Ynna Asistio on her relationship with Mark Herras: MU but not exclusively dating

"After ng debut kasi, wala pa naman talagang official na sinasabi si Mark sa family or sa daddy ko na liligawan niya ako. Pero kami ni Mark, siguro po, nandun pa rin kami sa level na MU [mutual understanding]," says Ynna Asistio about the status of her relationship with Mark Herras.


Tila nakakabit na ang pangalang Mark Herras sa young actress na si Ynna Asistio. Tulad na lamang sa press conference ng Sana Ngayong Pasko noong Martes, December 1, halos lahat ng mga tanong sa young actress ay may kinalaman kay Mark.

Isa na rito ang tanong kung ano ang naging reaksiyon niya at kung naapektuhan ba siya sa tsismis na kesyo may nabuntis daw na dancer si Mark. (CLICK HERE to read related story.)

"Hindi. Kasi po, noong malaman niya agad ang tsismis, itinawag na agad po niya sa akin at kay Mama [Nadia Montenegro]. Sinabi po niya na may lalabas na isyu. Kaya noong lumabas po sa TV, wala... Kaya okey na rin po na sinabi niya agad sa amin ni Mama," lahad ni Ynna sa PEP (Philippine Entertainment Portal).

Bakit may gano'ng move agad si Mark sa kanila ng mama niya? Kinakabahan ba si Mark na malaman nila ang isyu sa iba?

"Ewan ko. Siguro po kasi mas okey kami ngayon ni Mark kesa dati. Mas close, mas sobrang malapit po sa isa't isa," sagot ng dalaga.

May kasunduan na ba sila ni Mark na kung may isyu sa kanila ay ipapaalam muna nila sa isa't isa bago pa ito lumaki at malaman sa iba?

"Usapan po namin na sasabihin na po namin sa isa't isa bago pa lumaki ang isyu," sabi ni Ynna.

Tinanong ng PEP si Ynna kung ano ang reaction niya kapag sinasabi ni Mark na nakikita pa rin niya ang possibility na baka sa huli ay sila pa rin pala ng ex-girlfriend niyang si Jennylyn Mercado ang magkatuluyan. Nagseselos ba siya?

"Wala, e," nakangiti niyang sabi. "Siguro kung kami, puwedeng meron. Pero hindi ako nagseselos kay Jennylyn. At saka, ano, e, sobrang naiintindihan namin ang isa't isa. Lalo na pagdating sa trabaho at pagdating sa personal life."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

MUTUAL UNDERSTANDING. Pagkatapos ba ng debut niya naging "mas okay" sila ni Mark?

"No. After ng debut kasi, wala pa naman talagang official na sinasabi si Mark sa family or sa daddy ko na liligawan niya ako. Pero kami ni Mark, siguro po, nandun pa rin kami sa level na MU [mutual understanding]," paliwanag ni Ynna.

Ibig ba niyang sabihin ay nagkakaintindihan na sila ni Mark kung anuman ang feelings nila for each other?

"Opo," nakangiti niyang pag-amin. "Basta po yung sa amin lang ni Mark, okey kami. Okey kaming dalawa, pero hindi kami nagmamadali sa kahit na anong bagay."

Gaano na katagal yung paging "mas okay" nila ngayon?

"Nagsimula po yun after ng birthday ko. So, siguro po, mga three months po."

Special daw sila sa isa't isa, pero walang usapan na sila na. Hindi rin daw niya masasabing exclusively dating na sila.

"Hindi ko po ma-explain," sabi ni Ynna. "Pero never pa po na lumabas na kaming dalawa. Madalas po kasama yung family ko. Minsan naman nasa bahay siya, wala ako. Alam niyo yun... Kung official na kami, lalabas kami na kaming dalawa lang.

"E, hindi rin naman po ako puwede. Pero sabi ko nga po kay Mommy, hindi porke 18 [na ako], pinayagan na niya ako, e, magmamadali na akong magpaligaw kung kani-kanino."

Thrice a week daw kadalasan kung magkita silang dalawa. "Pero sobrang busy po na kung minsan, hindi na kami nagkakatugma," aniya.

Nararamdaman daw niyang espesyal naman siya kay Mark at ganun din daw ito sa kanya.

"Kasi sino ba naman ang hindi magkakagusto sa isang lalake na ang tagal na nagtiyaga sa 'yo? Ang tagal na, pero nandiyan pa rin. Ilang taon na ako, nandiyan pa rin siya!" natatawang sabi nito.

MARK AND YNNA'S FAMILY. Makakaya kaya niyang ipaglaban si Mark, lalo na sa daddy niya na si former Caloocan mayor Boy Asistio?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ay, sa daddy ko po, ibang usapan na po yun. Si Daddy ko po, kung minsan nagtatanong siya. Sa amin kasi, wala kaming kailangan sabihin kay Daddy kasi wala pa naman talaga. Alam niyang barkada kami. Nakikita naman ni Daddy. At saka kapag magkasama kami, wala kaming sobrang sweetness talaga. Para kaming magkabarkada talaga kahit sa harapan ng family namin," sabi ni Ynna.

Sa palagay daw niya, magkasundo naman ang daddy niya at si Mark.

"Ay, opo, okey po sila... Kahapon nasa taping po ako, tapos tinawagan ni Mama si Mark kasi sabi raw ni Daddy, gustong makainuman si Mark. So, yun, nag-inuman sila. Pero hindi ko na rin po sila inabutan kasi late na rin po akong umuwi," kuwento niya.

Naa-appreciate daw ni Ynna ang pagiging malapit ni Mark sa pamilya niya.

"Sobrang naa-appreciate ko yung ginagawa niya. At parang sobrang laki rin ng respeto ko na ilang taon na siyang nandiyan."

Posible rin daw na ngayong Pasko ay magkasama sila ni Mark tulad noong nakaraang taon.

"Actually po, pumunta siya after ng celebration ng family. At saka ganun po talaga sa amin. Maraming nagte-text kay Mommy na, 'O, ano ang meron sa inyo diyan?' So, ang dami rin pong nagpupunta, hindi lang si Mark."

MARK AS LEADING MAN. Tuluy-tuloy na raw si Ynna sa pagpasok sa showbiz. And if given a chance, gusto niyang makasama o makapareha si Mark in one of her future projects.

"Actually po, sa isang interview, tinanong nga po ako kung sino ang gusto kong maka-partner. Ang sabi ko po talaga, it's either JC de Vera or Mark Herras. Sila po kasi ang ka-close ko rito," sabi ng young actress.

Although with JC, natupad na ang wish niyang ito dahil pangalawang pagtatambal na nila ngayon ang Sana Ngayong Pasko. Una ay sa "Special" episode ng weekly drama anthology na Dear Friend.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi ba niya naisip na pag pinagtambal sila ni Mark ay maging disadvantage pa sa kung anumang closeness meron sila ni Mark ngayon?

"Okey sa amin pareho yun, lalo na sa akin. Yun nga, sobrang comfortable na ako na feeling ko kapag umarte ako, sanay na kaming nag-uusap na walang camera."

WORKING WITH THE QUEEN. Masaya si Ynna na pagkatapos ng Dear Friend ay nakasama naman siya sa Sana Ngayong Pasko.

"Sabi ko nga po kay Mommy, itutuloy-tuloy ko na 'to. Pero ang promise ko rin naman po sa kanila, na kahit na anong mangyari, ipagpapatuloy ko pa rin po ang pag-aaral ko. Second year college na po ako ng Masscom sa CEU [Centro Escolar University] Manila kaya sayang naman po."

How does it feel working with Ms. Susan Roces?

"Hindi ko pa nga po sila nakakaeksena. First taping ko, hindi ko po sila kasama. Kahapon naman po, hindi ko po sila kaeksena, pero parang, 'Hello po.' Tapos, nagpa-picture pa po ako. Sabi ko, 'Puwede pong magpa-picture?' Tapos sabi naman niya, 'Sure.'"

Pero may hindi raw siya makakalimutan sa Queen of Philippine Movies.

"Hindi ko po talaga makakalimutan yung sa storycon na sinabi niya sa akin, 'Are you the daughter of Nadia?' Ako, 'Opo.' Tapos sabi niya, 'It's a pleasure working with you.' Parang ako, 'Ano 'to?' Parang, 'Grabe, bakit ganun?' Coming from her? Grabe talaga ang hitsura ko nun!

"Tapos nung ikinuwento ko kay Mommy, sabi ko, 'Ma, yung hitsura ko para akong ewan.' Parang ang sarap ng pakiramdam at sobrang suwerte ko po na nandito ako," saad ni Ynna.

Magsisimula nang mapanood ang Sana Ngayong Pasko sa December 7.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN