Reluctant actor Manuel Chua now enjoys budding career in showbiz

"Ako po kasi talaga, noong sumali ako sa Fear Factor, ang goal ko lang po talaga, maglaro. Ma-experience yung challenge. Hindi ko po akalain na mabibigyan ako ng break. Ang talagang naniniwala lang po na magiging artista ako, nanay ko. Kasi gusto niya, mag-artista po ako!" says Manuel Chua.


Isa sa naging top four ng Pinoy Fear Factor si Manuel Chua, along with Janna Dominguez, Marion dela Cruz, and winner Jommy Teotico. Pero masasabing masuwerte si Manuel kahit siya ang unang na-eliminate sa apat kung ang pagbabasehan ay ang nangyayari sa showbiz career niya ngayon.

Kailan lang ay nabigyan siya ng break sa ABS-CBN via Precious Hearts Romances Presents Bud Brothers, kung saan silang dalawa ni Valerie Concepcion ang naging magka-partner. Ngayon naman, siya ang kaibigang pulis ni Judy Ann Santos sa sitcom na George and Cecil at nasa Lovers In Paris din siya bilang kontrabida ni Piolo Pascual.

Nangyayari raw ang lahat ng ito sa kanya sa kabila ng katotohanan na noong sumali siya sa Pinoy Fear Factor ay hindi naman daw maging isang artista ang goal niya.

"Natutuwa po talaga ako sa mga nangyayari. Kasi, tuloy-tuloy lang po ang nangyayari sa akin ngayon. Ako po kasi talaga, noong sumali ako sa Fear Factor, ang goal ko lang po talaga, maglaro. Ma-experience yung challenge. Hindi ko po akalain na mabibigyan ako ng break. Ang talagang naniniwala lang po na magiging artista ako, nanay ko. Kasi gusto niya, mag-artista po ako!" natatawang kuwento ni Manuel sa presscon na ibinigay ng Star Magic para sa mga alaga nilang nag-celebrate ng birthday noong September at October, kabilang na nga ang dating participante ng Pinoy Fear Factor.

Hindi ba siya nahirapan sa showbiz, lalo na't wala siyang experience sa larangang pinasok niya?

"Noong una po, mahirap pong talaga kasi ang hirap po yung puyatan. Then, sobrang tagal ng taping. Pero ngayon po, nasanay na rin po," sabi niya.

Dumaan siya sa ilang acting workshops at, so far, masaya naman daw siya sa feedback sa kanyang pag-arte, tulad ng performance niya sa Maalaala Mo Kaya at sa Bud Brothers.

Pagiging character actor ba ang plano sa kanya ngayon ng Star Magic?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Actually po, gusto ko pong ma-try lahat. Ang tingin po nila sa akin, parang mabait daw po. So, tingin ko po, maganda po para sa akin na gumawa ng mga kontrabida roles dahil opposite po ng tingin nila sa akin. Challenging po."

Maganda rin daw ang mga naging experience niya working with Valerie sa Bud Brothers, sa mag-asawang Ryan Agoncillo at Judy Ann Santos sa George and Cecil, at gayundin kay Piolo sa Lovers In Paris.

"Naging close po kami ni Val. Masarap po kasi siyang katrabaho. Dumating din po si Val sa surprise birthday ko po. Minsan po, nagkaka-text pa rin kami."

Wish ni Manuel na sana ay magkaroon ng follow-up ang pagsasama nila ni Valerie sa Bud Brothers.

SINGLE DAD. Natawa lang si Manuel nang biniro namin siyang bagay sila ni Valerie dahil pareho silang mga single parents. Hindi naman kasi itinatanggi ni Manuel na may anak na siya sa kanyang dating girlfriend na ngayon ay lawyer na. Five years old na ang anak niya ngayon.

"Ngayon po, yung baby ko, nasa mommy po niya sa Nueva Ecija. Minsan naman po, basta walang schedules dito, umuuwi rin po ako sa Nueva Ecija dahil may business din po kasi ako dun. Business ko na po yun even before pa po akong mag-showbiz.

"Noong baby pa po yung anak ko, ako po yung kasama dahil yung mommy niya, nang mabuntis, nag-aaral pa. So, habang nag-aaral yung mommy niya, nasa akin po ang bata," lahad ni Manuel.

Hindi ba nahihirapan ang anak nila sa set-up nila?

"Hindi naman po," sagot niya. "Hindi naman po niya napapansin na parang hindi normal. Kasi, hindi naman namin pinapa-feel sa kanya na hiwalay ang parents niya. Ipinapakita naman po namin sa kanyang masaya kami kapag nagkakasama, lalo na kapag nagpupunta sila ng Manila, namamasyal kami."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero hiwalay na ba silang talaga ng ina ng kanyang anak?

"Hiwalay po, hiwalay po talaga. Pero hindi ko naman po sinasara. Siguro puwedeng in the future, maging kami pa rin," sabi niya.

BIRTHDAY SURPRISE. Naging masaya naman ang pag-celebrate ni Manuel ng kanyang birthday dahil sa sorpresang ibinigay sa kanya ng mga malapit na kaibigan niya sa showbiz.

Noong Huwebes, October 29, ang actual birthday ni Manuel. Wala raw siyang kaalam-alam na ginawan siya ng set-up ng mga naging kaibigan niya sa Bud Brothers at Fear Factor.

"Bale sila Direk Cathy Garcia at Direk Lauren [Dyogi], sinorpresa po nila ako at mga kasamahan ko sa Bud Brothers, like Will Devaughn, Mariel Rodriguez... Yung mga nakasama ko rin po Fear Factor na sina Savannah, Janna...

"Lumabas po kami, nag-dinner. Pero bago po yun, pinapunta po ako sa PDA house. Mag-go see raw po, so pumunta po ako. Pagdating ko, sinabihan agad ako ni Mariel na late na raw ako. Ako na lang daw po ang hinihintay. Kinabahan po ako, natakot talaga ako. Tapos, ang haba pa po ng lines na ibinigay sa akin na kailangan kong i-memorize.

"Noong take na, si John Prats, karir po talaga! Umiyak pa siya. Sobrang seryoso. Tapos, nagtaka po ako, noong si Janna, iba na yung lines niya, hindi na katulad ng nasa script. Parang sinusumbatan ako ni Janna. Si John, biglang sinabi niya na, 'Pare, sinabi ko na yung sinabi mo sa akin.' Sabi ko, 'Pare, ano yun, wala naman akong sinasabi sa 'yo.' Nagulat po talaga 'ko. Yun pala, scripted lang! Lahat sila, sabay sabi ng 'Happy Birthday,'" masayang kuwento ni Manuel.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN