Wendy Valdez finally admits marriage to Bruce Quebral but already planning annulment

These photos of Wendy Valdez and Bruce Quebral were sent to members of the entertainment press to prove that the two indeed got married in Mabalacat, Pampanga on March 10, 2009. After denials in her past interviews, Wendy finally admitted the fact but said they already plan to file for annulment.


Sa wakas ay inamin na ni Wendy Valdez na totoo ang matagal nang napapabalitang pagpapakasal nila ng boyfriend niya at dating co-housemate sa Pinoy Big Brother na si Bruce Quebral.

Dahil nga sa sunud-sunod na ebidensiyang lumalabas tungkol sa naganap na kasalan nila sa Mabalacat, Pampanga noong March 10, 2009—gaya ng marriage certificate at mga larawan ng kasal mismo—ay hindi na nagawa pang itago ni Wendy ang katotohanan sa kanyang live guesting sa The Buzz kahapon, November 22. (CLICK HERE to read PEP's report.)

"Yes, totoo naman po yun. Wala naman kaming balak itago siya forever. Ang ano lang kasi, parang masakit naman sa isang magulang... kasi hindi alam ng parents namin e," pag-amin ni Wendy sa interview sa kanya ni Ruffa Gutierrez.

Bakit hindi alam ng parents nila na ikinasal sila?

"Kasi, basically, ayaw talaga ng mommy ko na mag-asawa ako," sagot ni Wendy. "At saka hindi naman lingid sa lahat, alam naman nila yung sitwasyon namin. Pareho kaming breadwinner. Nagkakaroon din kami ng mga problema. Ayaw naman namin na doon mapunta yung blame sa pagpapakasal namin.

"As a matter of fact, kahit na nagte-taping tayo [nagkasama sila ni Ruffa sa I Love Betty La Fea] napapansin mo, never kong tinanggal yung wedding at engagement ring ko. Kahit na pinapatanggal na siya ng direktor, lagi ko pa rin siyang sinusuot. Tinanggal ko lang siya noong nag-usap kami [ni Bruce]. Napag-usapan namin na mag-move on kami separately. Pero lagi ko siyang sinusuot dati."

Sinadya raw nila na itago ang katotohanan sa publiko dahil gusto nga nilang mauna sanang ipaalam nila ito sa kanilang mga mahal sa buhay.

"Kasi ang sakit naman yun sa isang magulang na nauna pa naming sabihin sa taumbayan kaysa sa magulang namin. Siyempre, kinukuha namin yung tamang timing kung paano namin sasabihin at saka kung kailan. So, gusto namin talaga sa mga magulang muna namin, sa mga taong malalapit sa amin. Dun muna sana," paliwanag niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero hindi na raw nagawang sabihin ni Wendy sa mommy niya ang tungkol sa kasalan. Aniya, "Actually, hindi ko sinabi. Nakita niya lang yung [marriage] certificate. Hindi ko talaga kasi alam kung paano ko sasabihin. Sobrang nasaktan siya. Sobrang umiyak siya. Ang hirap din talaga."

PROBLEMATIC RELATIONSHIP. Tila alanganin naman ang sagot ni Wendy nang tanungin ni Ruffa kung nasaan si Bruce ngayon.

"I think nasa Dubai siya ngayon."

At dahil nga sa hindi siguradong sagot ni Wendy ay sinimulan na siyang intrigahin ni Ruffa, "You think? Ba't hindi mo alam? Di ba, mag-asawa na kayo? Are you guys okay kasi four months pa lang into the relationship, July 2009, may mga reports na hiwalay na raw kayo. So, for the record Wendy, ano ba ang status ng marriage niyo ni Bruce ngayon?"

"Kasi ganito... Noong pagkalabas namin ng PBB, iba e... palagi kaming magkasama. Kumbaga, siguro marami namang taong nagmahal, alam niyo yung feeling na parang umikot na lang yung mundo niyo sa isa't isa, ganun kami. Nung umalis siya, for three months hindi siya puwedeng..."

"Kailan siya umalis?" singit na tanong ni Ruffa.

"December yata or November of 2008. So, hindi kami nagkikita. Almost every night na nag-uusap kami, nag-iiyakan kami. Hirap-hirap kami. 'Pag nagte-taping ako, alam mo yun, lagi akong tulog lang, nagmumukmok ako. So, wala kaming makitang paraan kung paano kami magkikita. The only way is kapag nagpakasal kami. Makakapunta ako doon back and forth. So, nag-rush kami doon," ani Wendy.

Para sa mga hindi nakakaalam, pumunta ng Dubai si Bruce para magtrabaho roon bilang flight attendant. Sa Dubai na naka-base si Bruce habang nasa Manila naman si Wendy. At aminado si Wendy na mahirap para sa kanila ang long-distance relationship.

"Sobra kaming nahirapan dahil nga, as I've said, umikot yung mundo namin sa isa't isa. So, parang after... sinabi ko rin kasi sa kanya, e, it's my fault. Aminado naman ako doon. Kasi naramdaman ko days before on the day itself, yung dapat na honeymoon namin sobrang bothered ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Saan kayo nag-honeymoon?" singit na tanong ulit ni Ruffa.

"Sa Boracay," tugon ni Wendy. "Sobrang bothered ako. First time namin nag-Boracay na lagi akong nakatulala. Yun ang problema, kasi feeling ko hindi pa talaga ako ready. Pakiramdam ko, hindi pa ako mature. And then, akala ko kasi, sabi ko naman, 'Ano naman ang ida-doubt ko, mahal ko naman itong taong ito?' Parang, 'Kaya namin sigurong bunuin kahit anong dumating na problema.'

"Kaya lang, alam mo yung reyalidad ng buhay na after naming ikasal, parang doon na nag-sink in ang mga reality na ang buhay, hindi parang fairy tale na 'pag naghalikan ang mga bida, happily ever after na. Isa-isa nang nagdadatingan yung mga problema."

PLANNING FOR ANNULMENT. Dahil nga sa mga kinaharap nilang mga problema ay nag-usap sila na maghiwalay muna. Pinag-uusapan din nila ang pagpa-file ng annulment.

"May plano kaming mag-file. Pinag-uusapan pa namin. Nakakatawa kasi sobrang sandali pa lang, e. Mas okay kami noong hindi pa kami nagpapakasal.

Sinubukan pa raw nila ni Bruce na ayusin ang pagsasama nila.

"Pinag-usapan namin 'yan. Pumunta pa ako ng Dubai, e. Nag-stay ako doon for a week. Pinag-usapan namin 'yan. May days kami, may times kami na hindi kami natutulog. Pinag-uusapan namin. Sobrang hirap. Tapos gusto naming i-work out. Trinay namin, pero after parang alam mo yung we're drifting apart," saad ni Wendy.

WILL IS NOT THE THIRD PARTY. Nilinaw rin ni Wendy ang mga balitang may third party involved daw sa part niya kaya sila naghiwalay ni Bruce. At ang itinuturong third party ay si Will Devaughn, na nakasama ni Wendy sa panghapong programa ng ABS-CBN na Precious Hearts Romances Presents Bud Brothers.

"Sobrang nahihiya po ako na nadadamay siya [Will] sa isyu na ito. Kung anuman yung kaguluhan namin, ayoko nang mangdamay pa ng ibang tao dito. Sa aming dalawa na lang po ni Bruce ito."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Magkaibigan lang daw sila ni Will.

"Sobrang [naging close] kaming lahat sa Bud Brothers. And never naman kaming lumabas na kami lang dalawa. Palagi naman kaming maraming kasama. So, sana hindi na siya madamay pa sa isyu," pakiusap ng sexy actress.

Nasa kanilang dalawa daw ni Bruce ang problema. Sinisisi rin ni Wendy ang pagiging immature daw niya.

"And nung nag-usap kami ni Bruce, na pinag-usapan namin yun pag-uwi. Parang we're just drifting apart. Siguro kailangan muna naming mag-grow personally. Ako, feeling ko napaka-immature ko pa. Sana maging aral po sa mga bagets, na pag-isipan n'yo pong mabuti ten thousand times, one million times n'yo po pag-isipan. Makinig po kayo sa mga magulang n'yo. Alam na alam ko po lahat ng mga pagkakamali ko. Inaamin ko po 'yan. Sana po pag-isipan n'yo pong mabuti bago kayo magdesisyon. Kasi sobrang okay namin nung hindi pa kami nagpapakasal, e."

MESSAGE FOR BRUCE. Sa huli, hiningan ni Ruffa si Wendy ng mensahe para kay Bruce.

"Ayoko nang umiyak, napapagod na ako. Marami akong natutunan sa iyo and I'm sure ikaw din sa akin. Sobrang nagpapasalamat ako na dumating ka sa buhay ko. Never kong pinagsisihan kung anuman yung mga... kahit anuman yung mga hinarap ko o hinarap mo dahil sa relasyon natin. Sobrang nagpapasalamat ako na dumating ka sa buhay ko. Mabuti kang tao. I will always remember you. You will always be in my heart."

May mensahe rin si Wendy sa publiko.

"Sa mga taong sobrang pinagkatiwalaan ko, sana hanggang ngayon iniisip ko, pinanghahawakan ko hanggang ngayon yung sinabi niyo sa akin na mahal niyo ako habang ang daming taong nagagalit sa akin.

"Sana intindihin niyo kung nagkakaroon man kami ng problema ni Bruce ngayon. Sana bigyan niyo muna kami ng pagkakataong mag-grow. Hayaan niyo po kaming ayusin. Huwag po sana nating ipilit ang mga bagay. Sana po bigyan niyo lang po kami ng pagkakataon. And maybe, just maybe, kung maging masaya kami sa mag sari-sarili namin, malay niyo baka kung para kami sa isa't isa it [love] will find a way."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN