Pokwang answers some issues about Wowowee

Comedienne Pokwang topbills the latest episode of the weekly drama anthology Your Song Presents titled "Love Me, Love You."


Kabilang sa mga hinahangaang talento ng komedyanang si Pokwang ay ang kanyang galing sa pag-spoof ng mga popular at maging controversial celebrities. Ilan na sa mga ginaya niya na talagang pumatok sa mga tao ay sina Dionisia Pacquiao, Annabelle Rama, ang ina ni Hayden Kho na si Irene Kho, at maging ang nanay ni Jun Pyo sa Boys Over Flowers.

Ang latest nga niyang ginawan ng spoof o impersonation ay si Marlene Aguilar-Pollard, ang kontrobersiyal na ina ng road-rage murder suspect na si Jason Ivler. Natutuwa naman daw siya sa magagandang feedback na nakarating sa kanya sa pag-spoof niya kay Marlene sa show nilang Banana Split.

Kaya naman ang naturang pag-spoof niya ang isa sa mga topic na inusisa ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press kay Pokwang sa pinagsamang thanksgiving party niya for the press at presscon para sa kanyang pinagbibidahang Your Song Presents: Love Me, Love You, na ginanap last February 1 sa Gazebo Royale.

Nakarinig na ba siya ng feedback kay Marlene mismo tungkol sa ginawa niyang panggagaya rito?

"Wala pa naman. Kasi sa sobrang busy niya rin ngayon at sa sobrang dami ng iniisip niya, hindi ko alam kung magre-react pa siya. Hindi ko nga rin alam kung napanood niya yun, e. Pero just in case lang naman, hindi naman siguro siya mao-offend sa ginawa ko, di ba? Kaya nga spoof, di ba?" sabi ni Pokwang.

Kung halimbawa bang siya ay naging si Marlene in real life, gagawin niya rin ba ang ginawa nitong pagtatago sa anak niya kahit na pinaghahanap ito ng awtoridad dahil sa pagiging suspek sa pagpatay kay Renato Ebarle Jr.?

"Bilang isang ina, talagang minamahal natin nang buong puso ang mga anak natin. Pero ako, pagdating sa pagkakamali niya, kahit masakit... kumuha ka ng buhay, e, hindi mo dapat ginawa. So, ako mismo ang magsusuko sa kanya," sagot niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung isasapelikula o itatampok sa Maalaala Mo Kaya ang buhay ni Marlene at siya ang aaluking gumanap kay Marlene, tatanggapin niya ba ito?

"Ay, oo naman!" mabilis niyang tugon.

DOING SPOOFS & IMPERSONATIONS. Kinakabahan ba siya kapag nag-i-spoof siya ng mga characters?

"Oo, syempre, di ba? Una, humihingi muna ako ng mga opinyon, baka ganito, ganyan. Kaya nga spoof, e. At saka pinag-aaralan ko talaga muna nang bonggang-bongga para maganda ang kalalabasan."

Paano niya ba pinaghahandaan ang pag-spoof niya sa isang tao?

"Kasi sa Banana Split, pag may pinapa-spoof sa akin na character, pinapanood ko muna sa YouTube yung mga video nila. Pinag-aaralan ko ang pagsasalita nila, yung galaw ng mga mata, bibig. Sabi ko nga, gagaya rin lang naman tayo, ayusin na natin."

Sa lahat daw ng kanyang mga na-spoof, ang pinakapaborito niya ay si Annabelle Rama.

"Ang pinaka-love ko sa lahat, si Tita Annabelle. Kasi Clown in a Million pa lang, siya na ang ginamit kong piece sa grand finals," sabi ni Pokwang. (Ang Clown in a Million ang comedy contest sa ABS-CBN kung saan nanalo at na-discover si Pokwang.)

Kahit ba nagkaroon sila ng negative issue noon ni Annabelle ay ito pa rin ang pinakagusto niya?

"Yun naman, aminado naman ako na kasalanan ko yun. Kaya hindi ko masisisi si Tita Annabelle na nagalit siya sa akin that time, during Poohkwang sa Music Museum nangyari yun. Kasalanan ko talaga, pero nagkapatawaran na kami. Nagulat nga ako noon dahil may VTR siya sa birthday ko sa ASAP, di ba? Kaya I still love Tita Annabelle sa lahat ng ini-impersonate ko talaga."

Ang pag-i-impersonate ni Pokwang sa mga celebrities ay dinadala niya rin hanggang sa daily noontime show niya sa ABS-CBN na Wowowee. Nandiyang pinagagaya ng main host ng show na si Willie Revillame ang iba't ibang karakter kay Pokwang bilang dagdag-aliw sa mga manonood.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

WOWOWEE ISSUE. Speaking of Wowowee, pinagpaliwanag din ng PEP si Pokwang tungkol sa iba't ibang isyu na lumalabas na may kinalaman sa show. Una naming tinanong ang tungkol sa pagpapalit daw umano ng show mismo?

"Hindi, yung stage lang ang papalitan," paglilinaw niya. "Mas pagagandahin yung setup ng stage. So, kaya nagte-taping kami ngayon, nagpopondo kami habang ginagawa yung studio. Magugulat na lang kayo sa bagong set namin, ang ganda!"

Totoo bang na-threaten ang Wowowee dahil sa mataas na ratings ng Showtime, na nauuna sa timeslot sa show nila?

"Alam ko, hindi naman nate-threaten kasi pareho lang naman na nagre-rate nang maganda and at the same time, nagkakatulungan pa nga. Pero kasi pagdating sa mga ganyan, hindi namin nakakausap si Kuya [Willie] sa mga ganyang bagay."

Totoo bang uminit ang ulo ni Willie noong umaalagwa sa ratings ang Showtime versus Wowowee?

"Wala naman akong nakitang ganun," sabi ni Pokwang. "Alam mo kasi si Kuya, umiinit ang ulo niyan sa set kapag hindi maayos ang trabaho. Ito sasabihin ko sa inyo ang totoo ha... Noong wala pa ako sa Wowowee, takot ako kay Kuya kasi napapanood ko siya sa TV na on air siya kung magalit.

"Pero noong nasa Wowowee na ako, nakita ko, naintindihan ko siya na masyado siyang professional sa trabaho. Saan ka nakakita ng alas-otso nandun na? Ako, pabiyahe pa lang ako noon. Gusto niya kasing mapaganda nang bonggang-bongga ang show kaya minsan hindi maiwasan na umiinit ang ulo niya. Pero after naman nun, alam mo yung biglang magyaya na, 'O, kain naman tayo.' Yun ang bilang paglalambing naman niya."

Nagkaroon ng isyu na mapapalitan o mawawala na ang show dahil sa pabirong hirit ni Willie sa mga co-host niya na sina Pokwang, Mariel Rodriguez, at Valerie Concepcion, na "Malay niyo, magkakasama pa rin tayo." Ano ang reaksyon niya rito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Naku, ganun lang si Kuya kapag gusto niya kaming asarin. Nagbibiro lang yun. Hindi niya kami kayang iwanan, mahal na kami nun, e," sabi niya.

Sigurado bang same set of hosts pa rin ang Wowowee?

"Sabi ko nga, huwag kaming mabawasan, sana madagdagan pa kami."

Bakit nagkaroon ng isyu na papasok daw bilang bagong co-hosts sina Krista Ranillo at ang Pinoy Big Brother Double Up ex-housemate na si Sam Pinto?

"E, kung sa ikagaganda naman ng pagbabago, why not, di ba? Kung may idadagdag man, wala pa, e, hindi pa pinapangalanan. Pero ako, sigurado ako na mahal kami ni Kuya."

Nagtatampo raw si Willie sa kanya dahil hindi siya naka-attend sa birthday party nito last Januray 31. Totoo ba ito?

"Nasa Legazpi ako. Tumawag ako sa kanya noong Sabado [January 30]. Sabi ko, 'Kuya may Legazpi po ako sa Sunday [Jan. 31]. Sabi niya, 'Sige, raket nang raket.' Pero pagkita namin ulit kanina [Feb. 1], okay naman kami. Ang landi-landi nga niya, e. Ang harot! Ganun lang din kasi maglambing si Kuya."

FIRST SOLO LEAD. Bukod sa Lunes hanggang Sabadong schedule niya sa Wowowee, mapapanood na rin si Pokwang every Sunday sa Your Song Presents: Love Me, Love You. Kasama niya rito sina Jason Abalos, Desiree del Valle, Vangie Labalan, Chinggoy Alonzo, John James Uy, Jommy Teotico, Manny CastaƱeda, at Kakai Bautista.

Second time nang mag-Your Song ni Pokwang. Ang una niyang ginawa ay ang episode na "Breaking Up Is Hard To Do," kung saan nakatambal niya si Sam Milby.

"Isang episode lang yung sa amin ni Sam noon, e. Kasi yung Your Song dati, every week, iba-ibang kuwento. Pero ngayon kasi, buong month na yung isang kuwento."

Ginagampanan ni Pokwang sa "Love Me, Love You" ang role ng isang makeup artist (ng mga patay) na biglang yayaman dahil ang tatay (Chinggoy Alonzo) niya pala ay isang milyonaryo. Iibig siya sa batang abugado, played by Jason Abalos, na noong una ay nakipagsabwatan lang kay Desiree del Valle para makuha ang mamanahing yaman ni Pokwang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang pakiramdam niya na solo bida na siya sa Your Song?

"Sobrang happy talaga ako. Sinagot ng Diyos yung dasal ko talaga, kaya sobrang iniingatan ko," sambit niya.

Since romantic-comedy ang tema ng "Love Me, Love You," hindi ba siya nag-request ng kissing scene with her leading man na si Jason Abalos?

"Si Jason nga yung nagre-request. Hindi lang ako pumayag, 'no!" biro ni Pokwang. "Wala, wala kaming kissing scene dito ni Jason. Puro kiyeme-kiyemeng lambingan lang. E, kasi nga may halong comedy yung story, so hindi naman kailangan talaga yung kissing scene."

Directed by Jose Javier Reyes, ang Your Song Presents: Love Me, Love You ay mapapanood tuwing Linggo ng hapon after ng ASAP XV sa ABS-CBN, simula sa February 7.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN