Dorothy Laforteza insists daughter Sunshine Dizon is not pregnant

"Hindi totoo 'yan. Palagi na lang siyang buntis every year... every month na lang buntis. Sa tuwing magkasakit 'yan, buntis. Hindi totoo 'yan," says Dorothy Laforteza about reports that her daughter Sunshine Dizon (in photo) is pregnant


Nagpaunlak ng interview ang ina ng young actress na si Sunshine Dizon na si Dorothy Laforteza kaninang tanghali, October 15, sa radio program na Wow! Ang Showbiz! sa DWIZ. Via a phone patch, ipinahayag ni Laforteza ang kanyang saloobin at reaksyon sa mga kontrobersyang nakakulapol ngayon sa anak.

Totoo ba na nalungkot siya at umiyak nang mawala sa Tinik Sa Dibdib si Sunshine?

"Hindi," agad na sagot ni Mommy Dorothy.

Totoo bang buntis ang kanyang anak?

"Buntis?" balik-tanong muna niya. "Hindi totoo 'yan. Palagi na lang siyang buntis every year... every month na lang buntis. Sa tuwing magkasakit 'yan, buntis. Hindi totoo 'yan.

"You know why? Hindi ba nagkasakit siya? With all the CT scan, executive check-up, urine [test], everything... Kung buntis ka, malalaman 'yon. Nung nasa Medical City siya, nagtatawanan ang mga nurses do'n. Ngayon sa Cardinal siya, nagtatawanan na naman ang mga tao. Hindi totoo 'yan. Bahala silang mag-isip sila. Palagi namang buntis 'yan, e. Everytime magkasakit, buntis."

Biro pa ng nanay ni Sunshine, "Sana mabuntis na para magkaapo na ako na maganda at matalino katulad niya!"

Handa naman daw si Dorothy kung mag-aasawa na ang anak. Aniya pa, "Hindi naman ako naghahangad na ang anak ko, e, makakita ng mayaman or influential people. Hindi ko hinahangad 'yan, kasi bata pa naman, hindi naman siya gano'n kahirap, you know what I mean.

"Ang hinahangad ko lang ngayon, yung taong responsable na maganda ang background. Hindi yumaman sa pangingikil, hindi yumaman sa kalokohan, responsible sa family at husband. At mamahalin niya ang anak ko katulad ng pagmamahal ko na sobra. Mahal na mahal ko siya kesa sa sarili ko. Sana makakita siya ng gano'n."

Patuloy ni Dorothy, "Sa kaibigan naman, sana makakita siya ng kaibigan na totoo na pinaghirapan ni Sunshine, na iniyakan ni Sunshine. Mahal na mahal niya ang mga kaibigan niya. Pero hindi siya makatagpo ni isa, kasi palagi siyang iniinggitan."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bakit ba sakitin si Sunshine?

"Ang sakit niya talaga migraine, sa likod, yung spinal niya nalalamigan. Tapos emotional siya, madamdamin siyang talaga," ani Mommy Dorothy.

Nabanggit din ng ina ni Sunshine na welcome pa rin ang anak na bumalik sa morning show na Unang Hirit. "Sabi ng Unang Hirit, welcome siya anytime, pero gusto niya [Sunshine] complete rest," ayon pa kay Mommy Dorothy.

Natuwa raw ang staff ng Tinik Sa Dibdib sa pagkawala ni Sunshine sa show?

"Hindi. Hindi sila natuwa," agad niyang tugon. "Malungkot nga sila, e."

Mariin ding itinanggi ni Dorothy na naging unprofessional ang anak. Iniisa-isa pa nito ang mga naging project ni Sunshine na kahit daw ulanin at arawin ang young actress ay hindi ito nagrereklamo. Kung nagkaroon man daw ng pagkakataon na may hindi nagustuhan ang anak, 'yon ay sa script sa isang character na ginampanan ni Sunshine.

Sa sunud-sunod na intrigang ibinabato sa anak, ngayon lang din daw nagsalita si Dorothy. "Hindi ako kumakampi dahil anak ko, it's time na magsalita ako. Hindi ako natatakot. Kahit anong naririnig namin, hindi ako kumikibo dahil they will realize later on."

Ano ang message niya sa mga detractors ni Sunshine?

"Magsikap na lang kayo. Ang masama, 'wag n'yong gayahin kay Sunshine. Ang mabuti, lampasan pa n'yo ang kabutihan," sabi ni Mommy Dorothy.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN