Coco Martin wins his first TV award for Tayong Dalawa

"Sabi ko nga, kung ano man yung mga pinagdaanan ko, lahat ng mga pelikulang ginawa ko, sobrang proud ako kasi ito yung bunga din, e. Kung ano man yung mga batikos sa akin na hindi magaganda, wala akong pakialam do'n. Kasi ang importante sa akin, lagi kong pinagbubuti ang trabaho ko," says Coco Martin who was named Best Drama Actor in the recently concluded Star Awards for TV.


First time na-nominate si Coco Martin bilang Best Drama Actor, para sa primetime teleserye ng ABS-CBN na Tayong Dalawa, at pinalad na manalo ng parangal sa katatapos na 23rd Star Awards for Television 2009 ng Philippine Movie Press Club (PMPC). Halos walang pagsidlan ng tuwa ang aktor nang personal na tanggapin ang kanyang tropeyo noong Linggo, Nobyembre 29, sa Pagcor Grand Theater, sa Parañaque City.

May delayed telecast ang awards proceeding sa Sunday's Best ng ABS-CBN, pero most of the acceptance speeches ay edited na. Mag-aalas-tres na ng umaga nang mapanood ang bahaging tinawag na winner si Coco at maikling bahagi lang ng kanyang talumpati bilang pasasalamat ang naisahimpapawid.

COCO'S COMPLETE SPEECH. Nasa Pagcor Grand Theater ang PEP (Philippine Entertainment Portal) nang gabing 'yon at naitala namin ang kabuuan ng mahaba't makabuluhang acceptance speech ng award-winning young actor.

Here's Coco Martin:

"PMPC, maraming maraming salamat po sa pagtitiwala, sa award na ibinigay niyo po sa akin. Sa totoo lang po, hindi ko naman po talaga hinangad na maging artista. Ang hinangad ko po talaga, gusto ko talagang mag-TNT sa abroad..."

Natawa ang audience sa binanggit na ito ni Coco, pero ito ang totoo mula noong 2005 nang mailunsad siya bilang lead actor sa indie project na Masahista. Since then, nagkasunud-sunod na ang mga prestihiyosong indie movies na pinagbidahan ni Coco Martin, earning for himself the title "Indie Prince."

Coco continues, "...kung bakit ko tinanggap yung mga pelikula ko sa indie, dahil ninais ko talagang makapag-travel sa abroad, para makakita ng tamang bansang pupuntahan kung saka-sakaling gusto ko nang mag-settle sa buhay. Hindi ko po inaakala na ito pala ang mundo na inilaan po para sa akin.

"Nagpapasalamat po ako sa mga kasamahan ko sa trabaho, sa indie, lalung-lalo na [sa] mentor ko, si direktor Brillante Mendoza. Maraming-maraming salamat po dahil sa paghubog niyo sa akin at pagbibigay niyo sa akin ng malalim na pang-unawa sa paggawa ng pelikula.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nagpapasalamat po ako ng maraming-marami kay Direk Andoy Ranay. Napakalaki ng utang na loob ko sa kanya dahil siya po yung nagbukas sa akin ng pinto sa ABS-CBN para mabigyan ako ng oportunidad na makapagtrabaho.

"Nagpapasalamat po ako kay Sir Gabby Lopez, kay Ms. Charo Santos-Concio, kay Ms. Cory Vidanes, kay Ms. Linggit Tan, kay Sir Deo Endrinal, sa Corp Group, maraming-maraming-maraming salamat po!

"Sa lahat po ng bumubuo ng Tayong Dalawa, sa dalawang napakahusay na nagdirek po sa amin—Direk Ruel [Bayani], Direk Trina Dayrit—maraming salamat.

"Sa lahat ng mga AD [assistant director], cameramen, sa lahat ng staff and crew, mga kasama kong artista... Sa pinakamamahal kong si Gina Pareño, sa best friend kong si Alessandra de Rossi, at dalawa kong 'kapatid' na sina Gerald Anderson at Jake Cuenca, kay Kim Chiu, sa 'nanay' kong si Ms. Cherry Pie Picache; sa lahat po ng mga artistang bumubuo nito [Tayong Dalawa], maraming maraming maraming salamat po!

"Mom and Dad, thank you so much.

"Sa manager ko, kay Sir Biboy [Arboleda], thank you so much!

"Star Magic, Mr. M [Johnny Manahan], Ms. Mariole [Alberto], maraming salamat po sa pagtitiwala.

"Sa lahat po ng mga taong nanood at tumatangkilik sa amin, sana po abangan niyo... bigla daw akong nag-promote!" natawa si Coco sa sarili, "...Kung Tayo'y Magkakalayo, sana po ma-achieve din namin kung anong na-achieve ng Tayong Dalawa."

"Maraming-maraming salamat po," pagtatapos ng talumpati ni Coco.

SHARING HIS AWARD WITH GERALD & JAKE. For the record, tumagal ng siyam na buwan sa himpapawid ang Tayong Dalawa. Bilang si Ramon, ang panganay sa tatlong anak na lalaki ni Cherry Pie Picache, mapanghamon ang naging papel ni Coco dahil siya ang nalihis ng landas at natutong lumaban maski sa kanyang mga kadugo at maging sa batas. For which he was rewarded with a best drama actor award mula sa PMPC.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

After the ceremonies and the obligatory pictorial of winners, nag-stay pa si Coco para sa interview at snapshot requests from the press and fans. Tuwang-tuwa talaga si Coco nang gabing 'yon.

Kanino iniaalay ni Coco ang una niyang award sa telebisyon?

"Para sa family ko," aniya, "and then, yun nga, sabi ko, sa lahat ng mga katrabaho ko sa industriya, sa lahat ng mga kasamahan ko sa indie. Kasi kung hindi dahil sa kanila, I'm sure hindi ko mararating ito dahil dun ako nahubog."

Inamin ni Coco na hindi biro ang kaba na naramdaman niya, knowing na napakahuhusay rin ng mga aktor na kabilang sa nominees bilang Best Drama Actor—sina Gerald Anderson (Your Song Presents: My Only Hope), Christopher De Leon (Kahit Isang Saglit), Baron Geisler (SRO Cinemaserye Presents: Suspetsa), Albert Martinez (May Bukas Pa), Diether Ocampo (Iisa Pa Lamang) at Jericho Rosales (Kahit Isang Saglit).

"Actually, sobrang kabado ako. Hindi ko ine-expect. Hindi na ako umaasa. Happy na ako na nandito kami ni Mommy Gina. Nung nalaman namin na nominated kami pareho, kumbaga, gusto lang namin um-attend, e. Gusto lang namin maging proud para sa Tayong Dalawa," saad ng aktor.

Earlier that evening, magkakasama nga sa isang row ang mga kabilang sa cast ng Tayong Dalawa. With Coco and Gina were Gerald Anderson and Alessandra de Rossi. They were cheering as each cast member of Tayong Dalawa was called as nominee. At sport din silang pumalakpak when their series lost to May Bukas Pa as best primetime TV series. ABS-CBN drama series din naman ang nagwaging pinakamahusay.

When his name was called as winner, Coco was congratulated by Alessandra and Gerald. Both were happy for the victory of their co-actor. At magandang gesture ito ng pagsasamahan ng magkakasama sa Kapamilya network.

Sabi rin ni Coco, "Sa akin kasi, hindi ko iniisip yung popularity. Sa akin, everytime na lumalaban ako, dun ako lagi sa produkto na ginagawa ko... sa Tayong Dalawa. Basta naka-focus, pinagbutihan ko yung trabaho ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Concerned din ako sa mga katrabaho ko, like kina Jake, kina Gerald. I'm sure, sila rin, deserving din sila na tumanggap ng trophy. Kumbaga, para sa amin ito."

Sa haba ng kanyang acceptance speech, nakakatuwang mayroon pa raw nakalimutan si Coco.

"Ang dami! Actually, gusto ko ngang pasalamatan yata ang buong mundo, e!" kuwelang banggit niya. "Pero dahil sa taranta ko, sobrang kaba ko, hindi ko na alam kung anong lumalabas sa bibig ko. Sobrang saya ang naghahalo."

FROM INDIES TO MAINSTREAM TV. Pagkakataon din ito na pasalamatan ni Coco ang mga taong naging bahagi ng mga pelikulang independent o indie features kung saan nagtamo siya ng mga parangal, na kadalasa'y hindi niya nadadaluhan ang mga seremonyas, tulad noong 2006 (Young Critics Circle Best Actor, para sa Masahista ni Brillante Mendoza) at nitong 2009 (Gawad Urian Best Supporting Actor, para sa Jay, ni Francis Xavier Pasion). Earlier this year, nanalo ring Best Supporting Actor si Coco, also for Jay, sa Golden Screen Awards ng Enpress.

From indies to mainstream television ay malayu-layo na rin ang nararating ng popularity ni Coco Martin. At malaki ang pagpapahalaga niya sa pangyayaring ito.

"Sabi ko nga, kung ano man yung mga pinagdaanan ko, lahat ng mga pelikulang ginawa ko, sobrang proud ako kasi ito yung bunga din, e. Kung ano man yung mga batikos sa akin na hindi magaganda, wala akong pakialam do'n. Kasi ang importante sa akin, lagi kong pinagbubuti ang trabaho ko."

Wala ngang hinto si Coco mula last year nang mabigyan ng pagkakataon ng ABS-CBN, for which he's been so thankful. "Lalo na kay Direk Andoy Ranay, na siya ang naglakas-loob para sugalan ako sa unang-unang soap na ibinigay niya sa akin, yung Ligaw Na Bulaklak. Thankful ako sa kanya dahil kung hindi dahil sa kanya, I'm sure hindi pa rin ako makakapasok," saad niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa ABS-CBN ay bida rin ngayon si Coco sa afternoon drama series na Nagsimula Sa Puso opposite Maja Salvador.

"Excited din ako sa Nagsimula Sa Puso," banggit ni Coco. "Ang ganda rin ng role ko kahit na lagi akong nalilinya sa pagiging... medyo bad yung mga role ko."

Na nandun din ang challenge, tulad sa pagganap niya bilang si Ramon in Tayong Dalawa.

"Maraming salamat sa pagtitiwalang ibinigay n'yo sa akin, hindi ko po ito makakalimutan," muling pasasalamat ni Coco sa PMPC.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN