Blakdyak returns to the music scene with a new album and his own reggae band

"Sa mga detractors, dyusko, ibahin n'yo naman ang style n'yo. Maganda siguro para maiba ang style n'yo sumabay kayo sa tiyempo, iindak n'yo. Try n'yo yung kanta ko para mapansin ko kayo," says Blakdyak about his detractors.


Nagbabalik sa recording scene ang reggae singer at comedy actor na si Blakdyak sa pamamagitan ng kanyang bagong album titled Blakdyak's Tribe Sino Ba?, kung saan kasama na niya ang kanyang banda na tinatawag niyang tribe. Matatandaang pinasikat ni Blakdyak ang mga awiting "Modelong Charing" at "Good Boy."

"Gusto ko kasi maging reggae band na. Kasi dream ko na talaga ito dati pa. Si Arnel Pineda [lead singer ng Journey], nire-represent niya yung rock. Ako naman, gusto kong i-represent yung reggae sa Pilipinas. Medyo bumuwelo lang ako na magkaroon ng name. Ngayong nagka-name na ako, mas madali ko nang isama yung grupo," pahayag ni Blakdyak nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa press conference para sa kanyang pagbabalik at bagong album, na ginanap kagabi, October 8, sa Cowboy Grill Malate.

Bukod kay Blakdyak, binubuo ang Blakdyak's Tribe nina Danilo Santos (percussion), Paul Lauricio (1st Guitar), Aying Sayson (2nd Guitar), Milo Ranes (Bass), Jeson Davila (drums) at Noel Banigued (keyboard).

"Eighteen years na kaming magkakakilala," banggit ni Blakdyak. "Actually, galing din sa pag-a-abroad 'yang mga iyan, sa iba-ibang lugar. Tapos yun nga, nabuo kami. Hanggang sa kami na ang magkakasama pag nag-a-abroad."

Ilang taon ding nawala sa local music scene si Blakdyak. Kasama ang kanyang banda, nilibot nila ang iba't ibang mga bansa mula Asya, U.S.A., Europe, at Africa para mag-perform.

Pang-apat na album na ni Blakdyak ang Blakdyak's Tribe Sino Ba? produced by Helen Cruz at Bob Cruz, co-produced by Twinkle21 Production, distributed by Viva Records. Ang tatlong naunang albums niya ay ang Bumbay; Kanta, Tawa, Saya at Pinoy Nobelti.

Ang bagong album ay kinapapalooban ng sampung magagandang awitin sa pangunguna ng carrier single na "Sino Ba?," na si Bladyak mismo ang nagsulat at naglapat ng tunog. Ang iba pang awiting nakapaloob dito ay ang sarili niyang version ng Tropical Depression original na "Bilog Na Naman Ang Buwan," "Skatalalong," "Beep Beep," "May Tama," "Tumawa Nang Tumawa," "Hoy Mistiso," "Bahay Kubo," "Musica," at ang "Diyaryo," na Tagalized version ng Pussycat Dolls hit na "Jai Ho."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa mga naunang albums ni Blakdyak ay may mga kanta siyang merong double meaning o may pagka-naughty ang dating. Dito ba sa bagong album ay may ganung theme ulit?

"Wala na. Tinanggal ko na. Kasi may mga anak na ako, e. Tama naman, di ba? Para lumitaw din yung ganda talaga ng kanta," sabi niya.

STILL LOOKING FOR HIS DAD. Dedicated daw ang kantang "Sino Ba?" para sa matagal na niyang hinahanap na American-African dad.

"Related dito ang buhay ko. [Kinanta ni Blakdyak ang chorus part ng kanta] Sino ba? Sino ba? Sino ba? Sino-sino ba ang tatay ko? Para sa tatay ko kasi' yan."

Haggang ngayon ba ay itinatanong niya pa rin kung sino ang tatay niya?

"Oo, siyempre. Sa akin kasi okay lang. Akala ko nga nakaligtas na ako. Ang problema, yung mga anak ko. Tinatanong nila, 'Daddy, bakit wala kang daddy? Nasaan si Lolo?' Yun ang tanong nila. Dala-dala ko pa rin talaga, e."

Wala ba talaga siyang idea kung sino ang tatay niya?

"Wala talaga, e. Yun nga, sino ba?"

Hindi ba siya humingi ng tulong sa mga ahensiyang puwedeng makatulong sa kanya para mahanap niya ang kanyang tatay, gaya ng US Embassy?

"Hindi pa nga, e. Kaya nga gusto kong magpaputok muna ng pangalan. Kasi pag nandun na, mapapansin yun. At saka pag naisusulat n'yo na ang tungkol sa paghahanap ko sa tatay ko, siguro mapapansin na niya yun. Ramdam ko kasi buhay pa siya," sabi ni Blakdyak.

REASON FOR GOING ABROAD. Bakit natagalan bago nasundan yung last album niya?

"Actually, hindi lang kami naging active noon sa industriya. Pero nasa abroad kami—Japan, Europe, Dubai, Amerika—paganun-ganun lang kami."

Bakit mas pinili nila yung mag-abroad kaysa mag-stay sa bansa?

"Okay ang kita kasi, e. Doon kami nakaipon. Dun kami nagkaroon ng bahay."

Isa rin ba sa dahilan ng pag-a-abroad nila ay ang paghina ng reggae sa bansa?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Oo, yun, pagbalik ko humina nga. Kasi alam mo naman dito sa atin, e. Kung ano ang uso, yun ang patok. May trend-trend din, e. Kaya isa rin yun sa gusto kong ma-achieve. Dapat, e, magkaroon ng Filipino-Jamaican style, di ba?"

ISSUES & CONTROVERSIES. Bukod sa pagkukuwento tungkol sa kanyang bagong album, nagpaliwanag din si Blakdyak sa iba't ibang isyu at kontrobersiya na ibinabato sa kanya.

Naaapektuhan pa rin ba siya ng mga intriga?

"Hindi na. Kasi parang nag-mature na rin tayo pagdating sa mga ganyan."

Dahil sa madalas niyang pag-a-abroad, ang inakala tuloy ng mga tao ay nawala na ang career niya. Gaano katotoo ito?

"Sa palagay ko, ganun talaga siyempre. E, sikat ako noon, biglang mawawala, maghahanap talaga sila. Kaya naman ngayong bumalik na ako, may kasama na, banda na."

Nasaktan din ba siya sa balitang naghihirap na raw siya?

"Hindi naman. Kasi artista tayo, ganun talaga, e. Sabi nga, good or bad publicity is still publicity, di ba?"

Nag-react ba ang asawa niyang si Twinkle sa naturang isyu?

"Hindi, mas sanay pa sa akin 'yan. Parang nagkabaliktad nga, e, dapat siya ang nag-artista. Mas magaling siya, e."

Ano naman ang sagot niya sa isyung nakikitira na lang daw sila sa parents ni Twinkle?

"Ang sagot ko diyan, eto, nakikita n'yo naman [habang ipinapakita niya ang mga alahas niyang suot], eto, isangla natin ito. Hindi ko na pinansin yun, intriga lang yun, ganun talaga. Ang totoo, may bagong bahay ako. Yung ipinambili dun ay galing sa mga naipon ko sa abroad. Nakapag-down na ako ng 1.7 million pesos."

Sa tingin niya kung hindi siya nag-abroad, ano kaya ang mangyayari sa kanya dito sa Pilipinas?

"Kung hindi ako umalis, wala, walang mangyayari sa akin dito. Iintrigahin ka lang. At saka magugutom ang pamilya ko."

Pero hindi ba siya nag-resort sa pagiging aktibo sa acting since artista na rin naman siya noon bukod sa pagiging singer?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Mahina kasi. That time kasi noong artista ako, hindi active ang management ko. Yung nagma-manage sa akin, hindi maayos kaya medyo walang pinatunguhan. Kaya nung pag-alis ko, natutunan namin ng misis ko kung paano palaguin ang business namin. Kaya pagbalik ko, ready na kami."

Paano naman niya hinaharap ang isyu ng pagiging umano'y unprofessional niya?

"Kung meron man akong nagawang ganun dati, ngayon pina-promise ko sa mga producers, sa mga investors, na hindi na ulit mangyayari yun. Kasi pag nangyari yun kakalbuhin na ako ng asawa ko!" natatawa niyang sabi.

Pinalinaw rin ng PEP kay Blakdyak ang tungkol sa isyung hanggang ngayon ay nagda-drugs pa rin daw siya.

"Ay oo, nagda-drugs ako! Actually, kagabi lang e. Kasi maghapon kami sa lakad-lakad ganun. Pag-uwi sa bahay, ang sakit ng katawan ko, tumira ako ng Alaxan. Di ba, drugs din yun?" biro ni Blakdyak.

Aminado naman siya na noong singer at artista na siya ay gumamit siya ng bawal na gamot. Pero nagbago na raw siya ngayon.

"Hindi na, hindi. That was a long, long time ago pa. Actually, hindi ko na siya masyadong matandaan kasi pag nagte-take ako noon, patago, e. Pinapangako ko hindi na ako magsa-shabu talaga. Ayoko pang mamatay," sabi niya.

Paano siya naka-recover sa drug addiction?

"Talagang tinutukan ko talaga. Nagkukulong ako sa kuwarto. Self-rehab lang ang ginawa ko. Siguro mga one year mahigit din bago ko tuluyang nakaiwas sa pagdodroga. At saka nakatulong din ang pamilya ko para ma-realize ko yung mali ko."

SUPPORTIVE WIFE & FAMILY. Nanatili raw matatag si Blakdyak sa pagharap sa mga pagsubok at intriga dahil na rin sa pagiging supportive ng kanyang asawag si Twinkle. Eight years na raw silang kasal.

Naging inspirasyon din daw ni Blakdyak ang kanyang limang anak para ayusin ang kanyang buhay. Thirteen years old daw ang panganay niya na nag-aaral sa Amerika. Anak niya ito sa nauna niyang naging karelasyon. Apat naman ang naging anak niya kay Twinkle, at three years old daw ang pinakabata.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nung magpakasal kami ni Twinkle, nagsunud-sunod ang mga anak namin. Pag titingnan mo kasi ang asawa ko, nakakalibang kasi, e. Kaya sabi niya, 'Naku, masyado kang nalilibang, magpa-ligate na nga ako,'" biro ni Blakdyak.

BLAKDYAK MISSES ACTING. Bukod sa pagkanta, naging sikat na komedyante rin si Blakdyak. Ilan sa mga memorable films na kanyang nagawa ay ang Weyt A Minit Kapeng Mainit with Janno Gibbs; Asin at Paminta with Eddie Garcia; at Gangland with Edu Manzano, Ryan Eigenmann at Jason Salcedo.

Nami-miss na rin daw niya ang pag-arte. Kaya gusto niyang sumabak ulit sa paggawa ng pelikula. Interesado rin daw siya pagpo-produce.

"Oo, kasi nakahanda na kami. Kami na rin ang magpo-produce ng pelikula, kami na lahat. Nakaplano talaga 'yan. Inuna lang namin na magpaputok ng kanta. Tapos pelikula na, kasi mainit ka na ulit, di ba?"

Existing na ba ang sarili niyang production company?

"Bubuuin pa lang namin. Pero siyempre, hindi ko naman makakalimutan ang Viva Films. Malaki rin ang utang na loob namin kay Boss Vic [del Rosario], parang tatay ko na yun na gumagabay sa akin, e. Kaya Viva pa rin ang magre-release or distribute ng movie namin."

May konsepto at istorya na ba siyang naisip para sa gagawin niyang pelikula?

"Meron na. Actually, ang daming nagbibigay ng istorya sa amin. Si Bro, si Andrew E., may kuwento din siya. Pagtutulung-tulungan na lang ng barkada."

So, posibleng makasama niya sa movie si Andrew E.?

"Oo, siyempre, why not? Kasi malakas kami sa masa, e."

May naiisip na rin ba siyang pangalan ng kanyang magiging leading lady sa pelikula?

"Marami kasi ngayon, e. Gusto ko si Tita Shawie, Sharon Cuneta pa rin. Kasi hindi na alanganin yun. Imposibleng hindi panoorin yun kung ganun kalakas ang kasama mo sa pelikula, e, di ba? Sa madali't sabi, siyempre kukuha na ako ng sigurado akong kikita, yung may halaga. Kung hindi pwede si Tita Shawie, puwedeng si Kris Aquino. Idol ko rin yun, e. At saka malakas din ang hatak niya sa mga tao."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayaw niya ba sa mga younger actress katulad nina Marian Rivera, Angel Locsin, Cristine Reyes?

"'Yan, 'yan mga ganyan, puwede rin."

Pagdating naman sa telebisyon, naghihintay lang daw siya ng offers mula sa mga malalaking networks.

Ano ang message niya sa mga fans niya sa kanyang pagbabalik?

"Sa mga fans ko... meron pa ba? Kung meron pa, nainip ba kayo? Ngayon, hindi na kayo maiinip. Sama-sama tayong magsayawan, kumanta sa mga bagong kanta ng inyong lingkod. Kalimutan na ang iyakan. Namnamin na lang ang tuwa at indayog ng mga awitin ko."

Sa mga detractors naman niya, may mensahe ba siya?

"Sa mga detractors, dyusko, ibahin n'yo naman ang style n'yo. Maganda siguro para maiba ang style n'yo sumabay kayo sa tiyempo, iindak n'yo. Try n'yo yung kanta ko para mapansin ko kayo."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN