Jason Abalos says he earns big roles out of luck and hard work

Against intrigues that he gets big projects because he has a strong backer in ABS-CBN, Jason Abalos argues that it's "suwerte rin at saka hard work" and "marami na rin naman akong napagdaanan at may mga taon din naman na wala akong trabaho talaga. So, huwag nang bigyan ng malisya siguro."


Masayang-masaya si Jason Abalos dahil hindi pa man natatapos ang isa niyang TV show sa ABS-CBN ay nagte-taping na agad siya para sa susunod niyang proyekto. Matatapos na sa Biyernes, October 9, ang Kambal sa Uma na pinagbibidahan nilang apat nina Shaina Magdayao, Melissa Ricks at Matt Evans. Pero sa kapalit na show nitong Nagsimula sa Puso, na palabas na sa Lunes, October 12, ay isa rin si Jason sa mga bidang kinabibilangan din nina Maja Salvador at Coco Martin.

Ano ang feeling na sunud-sunod ang trabaho niya sa ABS-CBN?

"Masaya. Lahat naman kami, 'yan ang hinahangad dito sa ABS-CBN. Sa sobrang dami ng mga artista ngayon na lumalabas, parang kokonti na lang yung nabibigyan ng pagkakataon na kagaya nito. Thankful ako, siyempre. Sa lahat naman ng proyekto 'yan naman ang nararamdaman namin, e," pahayag ni Jason nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng Nagsimula sa Puso na ginanap kagabi, October 6, sa 9501 restaurant ng ABS-CBN.

Ano ang reaksyon niya na iniintriga ang pagkakaroon niya ng maraming projects, na diumano'y malakas siya sa management o may isang maimpluwensiyang taong nag-aalaga sa kanya sa ABS-CBN?

"Kung siguro malakas ako, suwerte ako, kasi alam mo yun kung malakas man ako sa kanila. Pero ayokong tignan ng ganun, e. Siguro naniniwala rin ako... sa, yun nga, suwerte rin at saka hard work. Marami na rin naman akong napagdaanan at may mga taon din naman na wala akong trabaho talaga. So, huwag nang bigyan ng malisya siguro," pakiusap ni Jason.

NAGSIMULA SA PUSO. Ang Nagsimula sa Puso ay hango sa orihinal na pelikula na pinamahalaan noong 1990 ng ngayo'y ABS-CBN President na si Ms. Charo Santos-Concio sa ilalim ng Vision Films. Ang pelikula ay idinerehe ni Mel Chionglo at pinagbidahan nina Hilda Koronel, ang yumaong si Jay Ilagan, Richard Gomez at Armida Siguion-Reyna.

Si Jay Ilagan ang orihinal na gumanap sa role ni Jason bilang si Jim. Kababata ni Jason sa TV version si Maja, who plays Celina, at dahil sa magkaibigan ang kanilang mga magulang ay ipinagkasundo sila na ipakasal. Ka-love triangle nila rito si Coco Martin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi ba siya na-pressure na ang napuntang role sa kanya ay ang kay Jay Ilagan, na isa sa mga magagaling na mga aktor ng Philippine showbiz noong nabubuhay pa ito?

"Hindi kasi ako nakapanood ng kahit na anong proyekto ni Jay Ilagan, so hindi ko alam kung paano ko ide-describe yung pressure na nararamdaman ko. Yung atake lang na ginawa ko rito is based lang sa experience ko, sa mga nakikita ko. Kung hindi ko alam, nagtatanong lang ako kina Direk. Ang hirap kasing i-compare, e, kasi sila yung original, parang kami nagsisimula pa lang."

Sa tingin niya ba, tulad ni Maja, ay shining moment niya rin itong Nagsimula sa Puso?

"Lahat naman ng proyektong napupunta sa akin dapat kong tignan ng ganun. Kasi hindi mo puwedeng maliitin ang bawat proyekto, e. So, lahat 'yan, ke malaki o maliit, malaki 'yan para sa akin, e."

BEING PAIRED AGAIN WITH MAJA. Masaya nga si Jason sa balik-tambalan nila ni Maja na nakatrabaho na rin niya sa ilang proyekto noon. Naging open din nga sa publiko ang panliligaw niya noon kay Maja pero hindi nga ito nauwi sa isang relasyon. Ngayon bang magkasama ulit sila sa soap ay bumalik ba ang pagtingin niya kay Maja?

"Hindi naman nawala yun, e. Mas naging close kami ni Maja ngayon. Natutuwa ako at nagkasama kami sa ganito kalaking proyekto kasi mas nadagdagan yung friendship, mas lumalim."

May balak ba siyang ligawan ulit si Maja?

"Mahirap sabihin sa ngayon kasi sobrang ganda ng pagsasama namin na biglang ililiko sa ganun. Papangit, e. So, wala akong balak ngayon na manligaw ulit. Kasi masaya kami na magkaibigan. Siguro kung dati naging close kami na niligawan ko siya, siguro hindi siya tamang oras."

Ano ba ang mga katangian ni Maja na nagustuhan niya?

"Si Maja, galing siya ng probinsiya, ng Aparri. Ako sa Nueva Ecija. So, may mga katangian ang mga Ilokano na parehas lang, e. Yung mga katangian ng nanay ko na nakikita ko sa kanya madami. Kung na-in love ako kay Maja dati, dahil nakita ko yung nanay ko sa kanya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nilinaw naman ni Jason na hindi niya ibig sabihin na naghahanap siya ng mother figure nang ligawan niya si Maja. Gusto lang daw niya na kung magkakaroon siya ng karelasyon ay kapareho ng qualities ng nanay niya.

NAGSIMULA VS. EVA FONDA. May pagka-sexy ang tema ng Nagsimula sa Puso, ibig bang sabihin nito ay maraming bed scenes at love scenes sila ni Maja?

"Marami. Pero hindi siya isang simpleng proyekto lang e, mabigat siya e. Kasi hindi ito yung dating ginagawa namin ni Maja, although nagawa ko na ito sa Eva Fonda dati with Cristine Reyes."

Mas sexy ba ang Nagsimula sa Puso kaysa sa Eva Fonda?

"Siguro mas intimate lang, kasi sa Eva Fonda sexy talaga. Kasi Cristine yun, e, mahirap pantayan yung kaseksihan ni Eva Fonda. Pero ito may puso kasi, may pinaghuhugutan."

Mas nag-enjoy ba siya sa Eva Fonda kaysa sa Nagsimula sa Puso?

"Na-enjoy ko yung Eva Fonda kasi sa ibang lugar naparangalan kami, di ba? So, kahit hindi tumagal yung series sa TV, hanggang ngayon napag-uusapan kami kahit sa ibang bansa. Pero mas na-enjoy ko ito kasi si Maja wala pong kapalit e, wala pong kapantay."

Pero ano ang naramdaman niya sa love scene nila ni Maja? Nagnasa ba siya kay Maja?

"Wala naman, wala naman pagnanasa kay Maja. Kinabahan ako para kay Maja kasi una niya ito. Hindi ko alam kung paano niya dadalhin yung eksena kasi hindi naman puwedeng si Maja lang yung magdala e. Kailangan sabay kami. So, pinag-usapan namin kung ano ang gagawin, kung paano aatakihin."

WORKING WITH COCO. Ano ang feeling niya na ka-love triangle niya si Coco Martin?

"Unang-una, hanga ako kay Coco kasi fan ako ng indie films. Si Coco, idol ko siya. Fan ako ni Coco sa mga nagagawa niyang indie film. Ganun siya kagaling na minsan may ginagawa siya na pagdating ko sa bahay ginagawa ko. Parang, kaya ko ba ito? Kasi aminin natin, sa Tayong Dalawa, hindi mabubuo ang Tayong Dalawa kung wala si Ramon [Coco]. Ako kasi, tinitignan ko si Coco na bagong artista ito, bagong katrabaho, may bago akong matutunan dito, alam mo yun, bagong utak sa acting."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi ba siya na-intimidate kay Coco ?

"Hindi naman kasi ang ganda ng pagpapakilala sa amin. Unang-una, walang ilangan, walang pagalingan sa trabaho. Karibal ko siya sa soap pero magkaibigan talaga kami sa totoong buhay. Tulungan, ganun. Yun ang maganda sa soap namin, pati yung mga beteranong mga artista tumutulong sa mga bagay na hindi pa namin nagagawa."

GOING SEXY. Kaya niya bang tapatan ang tapang ni Coco sa walang limitasyong pagganap sa iba't ibang roles, seryoso man o maging super-sexy?

"Oo nga e. Yun ang isa pang maganda kay Coco . At saka yung pagpapa-sexy kasi, nagawa na niya yun ng ilang beses. Ako kasi, unti-unti lang muna. Hindi ko kayang biglain ang sarili ko na magpa-sexy 'tapos hindi ko naman pala kaya. Magiging pangit lang tignan, awkward, di ba?"

So, darating din yung time na magpapa-sexy siya talaga?

"Darating din. Ako, sa ginagawa ni Coco , idolo ko siya. Yung mga ginagawa niya mahirap gawin bilang artista. Wala siyang limitations sa trabaho. Ginagawa niya yun para sa craft niya, para sa trabaho niya."

Hanggang saan lang ba ang limitations ni Jason?

"Wala naman. So far kasi yung mga ibinibigay naman sa akin nagagawa ko naman nang tama. Binibigay ko naman ang best ko. At saka wala pa namang ganung kaseksing proyekto na dumarating."

In case may dumating at ialok sa kanya, tatanggapin ba niya?

"Tignan natin. Depende sa proyekto, e. Baka naman paghubarin ako nang wala sa lugar. E, huwag namang ganun," natatawang sabi pa ni Jason.

Bukod kina Jason, Maja at Coco, kasama rin sa cast sina Nikki Gil, Jaclyn Jose, Gloria Diaz, Ronnie Lazaro, Irma Adlawan, Buboy Garovillo, NiƱa Jose at Joseph Bitangcol. Directed by Malu Sevilla at Darnel Joy Villaflor, ang Nagsimula sa Puso ay mapapanood simula sa Oktubre 12 sa ABS-CBN Hapontastic.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN