Two months na palang break ang Brazilian TV host-model na si Daiana Menezes at ang model turned actor na si Carlo Guevara.
Kinumpirma ito ng manager ni Daiana na si Diane Zoleta sa PEP (Philippine Entertainment Portal) noong Miyerkules ng gabi, January 6. Si Diane ang managing director ng Star Models Talent Agency kung saan si Daiana ang prime talent.
"Break na sila officially, more than two months," sabi ni Diane. "Ang dahilan?... Incompatible lang talaga yung dalawa. Puwedeng cultural differences, puwedeng mas matanda kasi si Daiana kay Carlo. Puwede ring sa schedule, kasi mas maraming pinagkakaabalahan si Daiana, tapos yung isa nagsisimula lang, kasi kalilipat lang [sa GMA-7]."
Si Daiana ay 22 years old at si Carlo naman ay 20.
"Even though two years lang yung agwat nila, mature na mature na kasi yung isa kasi dahil foreigner, e. Sixteen years old pa lang si Daiana nagmomodelo na, so... very independent kumpara mo kay Carlo... Very tight kasi yung family nina Carlo... typical conservative family... so most probably... incompatibility talaga."
A HELPING HAND. Eight months daw tumagal ang relasyon nina Daiana at Carlo. Kahit hiwalay na, nananatiling magkaibigan ang dalawa.
"Iyon ang gusto kong linawin," sabi ni Diane. "Based on my knowledge, hindi iniwanan ni Daiana si Carlo ng, alam mo yun, na 'Ayoko na sa 'yo!' Tapos. Hindi ganun. Mutual yun, kaya nga magkaibigan pa rin ang dalawa. Hindi lang yun. Si Daiana ang tumulong kay Carlo, si Daiana ang lumapit kay Perry para kunin niya si Carlo."
Ang tinutukoy na Perry ni Diane at si Perry Lansigan na manager rin nina Dingdong Dantes, Geoff Eigenmann, Angelika dela Cruz at Jolina Magdangal. Ngayon ay isa na sa stable of talents niya si Carlo, ang Be Bench winner ng ABS-CBN na lumipat na sa GMA-7.
"Di ba sa SOP si Perry before, tapos di ba madalas... I mean regular si Daiana doon, every Sunday, so siyempre may number siya. Nag-text si Daiana kay Perry, na 'Perry, si Carlo...' Alam ni Daiana na malaki ang maitutulong ni Perry kay Carlo. Tingnan mo naman ang track record ni Perry... Dingdong, Geoff, ang galing niyang mag-manage. So kung mapapansin ninyo, ganun kabait si Daiana. Tinulungan pa ni Daiana si Carlo kahit break na sila."
Hanggang ngayon ay tuloy ang komunikasyon ng dating magkasintahan through phone calls and texting. At nitong nakaraang Pasko, kahit hiwalay na sila ay nagregalo pa rin si Carlo kay Daiana.
Nilinaw ni Diane na hindi siya ang manager ni Carlo bago ito napunta kay Perry.
"Para naman rin hindi isipin ng iba na iniwanan ako ni Carlo as manager... Hindi niya ako naging manager. Tinulungan ko lang si Carlo dati dahil it so happened na boyfriend siya ni Daiana noon. Hindi ko kasi forte ang mag-manage ng lalaking talents...
"Actually lumapit nga siya noon, sila nung father niya, na i-manage siya. Kaya lang sabi ko, hindi ko nga forte yun, so sabi ko sa kanila that time, tutulong lang muna ako...
"Kasi, sino ba ang mga talents ko? Puro foreigners at mga babae... si Daiana, si Ariana Barouk, si Arianni, si Valerie Weignmann [ng PBB Teen Edition Plus]."
NEW LOVE INTEREST? Ang latest na balita ay nali-link si Daiana sa DJ and host na si Sam YG na mas kilala bilang Mr. Shivaker. Nali-link sila kasi una magkasama sila sa Eat Bulaga!
"Pangalawa," tuloy pa ni Diane, "sino ang pinakabago sa EB? Sino ba yung magtutulungan, e di yung bago at yung sinundan niyang bago. So yung dalawa yung nagkakasundo.
"Nagdi-date sila. Hindi ko nga alam kung date ang tawag sa ganun e," natatawang sabi ni Diane.
"Minsan kasama si Lougee. Pero may mga times na sina Daiana at Sam lang ang lumalabas... Oo kasi, para sa akin, napaka-normal nun. Pero kumbaga hindi rin ako magugulat kung magiging sila."
Pero, pagtutuloy ni Diane, "dahil nga maganda yung breeding ni Daiana, siguro kumbaga sa ano, respeto kay Carlo, na kaka-break lang nila or, alam mo yun, delikadesa. Kaya I'm sure hindi pa niya sinasagot. I don't think na sila na, pero close sila."
Nilinaw ni Diane na "wala pa si Shivaker sa picture, medyo rocky na yung relationship nila [Daiana at Carlo]."
Nagpakita rin ng delikadesa si Sam. Minsang lalabas sila ni Daiana ay inaya niyang sumama si Diane. Ayaw sana ng talent manager. "Kasi nga feeling ko, although hindi naman nagsasabi sa akin si Shivaker kung nanliligaw nga siya o hindi, malay mo nga nanliligaw. E, ayoko namang lumabas na kontrabida ako, na istorbo ako."
Ayon kay Diane ang sagot daw ni Sam daw, "Hindi, as much as possible kung puwede kasama ka kasi kaka-break lang nila ni Carlo ayoko namang isipin na inaahas ko."
"So in all fairness kay Shivaker, ganun siya," sabi ni Diane. "Kaya sumama ako. Mabait yung tao, concerned rin siya sa reputasyon ni Daiana."
