SexBomb Sunshine Garcia becomes an instant millionaire after winning in Power of 10

"Kapag sumasali naman ako ng mga game show, hindi ko iniisip na mag-win ako. Bahala na ang Diyos kung hanggang saan ako makarating, di ba? Ang importante ay nag-enjoy ako sa paglaro. Kaya noong umabot ako sa one-million round ng Power of 10, talagang nawalan ako ng poise!" says Sunshine Garcia.


Naranasan na ni SexBomb member Sunshine Garcia ang maging isang milyonarya nang manalo siya ng isang milyong piso sa game show na Power of 10 kamakailan.

Kuwento ni Sunshine sa PEP (Philippine Entertainment Portal), noong sumali siya sa naturang game show ng GMA-7 na hinu-host ni Janno Gibbs ay hindi niya inisip na mananalo siya. Basta sumali siya at kung umabot man siya sa final round ay ipasasalamat daw niya 'yon sa Diyos.

"Kapag sumasali naman ako ng mga game show, hindi ko iniisip na mag-win ako. Bahala na ang Diyos kung hanggang saan ako makarating, di ba? Ang importante ay nag-enjoy ako sa paglaro. Kaya noong umabot ako sa one-million round ng Power of 10, talagang nawalan ako ng poise!

"Noong umpisa, wala lang, pa-easy-easy pa ako. Pero noong bandang huli, pumapadyak na ako, tumatalon-talon na ako, hindi na ako makapagsalita at wala na akong marinig sa paligid. As in namanhid ang buong katawan ko at kahit sarili kong boses hindi ko na marinig. Gano'n pala ang feeling kaya para na akong luka-luka noong araw na 'yon!" masayang kuwento ni Sunshine.

May tsansa pa sanang umabot ng P10 million ang mapapanalunan ni Sunshine, pero pagkatapos niyang makuha ang P1 million ay umayaw na siya. Ang SexBomb dancer ang kauna-unahang contestant na nakapag-uwi ng isang milyon sa Power of 10.

Naging inspirasyon din ni Sunshine ang kanyang ama na nakasama niya sa entablado ng Power of 10. Nandoon din sa studio ang mga kapatid niya para suportahan siya.

"Nakadagdag nga sa kaba ko ang tatay ko kasi akala ko aatakihin sa puso!" sambit ng SexBomb dancer. "Kasi nga, na-tense din siya sa paglaro ko at hindi ako makapagdesisyon. Kaya sumakit daw ang batok niya, kaya sobrang nag-worry ako kasi kung manalo man ako, baka sa ospital lang mapunta lahat dahil may nangyari sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero noong umokey na ang pakiramdam niya, sinabi na lang niyang ako na ang mag-decide. Kung para sa akin, para sa akin. Kaya noong manalo nga ako, talagang sobrang tuwa ko kasi ka-share ko ang tatay ko sa panalong 'yon. At talagang nagpapasalamat ako kay God kasi magandang regalo ito para sa family namin."

Balak ni Sunshine na bigyan ng negosyo ang kanyang ama. Mahilig daw kasi itong magluto kaya baka isang carenderia o canteen ang iniisip nilang gawing negosyo.

"Retired na kasi si Tatay kaya wala siyang ginagawa," banggit ni Sunshine. "Pero gusto niya yung magluto-luto kaya iniisip namin na magtayo ng negosyo na may kinalaman sa pagkain. Expert kasi si Tatay sa pagluluto."

Para sa pangsariling gastos naman ni Sunshine, wala pa raw siyang naiisip dahil kumpleto naman daw siya sa mga gamit niya at may nasimulan na siyang maliit na negosyo.

"Gusto ko sanang bumili ng bagong sasakyan para sa aming lahat. Pero gusto ko munang palaguin yung pera kaya inenegosyo ko rin siya. Meron naman na akong maliit na business bago pa man ako nanalo sa Power of 10 kaya baka magdagdag pa ako sa negosyo kong 'yon mula sa napanalunan ko," saad Sunshine Garcia.

Kasama si Sunshine sa cast ng Season 24 ng Daisy Siete na "My Shuper Sweet Love."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN