siya muling gobernador ng Pampanga, na kasalukuyang hawak ni Gov. Ed Panlilio.

"Dati naman kasi, ako'ng gobernador dito, natapos ko ang term ko," sabi niya. "Nine years ako naging gobernador. Tatlong taon din akong naging vice governor. Nandirito talaga ang puso ko, sa Pampanga talaga. Alam n'yo na pumutok ang Pinatubo, nandito rin ako. Nakabangon ang Pampanga, nandito pa rin ako."

MARK'S ANNULMENT. Tinanong din ng PEP si Sen. Lapid tungkol sa pagga-grant ng annulment sa kasal ni Mark sa una nitong asawa na si Yuri Park, isang Koreana. (Click here to read related story.)

Ayon kay Sen. Lapid, "Siguro congratulations sa kanya. Siguro ay mabibigyan na ng pagkakataon na silang dalawa [Mark and Tanya Garcia]. Makakapamuhay na sila nang tahimik at normal bilang mag-asawa. Bilang isang pamilya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Maraming batikos kay Mark noong lumabas ang balitang may asawa na nga siyang Koreana noong buntis si Tanya.

"Siguro, ang masasabi ko lang, si Mark, totoo siya, e. Kamukha noon, ano ba ang problema noon? Binata naman siya. Pinakasalan niya, di ba? Wala namang iba, di ba? Kung yung Koreana, pinakasalan naman niya, e. Walang masama dahil lalaki siya, e," paliwanag ng senador.

Yung apo niya kay Yuri Park, nakikita pa ba niya? May communication ba sila?

"Hindi, e, wala."

Pero itinuturing din ba niyang apo ang bata?

"Oo naman. Oo naman... Alam din ni Tanya yun. Anak ng anak ko yun, e. Apo ko rin yun. Si Tanya naman, mabait. Wala akong masasabi. Nanay na nanay na rin siya. Katulad ng party na ito, nagulat nga ako. Siya lahat ang nag-ayos nito."

Ano naman ang pangarap niya para sa apong si Mischa?

"Ang pangarap ko, alam mo, kung ano ang pangarap ng iyong ama ay pangarap ko rin sa 'yo. Siyempre, gusto ko successful din siya. Matalino, nakatapos ng pag-aaral dahil ako, hindi ako nakatapos ng pag-aaral. Kaya sabi ko, kahit sila lang, iganti nila ako dahil palagi akong inaapi dahil hindi ako nakatapos ng edukasyon, e," sabi ng actor-politician.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN