Zsa Zsa Padilla on Dolphy's supposed biopic: "Kung pupuwede sana, huwag na lang gawin."

Instead of a biopic, Zsa Zsa Padilla wishes a National Artist award for Dolphy, her partner of 21 years.


Nabanggit ng aktor-direktor na si Eric Quizon sa isang panayam kamakailan ang posibilidad na gawan ng biopic ang kanyang ama, ang Comedy King na si Dolphy. Subalit aniya, hindi pa sigurado kung kailan ito mangyayari at depende pa sa kagustuhan ng kanyang tatay. (CLICK HERE to read article)

Samantala, kung tatanungin naman si Zsa Zsa Padilla, ang partner ni Dolphy, mas gugustuhin raw nitong huwag na lang ituloy ang proyekto.

Sa maikling panayam sa kanya sa press conference ng kanyang nalalapit na pelikulang Mano Po 6—na ginanap noong Disyembre 15 sa Imperial Palace Suites, sa Tomas Morato Avenue, Quezon City—ipinahayag ng Divine Diva ang kanyang saloobin sa usap-usapang paggawa ng Dolphy biopic.

"Kasi noong tinanong ko siya kung totoo bang may biopic, sabi niya, wala rin siyang alam. I think nasa planning stage pa lang. So, noong tinanong 'yon sa akin, sinabi ko na kung pupuwede sana, huwag na lang gawin. Nasa libro na naman 'yan, e. Huwag na nating gawing pelikula at saka buhay naman si Dolphy...I mean, he's still very much around so why do we need to make [a biopic]? You know, I believe that si Dolphy, marami pang gagawin. So kung gumawa ng biopic niya ngayon, it's still too early," pahayag niya.

Pero siyempre, ang partner pa rin niya sa loob ng 21 years ang magde-desisyon, "Hindi rin naman puwedeng gawin kung walang permiso ni Dolphy. Tanungin niyo si Dolphy kung gusto niya ba na gawin sa pelikula ang buhay niya. Ako, opinyon ko lang naman ang sinabi kong ayaw ko. Ngayon, kung siya, ayaw niya, wala naman tayong magagawa."

Sa halip na biopic, mas gugustuhin pa ng singer-aktres na mabigyan ng National Artist Award si Pidol (Dolphy's nickname).

"'Yan ang gusto kong mangyari!" natutuwang sambit ni Zsa Zsa.

Paliwanag ng aktres, "Kasi, siyempre, 'yan ang pinakamataas na parangal na puwedeng ibigay sa isang artist. 'Yon ang pinakamataas na parangal nga na puwedeng maibigay, di ba? So, sana makaakyat siya sa stage at siya mismo ang makatanggap nito."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

INTENSE SCENE WITH SHARON. Samantala, nang ipakita ang trailer ng Mano Po 6, isa sa mga hinangaang eksena ay ang matinding kumprontasyon nina Melinda at Olive, kung saan totoong nagsampalan sina Sharon Cuneta at Zsa Zsa.

Ayon kay Zsa Zsa, napag-usapan naman nila ni Megastar ang eksena bago pa ito kuhanan sa kamera kaya wala samaan ng loob.

Pero aminado ang award-winning actress na medyo mahirap gawin ang naturang eksena. Kuwento niya, "Nag-bruise ako talaga kasi I get bruised easily. Sa eksena, hindi mo naman talaga nararamdaman, e. Pero the next day talaga, sumakit ang panga ko. Pero ang masasabi ko lang, deserving 'yong Olive [Zsa Zsa's character] kaya naman nagawa ni Melinda [Sharon's character] 'yon. Actually, ano lang kasi, mahirap 'yong eksena kasi ako 'yong, alam mo 'yong galit na galit ka...normally galit ang kausap mo. Ito hindi, very calm siya, iba ang atake niya, e."

Para kay Zsa Zsa, bilang kontrabida, mas gugustuhin niyang magalit sa kanya ang mga manonood.

Aniya, "Sa ngayon nga sa observation ko, 'yong mga nagge-guest sa ASAP na kontrabida, kapag nagugustuhan ng mga tao ang pagpo-portray nila sa role nila, pinapalakpakan. So, kapag sinabi na, 'I hate you' or 'Galit ako sa 'yo doon sa eksena mo...' Alam na ng tao, e. I mean, we're in the 21st century, people already know...Iba na ang reaction nila."

Hindi naman daw masyadong mahirap ang kanyang pagganap sa karakter ni Olive sa pelikula. Inalala na lamang daw niya na, "Basta you have to stay true to your character. We just made sure na hindi naman one-dimensional ang character."

Ang Mano Po 6 ay isa sa mga official entry ng Regal Films para sa 2009 Metro Manila Film Festival na magsisimula sa araw ng Pasko.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN