Lorna Tolentino refuses to work with Chin Chin Gutierrez again

"Nalulungkot ako sa nangyari dahil hindi ko kailangan ng intriga. Mapapatawad ko siya, pero professionally, hindi ko kaya na makaeksena pa siya. Sinadya niya ang nangyari," says Lorna Tolentino (right) about Dahil May Isang Ikaw co-star Chin Chin Gutierrez (left).


Na-misinterpret ang unang pahayag ni Lorna Tolentino na huwag nang palakihin ang isyu tungkol sa pananakit sa kanya ni Chin Chin Gutierrez sa taping ng isang eksena nila sa ABS-CBN drama series na Dahil May Isang Ikaw para hindi na lumaki ang intriga.

Nakiusap si Lorna na huwag nang palakihin ang isyu dahil ayaw na niya ng intriga. Pero hindi ito nangangahulugan na walang katotohanan ang pisikal na pananakit ni Chin Chin sa kanya.

Sabunot, sampal, mga kalmot sa mukha, at bukol sa ibaba ng kanyang labi ang mga natikman ni Lorna mula kay Chin Chin.

Nang lumabas ang balita, iba ang initial reaction ng mga tao. May mga nagduda na gimik ang isyu para pag-usapan ang Dahil May Isang Ikaw. Marami namang ayaw maniwala na nangyari ang insidente dahil wala raw sa tipo nina Lorna at Chin Chin ang masangkot sa ganoong klase ng kontrobersiya.

Mali ang kanilang mga akala.

Totoong nangyari ang insidente.

Totoong nasaktan si Lorna. Totoong namaga ang kanyang mukha. Totoo na ayaw na niyang makatrabaho si Chin Chin.

Sa episode ng Dahil May Isang Ikaw noong Lunes, November 2, ipinakita ang edited confrontation scene nina Lorna at Chin Chin. Sa close-up shot sa mukha ni Lorna, kitang-kita ang mga kalmot sa kanyang mukha, isa sa ibabaw ng kaliwang mata at isang mahabang kalmot sa kaliwang pisngi.

Ang bukol sa ilalim ng labi ni Lorna ang resulta ng malaking singsing na suot ni Chin Chin sa kaliwang kamay nito. Tumama sa labi ni Lorna ang singsing na hindi hinubad ni Chin Chin nang kunan ang kanilang confrontation scene.

Ipinakita rin ang eksena na susugod uli si Chin Chin kay Lorna. Dahil half-body ang shot, hindi nahagip ng TV camera ang depensa na ginawa ni Lorna—ang pagsipa niya kay Chin Chin para hindi na ito makapanakit at kumilos pa nang wala na sa script.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ilabas n'yo na ang babaeng 'yan!" ang dapat na dialogue ni Lorna. Pero dahil sa pangangalmot na ginawa ni Chin Chin, "Ilabas n'yo ang p...i... babaeng 'yan!" ang nasabi ni Lorna dahil sa sakit na kanyang naramdaman.

Nasaktan man, tinapos ni Lorna ang eksena. Agad na kumuha ng yelo ang production staff at inilagay sa mukha ni Lorna para maagapan ang pamamaga nito.

Noong Friday, Oktubre 30, isang text message ang ipinadala ng PR Department ng ABS-CBN sa mga miyembro ng press at media, kabilang na ang PEP. Ito ang nilalaman (published as is):

"Naku, eto po ang update sa dahil may isang ikaw. Kung mapapanood nyo ang teaser today, mamayang gabi o lunes ng umaga, magaganap ang bonggang bonggang confrontation scene ni Lorna at Chinchin. Ending in sampalan and sabunutan. Dahil nadala ang dalawa sa eksena, nagkasakitan ang dalawa. In fact nagasgasan daw slight si Lorna. Pero all in the name of paggawa ng eksena. Bukas naman isang very romantic na wedding scene ang kukunan. Ikakasal na si echo at tin! Parang patapos na nakakaloka talaga ang primera klaseng teleseryeng ito!"

Inisip ng ilan na isang publicity stunt lamang ang insidente, pero gaya ng isinaad sa text message, talaga ngang "nagkasakitan ang dalawa."

NOT A PUBLICITY STUNT. Ikinalungkot ni Lorna ang nangyari dahil nasaktan na nga siya, may mga nagduda pa na publicity stunt para sa show ang pananakit sa kanya ni Chin Chin.

Hindi gimik ang insidente dahil kahapon, Nov. 3, umiyak nang umiyak si Chin Chin nang mabasa nito ang isinulat ni Ricky Lo sa Philippine Star tungkol sa confrontation scene nila ni Lorna. Nangyari ang kinatatakutan ni Chin Chin—ang maging malaking balita ang pananakit niya kay Lorna.

Nag-apologize na si Chin Chin kay Lorna. Ikatutuwa ni Chin Chin ang balita na pinatatawad na siya ni Lorna, pero ikalulungkot niya ang pahayag ng huli na hindi na ito papayag na makatrabaho siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon sa text message ni Lorna sa writer na ito ngayong araw, Nov. 4:

"Nalulungkot ako sa nangyari dahil hindi ko kailangan ng intriga. Mapapatawad ko siya, pero professionally, hindi ko kaya na makaeksena pa siya. Sinadya niya ang nangyari.

"Maintindihan sana ng lahat ang nararamdaman ko bilang isang artista. Ang gusto ko na lang na sa nalalabing buhay ko ay makapag-iwan nang maayos at matinong trabaho. Matanda na ako para sa intriga. Tanggap ko na sa paglipas ng panahon mula sa pagiging ina, magiging lola na rin ang mga trabaho na ibibigay sa akin. Maligaya ako sa success ng kapwa ko artista."

Inamin din ni Lorna na na-depress siya sa nangyari at may trauma siya na makatrabaho o makasama si Chin Chin.

Ang maigsi pero makahulugang pahayag ni Lorna sa PEP ang malinaw na pruweba na hindi publicity stunt para sa Dahil May Isang Ikaw ang isyu na kinasasangkutan nila ni Chin Chin.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN